Bagong Tipan 2023
Hulyo 24–30. Mga Gawa 16–21: “Kami’y Tinawag ng Diyos upang Ipangaral ang Mabuting Balita”


“Hulyo 24–30. Mga Gawa 16–21: ‘Kami’y Tinawag ng Diyos upang Ipangaral ang Mabuting Balita’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hulyo 24–30. Mga Gawa 16–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
si Pablo na nagtuturo sa burol

Hulyo 24–30

Mga Gawa 16–21

“Kami’y Tinawag ng Diyos upang Ipangaral ang Mabuting Balita”

Matapos basahin ang Mga Gawa 16–21, sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu at pag-isipan ang mga ideya sa outline na ito habang naghahanda kang magturo. Sumangguni sa “Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata” sa manwal na ito para sa karagdagang tulong.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang nalalaman nila tungkol sa mga karanasan ni Pablo sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Maaari din silang magbahagi tungkol sa iba pang mga missionary na kilala nila o sarili nilang mga karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa ibang tao.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mga Gawa 16:25–34

Nagtuturo ang mga missionary sa mga tao tungkol kay Jesus.

Alam ba ng mga batang tinuturuan mo kung ano ang ginagawa ng mga missionary? Paano mo maipapaunawa sa mga bata na maaari nilang ibahagi ang ebanghelyo sa iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isadula ang Mga Gawa 16:25–34 habang ibinubuod mo ang salaysay tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo nina Pablo at Silas sa bilangguan (tingnan din ang “Kabanata 61: Sina Pablo at Silas sa Bilangguan,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 158–60). Ipaliwanag na tinuturuan din ng mga missionary ngayon ang mga tao tungkol kay Jesus at tinutulungan silang maghandang mabinyagan.

  • Gumawa ng mga missionary name tag na mailalagay ng mga bata sa damit nila, at tulungan silang isulat ang pangalan nila sa mga tag. Turuan ang mga bata ng mga simpleng pahayag ng doktrina na maibabahagi nila sa iba, tulad ng “Ako ay anak ng Diyos,” “Nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng buhay na propeta,” o “Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas.” Ipaalala sa mga bata na hindi natin kailangang magkaroon ng missionary name tag para maibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Mga Gawa 17:10–12

Pinatototohanan ng mga banal na kasulatan ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Bagama’t maaaring hindi pa marunong magbasa ang ilan sa mga batang tinuturuan mo, matutulungan mo silang matutuhang mahalin ang mga banal na kasulatan at makita kung paano pinatototohanan ng mga ito ang Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang isa sa mga bata na basahin ang pariralang “Siniyasat [nila] araw-araw ang mga kasulatan” (Mga Gawa 17:11). Anyayahan ang mga bata na ituro ang bawat araw sa isang linggo sa kalendaryo habang sinasabayan ka nilang bigkasing muli ang pariralang ito. Sama-samang kantahin ang isang awitin na nagtuturo tungkol sa mga pagpapala ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).

  • Para maituro sa mga bata na pinatototohanan ng mga banal na kasulatan ang Ama sa Langit at si Jesucristo, tulungan silang buksan ang isang kabanata sa mga banal na kasulatan, tulad ng Mga Gawa 17 o 18, at hanapin doon ang mga salitang Diyos, o Panginoon, o Jesus. (Maaari mong markahan ang mga salitang ito para mas madaling mahanap ng mga bata ang mga ito.) Sa tuwing makakakita ang mga bata ng isa sa mga salitang ito, anyayahan silang magbahagi ng isang bagay na alam nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Mga Gawa 17:22–31

Ako ay anak ng Diyos.

Sa Areopago (Mars’ Hill), itinuro ni Pablo ang mahahalagang katotohanan tungkol sa likas na katangian ng Diyos, pati na ang mga katotohanan na tayo ay Kanyang mga anak at na “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin” (Mga Gawa 17:27). Paano mo matutulungan ang mga bata na mapalapit sa Ama sa Langit?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ulitin ang pariralang “Tayo’y supling ng Diyos” (Mga Gawa 17:29), at ipaliwanag na ang ibig sabihin ng supling ay anak. Magpatotoo sa bawat bata, nang paisa-isa, na siya ay anak ng Diyos. Anyayahan silang ibahagi ang nadarama nila tungkol sa kanilang Ama sa Langit.

  • Magpakita ng mga larawan ng mga bata na kasama ang kanilang pamilya (kung maaari, gamitin ang mga larawan ng mga bata sa klase mo). Hilingin sa mga bata na ituro ang mga magulang na nasa mga larawan. Ipaliwanag na tayo ay mga anak ng ating ina’t ama, at tayong lahat ay mga espiritung anak ng ating mga magulang sa langit.

