Bagong Tipan 2023
Agosto 14–20. Roma 7–16: “Daigin Mo ng Mabuti ang Masama”


“Agosto 14–20. Roma 7–16: ‘Daigin Mo ng Mabuti ang Masama’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Agosto 14–20. Roma 7–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
mga guho ng sinaunang Roma

Agosto 14–20

Roma 7–16

“Daigin Mo ng Mabuti ang Masama”

Habang binabasa mo ang Roma 7–16, itala ang anumang impresyong natatanggap mo kung paano mo maituturo sa mga bata ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ilang araw bago ang klase, anyayahan ang isa o mahigit pang mga bata na maghanap ng isang talata sa Roma 7–16 na maibabahagi nila sa klase. Maaari mong anyayahan ang kanilang mga magulang kung kailangan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Roma 8:35–39

Mahal ako ng aking Ama sa Langit.

Paano mo magagamit ang mga salita ni Pablo para maituro sa mga bata na palagi silang mamahalin ng Ama sa Langit?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang pariralang “[Walang] makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos” (Roma 8:39). Mag-isip ng isang paraan para mailarawan ang katotohanang ito. Halimbawa, maaari kang magdala ng dalawang tabla na magkasama mong ipinako, ang isa ay may nakasulat na “tayo” at ang isa naman ay may nakasulat na “ang pag-ibig ng Diyos.” Hilingin sa mga bata sa subukan kung mapaghihiwalay nila ang mga tabla.

  • Magpakita ng larawan ng araw, o anyayahan ang mga bata na tumingin sa labas ng bintana at tingnan ang sikat ng araw. Paano naging katulad ng pagmamahal ng Ama sa Langit ang araw? Ipaunawa sa mga bata na kahit malayo ang araw, maipadarama nito sa atin ang init. Maaari nating madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa lahat ng oras, kahit hindi natin Siya kapiling nang personal. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ng Diyos, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17).

Larawan
si Jesus na may kasamang mga bata

Matutulungan ng mga bata ang iba na malaman ang tungkol sa Tagapagligtas at manampalataya sa Kanya. Storytime in Galilee [Oras ng Pagkukuwento sa Galilea], ni Del Parson

Roma 10:17

Dumarating ang pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos.

Kapag naririnig ng mga bata ang salita ng Diyos at pinakikinggan itong mabuti, lalago ang kanilang pananampalataya sa Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Roma 10:17 sa mga bata, at magpakita sa kanila ng mga larawan ng mga sitwasyon kung saan ay maaari nilang marinig ang salita ng Diyos (tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, klase sa simbahan, o pangkalahatang kumperensya; tingnan ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Itanong sa mga bata kung kailan nila narinig ang salita ng Diyos.

  • Magkuwento tungkol sa isang batang nakikinig sa salita ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Habang nagkukuwento ka, unti-unting hipan ang isang lobo para kumatawan sa paglago ng pananampalataya ng bata tuwing nakikinig siya ng salita ng Diyos.

  • Para maipaunawa sa mga bata na maaaring lumago ang kanilang pananampalataya, tulungan silang kantahin ang “Pananalig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50–51). Habang kumakanta sila, pagkunwariin silang mga binhi sa pamamagitan ng pagyuko. Tuwing kakantahin nila ang salitang pananalig, patayuin sila nang kaunti tulad ng isang lumalagong halaman.

  • Itago sa loob ng silid-aralan ang isang set ng mga banal na kasulatan, isang larawan ng Pangulo ng Simbahan, at isang kopya ng magasin na Kaibigan . Ipahanap sa mga bata ang mga bagay na ito at hilingin sa kanila na ibahagi kung paano ginagawang posible ng bawat isa na marinig natin ang salita ng Diyos.

Roma 16:1–4

Mapapasalamatan ko ang mga taong tumutulong sa akin.

Nagpasalamat si Pablo sa mga taong tumulong sa kanya. Matutulungan mo ang mga bata na pansinin ang kabaitan na ginagawa ng iba para sa kanila at alalahaning pasalamatan sila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na pinasalamatan ni Pablo ang tulong sa kanya ng babaeng si Febe at ng mag-asawang sina Priscila at Aquila (tingnan sa Roma 16:1–4). Magpadrowing sa mga bata ng mga larawan ni Pablo at ng tatlong taong ito habang binabasa mo mga talatang ito.

  • Anyayahan ang bawat bata na magbahagi ng isang magandang bagay na ginawa ng isang tao para sa kanya kamakailan. Tulungan ang mga bata na gumawa ng mga thank-you card para sa mga taong iyon.

