“Hulyo 31–Agosto 6. Mga Gawa 22–28: ‘Lingkod at Saksi’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hulyo 31–Agosto 6. Mga Gawa 22–28,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Hulyo 31–Agosto 6
Mga Gawa 22–28
“Lingkod at Saksi”
Habang binabasa mo ang mga salaysay mula sa ministeryo ni Apostol Pablo sa Mga Gawa 22–28, maghanap ng mga alituntunin na magiging makabuluhan sa mga batang tinuturuan mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Magdispley ng mga larawan na maaaring magpaalala sa mga bata ng mga kuwento mula sa Mga Gawa 22–28, tulad ng piitan, bangka, at ahas. Anyayahan ang mga bata na ikuwento ang anumang nalalaman nila tungkol kay Pablo na may kaugnayan sa mga larawang ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang Ama sa Langit at si Jesus ay nagmamalasakit sa akin at tutulungan Nila ako sa mga panahon ng kagipitan.
Ang pag-aaral tungkol sa kung paano tinulungan ng Tagapagligtas si Pablo ay makapagpapatatag ng pananampalataya ng mga bata na nagmamalasakit sa kanila ang Ama sa Langit at si Jesus.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibahagi ang kuwento sa Mga Gawa 23:10–11 nang dumalaw ang Tagapagligtas kay Pablo sa bilangguan. Magbahagi ng isang pagkakataon na nagkaroon ka ng pagsubok at tumanggap ka ng patnubay at kapanatagan mula sa Diyos. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga pagkakataon na nadama nila na binigyan sila ng kapanatagan ng Diyos.
-
Tulungan ang mga bata na isaulo ang sinabi ni Jesus kay Pablo: “Lakasan mo ang iyong loob.” Magpaisip sa mga bata ng isang taong mahihikayat nila na magkaroon ng lakas-ng-loob—marahil ay isang taong nalulungkot o nag-aalala.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagiging masaya, tulad ng “Mga Ngiti” (Aklat ng mga Awit Pambata, 128).
Maibabahagi ko ang aking patotoo sa iba.
Ang pag-aaral ng patotoo ni Pablo kay Haring Agripa ay makakatulong sa mga bata na matutuhan kung paano ibabahagi ang alam nilang totoo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala sa klase ng koronang gawa sa papel at ipasuot ito sa isang bata na magkukunwaring si Haring Agripa. Anyayahan ang isa pang bata na tumayo sa harapan ng hari para katawanin si Pablo habang ibinubuod mo ang patotoo ni Pablo at ang reaksyon ni Haring Agripa, na matatagpuan sa Mga Gawa 26:1–29 (tingnan sa “Kabanata 63: Tinapos ni Pablo ang Kanyang Misyon,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 162–66). Ipaliwanag na maibabahagi natin ang ating patotoo sa iba, tulad ng ginawa ni Pablo.
-
Hilingin sa mga bata na makinig habang kinakanta o binabasa mo ang isang awitin tungkol sa patotoo, tulad ng “Aking Ama’y Buhay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 4). Hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang mga kamay kapag narinig nila ang isang bagay na alam nilang totoo. Maaari mong kantahin ang awitin nang ilang beses; anyayahan ang mga bata na sabayan ka sa pagkanta kapag pamilyar na sila sa mga titik nito. Tulungan silang magpraktis na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa mga bagay na alam nilang totoo.
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para matulungan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na maaari nilang sabihin kapag nagbabahagi sila ng patotoo (tingnan ang Mga Saligan ng Pananampalataya para sa iba pang mga ideya). Anyayahan silang magbahagi ng kanilang patotoo sa isang kapamilya.
Binabalaan ako ng mga propeta kapag may panganib.
Isipin kung paano maituturo sa mga bata ng salaysay tungkol sa pagkawasak ng barkong sinakyan ni Pablo na nakikita ng mga propeta ang mga pisikal at espirituwal na panganib na hindi natin nakikita.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magkunwari na nakasakay sila sa isang barko na nawasak sa gitna ng bagyo. Basahin ang babala ni Pablo sa mga tao, na matatagpuan sa Mga Gawa 27:9–10, at ibahagi na nawasak ang barko dahil hindi sila nakinig sa kanyang babala (tingnan sa Mga Gawa 27:11, 39–44). Magpakita ng larawan ng Pangulo ng Simbahan, at magpatotoo na mababalaan niya tayo sa mga espirituwal na panganib.