  • Kumanta ng isang awitin tungkol sa Ama sa Langit, tulad ng “Aking Ama’y Buhay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 8). Sa tulong ng mga bata, sumulat ng mga salita o magdrowing ng mga larawan sa pisara na kumakatawan sa mga bagay na natututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit mula sa awitin.

  • Basahin sa mga bata ang mga salitang ito mula sa Mga Gawa 17:27: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” Magkuwento tungkol sa mga pagkakataon na nadama mo na malapit ka sa Ama sa Langit, at anyayahan ang mga bata na gawin din iyon.

Larawan
lalaking may hawak ng maliit na batang babae

Bawat tao ay anak ng Diyos.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mga Gawa 16:14–15, 25–34; 18:7–8, 24–28

Maaari akong maging missionary ngayon.

Paano mo matutulungan ang mga bata na maging katulad ni Pablo at ibahagi sa iba ang natututuhan nila tungkol sa ebanghelyo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Mga Gawa 16:14–15, 25–34; 18:7–8, 24–28 at ilista ang mga taong binahaginan ng ebanghelyo nina Pablo at Apolos. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na ilista ang mga taong mababahaginan nila ng ebanghelyo. Ipasadula sa mga bata kung paano nila maaaring sabihin sa mga taong ito ang tungkol kay Jesucristo o anyayahan silang magsimba. Maaari mo ring hilingin sa mga bata na sumulat ng maiikling liham para sa mga taong ito tungkol sa kanilang patotoo sa isang katotohanan ng ebanghelyo.

  • Anyayahan ang kasalukuyang mga full-time missionary, returned missionary, o ward missionary na bumisita sa klase at magkuwento ng mga karanasan nila sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Hikayatin ang mga bata na magtanong kung paano nila maibabahagi ang ebanghelyo sa iba.

Mga Gawa 17:2–4, 10–12; 18:28

Pinatototohanan ng mga banal na kasulatan si Jesucristo.

Pinatototohanan ng lahat ng propeta si Jesucristo. Paano mo maituturo sa mga bata na hanapin Siya sa mga banal na kasulatan, kahit na hindi binabanggit ang Kanyang pangalan?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na basahin ang Mga Gawa 17:2–4, 10–12; 18:28, at hilingin sa kanilang hanapin ang pagkakatulad ng mga talatang ito. Ayon sa mga talatang ito, ano ang nakatulong sa mga tao na maniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo? Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang paborito nilang kuwento tungkol kay Jesus na natutuhan nila mula sa mga banal na kasulatan.

  • Sa mga piraso ng papel, isulat ang mga scripture reference na nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas (makikita mo ang ilan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesucristo,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Itago ang mga papel sa paligid ng silid at hilingin sa mga bata na hanapin ang mga ito. Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga reperensyang makikita nila, at hilingin sa kanila na ibahagi sa isa’t isa ang itinuturo ng bawat talata tungkol kay Jesus.

Mga Gawa 17:22–31

Ako ay anak ng Diyos.

Paano mo matutulungan ang mga bata na maalala na sila ay anak ng Diyos?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang isang bato, at ipaliwanag na noong panahon ni Pablo, sumasamba ang mga tao sa mga diyos na yari sa bato at iba pang mga materyal. Hilingin sa mga bata na basahin ang Mga Gawa 17:27–29. Ano ang natututuhan natin tungkol sa Diyos mula sa mga talatang ito? Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng supling ay anak. Itanong sa mga bata kung ano ang nararamdaman nila na malaman na sila ay anak ng Diyos.

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Mga Gawa 17:27. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan tungkol sa paraan na maaaring “mahagilap” o mahanap nila ang Diyos. Kailan nila nadama na “hindi [Siya] malayo sa [kanila]”?

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na maghanap ng isang talata sa banal na kasulatan sa linggong ito na nagtuturo tungkol kay Jesucristo (maaari nila itong gawin sa kanilang personal na pag-aaral o sa pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan). Sa susunod na linggo, anyayahan silang ibahagi ang kanilang natuklasan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na maging mas magagaling na mag-aaral. Ang layunin mo sa pagtuturo sa mga bata ay hindi lamang para ibahagi ang katotohanan sa kanila. Dapat mo rin silang tulungang maging self-reliant sa paghahanap nila ng katotohanan. Halimbawa, sa halip na magkuwento lang sa mga bata tungkol sa pangangaral ni Pablo sa Areopago, maaari kang magplano ng mga aktibidad, tulad ng mga iminungkahi sa outline na ito, na tutulong sa kanila na sila mismo ang makatuklas sa mga katotohanan sa kuwentong ito.

Print