  • Tulungan ang mga bata na matutong magpasalamat sa iba’t ibang wika. Makakatulong ang kantang “Mga Bata sa Buong Daigdig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 4–5).

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Roma 8:16–18

Nais ng Ama sa Langit na maghanda akong tanggapin ang lahat ng mayroon Siya.

Ginagawang posible ng plano ng Ama sa Langit na maging katulad Niya tayo at manahin natin ang lahat ng mayroon Siya. Ang katotohanang ito ay makahihikayat sa mga batang tinuturuan mo na mas tapat na ipamuhay ang ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Roma 8:16–18. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa kung sino tayo at ano ang maaaring maging kahihinatnan natin? Ipaliwanag na ang “tagapagmana” ay isang taong nagmamana, o tumatanggap, ng kung anong mayroon ang kanyang mga magulang. Isulat sa pisara ang Ano ang kailangan nating gawin upang magmana ng lahat ng mayroon ang ating Ama sa Langit? Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagsunod, tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87), na naghahanap ng mga sagot. Ano ang iba pang mga sagot na naiisip ng mga bata?

  • Hilingin sa mga bata na isipin ang isang hari na gustong ibigay sa kanyang mga anak ang pamamahala sa kanyang kaharian balang araw. Ipaliwanag na ang Ama sa Langit ay tulad ng isang hari, at tayo ay Kanyang maharlikang mga anak. Maaari mong ikuwento ang anak ni Haring Louis XVI ng France, na matatagpuan sa mensahe ni Sister Elaine S. Dalton na “Alalahanin Kung Sino Kayo!” (Liahona, Mayo 2010, 121). Bakit mahalagang tandaan na tayo ay mga anak ng Ama sa Langit at isinilang upang maging katulad Niya balang araw? Paano naaapektuhan ng katotohanang ito ang mga pagpiling ginagawa natin dito sa lupa?

Roma 10:17

Dumarating ang pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa salita ng Diyos.

Maraming oportunidad ang mga bata na makinig sa salita ng Diyos. Ipakita sa kanila kung paano mapapalakas ng pakikinig sa salita ng Diyos ang kanilang pananampalataya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat ang sumusunod na pangungusap sa pisara: nanggagaling sa , at sa pamamagitan ng ni . Papunan sa mga bata ang mga patlang matapos nilang basahin ang Roma 10:17. Magbahagi ng pagkakataon na may nagturo ng isang katotohanan ng ebanghelyo na nagpalakas sa iyong pananampalataya—marahil ay maaari mong ibahagi ang isang paboritong talata sa banal na kasulatan o sipi mula sa pangkalahatang kumperensya. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga sarili nilang karanasan.

  • Bigyan ang isang bata ng larawan ng Tagapagligtas na pinagagaling ang isang tao at sabihin sa kanya na huwag hayaang makita ng ibang mga bata ang larawan. Hilingin sa bata na magbigay ng mga clue para mahulaan ng ibang mga bata kung ano ang ipinapakita sa larawan. Paano natin matutulungan ang iba na malaman ang tungkol sa Tagapagligtas para manampalataya sila sa Kanya?

Roma 14:10, 13

“Huwag na tayong humatol pa sa isa’t isa.”

Kapag nakikihalubilo ang mga bata sa mga ibang gumagawa ng mga pasiya na naiiba sa kanila, maaari silang matuksong humatol. Isipin kung paano makakatulong ang tagubilin ni Pablo sa mga taga-Roma para maiwasan ang gayong paghatol.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa isang bata na basahin ang Roma 14:10, 13. Ipabilang sa ibang mga bata kung ilang beses ginamit ni Pablo ang salitang hatol. Ano ang ibig sabihin ng hatulan ang isang tao? Bakit ba natin dapat iwasang hatulan ang iba?

  • Magpakita ng larawan ng isang tao, at itanong sa mga bata kung ano ang alam natin tungkol sa taong ito sa pagtingin lang sa larawan. Ano ang ilang bagay na hindi natin alam tungkol sa kanya? Bakit ang Panginoon ang pinakamainam na humatol sa taong ito? (tingnan sa 1 Samuel 16:7).

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hilingin sa mga bata na pumili ng isang aktibidad na ginawa ninyo bilang isang klase at gawin ito sa kanilang pamilya. Sabihin sa kanila na sa susunod na linggo ay maaari nilang ikuwento ang kanilang ginawa.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Bigyan ang mga bata ng mga pagkakataong gumalaw. Kadalasan ay mahirap para sa mga bata na maupo sa mahabang panahon na ibinibigay ang kanilang buong atensyon. Paminsan-minsan, patayuin ang mga bata sa ilang bahagi ng klase o paupuin sila sa sahig sa halip na sa kanilang mga upuan.

Print