-
Maglagay ng ilang larawan o bagay sa paligid ng silid na kumakatawan sa mga bagay na itinuro ng mga propeta na gawin natin upang maging mas katulad ni Jesus, tulad ng pagmamahal sa iba o pagpapabinyag. Bilang isang klase, lumakad sa paligid ng silid, tumigil sa bawat larawan o bagay para pag-usapan kung paano nakakatulong sa atin ang pagsunod sa mga turo ng propeta para manatili tayong ligtas.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Mga Gawa 23:10–11; 27:18–25; 28:1–6
Kapag nahaharap ako sa mga paghihirap, hindi ako pinababayaan ng Diyos.
Sa lahat ng pagsubok na naranasan ni Pablo, kasama niya ang Panginoon. Paano mo matutulungan ang mga bata na maihalintulad ang mga karanasan ni Pablo sa kanilang buhay?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamit ang Mga Gawa 23:10, ipaliwanag na si Pablo ay ibinilanggo dahil tinuruan niya ang mga tao tungkol kay Jesus. Pagkatapos ay basahin ninyo ng mga bata ang Mga Gawa 23:11. Paano nagawa ni Pablo na “lakasan [ang kaniyang] loob” kahit nasa bilangguan siya?
-
Isulat sa pisara ang Mga Gawa 23:10–11 ; Mga Gawa 27:18–25 ; at Mga Gawa 28:1–6 . Magpakita ng larawan ng piitan, barko, at ahas, at hilingin sa mga bata na pag-aralan ang mga talatang ito at itugma ang mga ito sa mga larawan. Sa bawat isa sa mga salaysay na ito, paano ipinakita ng Panginoon kay Pablo na Siya ay kasama niya? Magbahagi ng isang karanasan kung kailan ay kasama mo ang Panginoon sa panahong nahihirapan ka at kung paano nito napalakas ang iyong patotoo tungkol sa Kanya. Hikayatin ang mga bata na magbahagi rin ng mga karanasan.
Buong tapang kong mapapatotohanan si Jesucristo.
Ang katapangan ni Pablo sa pagbabahagi ng kanyang patotoo ay makakatulong sa mga bata na maging matapang kapag nagbabahagi ng kanilang patotoo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Pumili ng mga talata mula sa Mga Gawa 26 na babasahin kasama ng mga bata para matulungan silang maunawaan kung ano ang sinabi ni Pablo kay Haring Agripa tungkol sa kanyang mga karanasan (tulad ng mga talata 9–16) at ang itinuro niya tungkol kay Jesucristo (tulad ng mga talata 18, 23). Bakit kaya maaaring nakakatakot para kay Pablo na ibahagi ang mga bagay na ito sa harap ng hari? Hilingin sa mga bata na ilista ang ilang alituntunin ng ebanghelyo na alam nilang totoo. Hilingin sa kanila na mag-isip ng isang taong kilala nila na kailangang makarinig ng kanilang patotoo tungkol sa mga katotohanang ito.
-
Hilingin sa mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito sa pagsulat ng isang bagay na maaari nilang sabihin sa kanilang patotoo.
Binabalaan ako ng mga propeta kapag may panganib.
Maaaring pakinggan ng mga bata ang mga mensahe ng mga makabagong propeta at kilalanin ang kanilang mga babala. Paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan kung paano dinggin ang mga babalang iyon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gupit-gupitin ang isang papel na hugis-barko para maging mga piraso ng puzzle. Hilingin sa mga bata na isulat ang mga babala ni Pablo sa Mga Gawa 27:9–11 sa mga piraso ng papel at pagkatapos ay buuin ang puzzle. Bakit hindi nakinig ang mga tao kay Pablo? (tingnan sa talata 11). Anyayahan ang mga bata na basahin ang mga talata 18–20 at 40–44 para malaman kung ano ang nangyari dahil dito. (Ipaliwanag na dahil sumunod ang mga tao sa payo ni Pablo kalaunan na manatili sa barko, walang namatay nang mawasak ang barko; tingnan sa mga talata 30–32.) Ano ang matututuhan natin mula sa karanasang ito tungkol sa pagsunod sa propeta?
-
Magdala ng mensahe ng Pangulo ng Simbahan sa pinakahuling kumperensya at ibahagi sa mga bata ang anumang mga babala o payo na ibinigay niya. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na masusunod nila ang propeta.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hilingin sa mga bata na gamitin ang natutuhan nila tungkol kay Pablo para hikayatin ang kanilang pamilya na pag-aralan ang pinakahuling mensahe ng propeta at talakayin kung paano nila masusunod ang payo niya.