“Agosto 7–13. Roma 1–6: ‘Ang Kapangyarihan ng Diyos para sa Kaligtasan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Agosto 7–13. Roma 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Agosto 7–13
Roma 1–6
“Ang Kapangyarihan ng Diyos para sa Kaligtasan”
Anong mga pahiwatig ang natanggap mo habang binabasa mo ang Roma 1–6? Ang mga pahiwatig na ito ay maaaring makatulong sa iyo na pumili mula sa sumusunod na mga ideya sa pagtuturo o maghanda ng sarili mong lesson.
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang ginawa nila bilang tugon sa anumang mga imbitasyong ibinigay mo sa kanila sa lesson noong nakaraang linggo.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maipapakita ko ang pananampalataya ko kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.
Itinuro ni Pablo na ang ebanghelyo ay may kapangyarihang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng nabubuhay nang may pananampalataya kay Jesucristo. Paano mo matutulungan ang mga bata na maipakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Roma 1:17 sa mga bata, at tulungan silang isaulo ang katagang “Ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” Maaari mong atasan ang bawat bata ng isang salita sa parirala at ipabigkas ang salitang iyon sa kanila kapag itinuro mo ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang ito ay dapat tayong mabuhay nang may pananampalataya kay Jesucristo. Itanong sa mga bata kung alam nila kung ano ang pananampalataya. Magpakita ng larawan ni Jesucristo at ipaliwanag na naniniwala tayo na Siya ay totoo kahit hindi pa natin Siya nakikita. Ito ay pananampalataya—paniniwala sa isang bagay kahit hindi pa natin ito nakikita.
-
Ipaliwanag na nagpapakita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya. Magtago sa paligid ng silid ng mga larawan ng mga tao na ginagawa ang ipinagagawa sa atin ni Jesus. Hilingin sa mga bata na maghalinhinan sa paghahanap at pagpapaliwanag ng mga larawan. Ano ang magagawa natin para masunod si Jesus?
-
Hilingin sa isa sa mga bata na ipikit ang kanyang mga mata, at gabayan siya patawid sa kabilang panig ng silid papunta sa isang larawan ni Jesus. Kung may oras pa, gawin din ito sa ibang bata. Ipaunawa sa mga bata na maaari nilang sundin ang mga turo ni Jesus tulad ng pagsunod nila sa paggabay mo.
Ang pagpapabinyag ay tulad ng pagkakaroon ng bagong buhay.
Ang mga batang tinuturuan mo ay naghahandang mabinyagan. Ano ang matututuhan nila tungkol sa binyag mula sa Roma 6?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ulitin ang katagang “[Lumakad] sa panibagong buhay” (Roma 6:4). Sabihin sa mga bata kung ano ang kahulugan nito sa iyo. Halimbawa, maaari kang magbahagi ng mga alaala tungkol sa araw na nabinyagan ka at pag-usapan kung paano nakatulong sa iyo ang iyong binyag na maging lalong katulad ni Jesucristo. Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para maituro sa mga bata na tinutulungan tayo ng pagpapabinyag na magkaroon ng bagong buhay.
-
Kung nakadalo na sa isang binyag ang sinuman sa mga bata, hilingin sa kanilang ibahagi ang kanilang karanasan. O ipakita ang larawan ng isang taong binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 35, 103–4). Tulungan ang mga bata na maunawaan na sa binyag, gumagawa tayo ng mga pangako na maging katulad ni Jesus. Anyayahan silang idrowing ang kanilang sarili na binibinyagan at ibahagi kung ano ang magagawa nila para makapaghanda para sa kanilang binyag.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53). Ano ang matututuhan natin tungkol sa binyag mula sa awiting ito?
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Maipapakita ko ang pananampalataya ko kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.
Itinuro ni Pablo na ang ebanghelyo ay may kapangyarihang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng nabubuhay nang may pananampalataya kay Jesucristo. Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo. Ginaganyak tayo nitong sundin ang mga kautusan. Paano mo mas maipapaunawa sa mga bata ang pananampalataya?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipahanap sa isang bata ang Roma sa mapa. Ipaunawa sa mga bata na sa susunod na ilang linggo, matututo sila mula sa mga sulat ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang lugar, simula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma.
-
Isulat ang teksto mula sa Roma 1:16 sa pisara, na pinapalitan ng mga patlang ang ilang salita. Ipahanap sa mga bata ang talata sa banal na kasulatan at papunan ang mga patlang. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang ibig sabihin sa kanila ng “Hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo ni Cristo.”
-
Hilingin sa isang bata na basahin nang malakas ang Roma 1:17, at hilingin sa ibang mga bata na pakinggan ang isang salitang inuulit. Ano ang ibig sabihin ng “[mabuhay] sa pamamagitan ng pananampalataya”? Tulungan ang mga bata na makahanap ng isang kahulugan ng pananampalataya sa isang resource na tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya” (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Paano maiiba ang buhay natin kung wala tayong pananampalataya kay Jesucristo?
-
Magpakita ng isang halaman at isang binhi sa mga bata, at itanong kung paano natin matutulungang maging halaman ang isang binhi. Ipaliwanag na kapag itinanim at diniligan natin ang binhi, ipinapakita natin na sumasampalataya tayo na lalago ito. Paano natin ipinapakita na sumasampalataya tayo kay Jesucristo? Isiping kantahin ang isang awitin tungkol sa pananampalataya, tulad ng “Pananalig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50), bilang bahagi ng aktibidad na ito.
Kailangan nating lahat si Jesucristo para mapatawad ang ating mga kasalanan.
Nais ni Pablo na maunawaan ng mga taga-Roma na ang kaligtasan ay dumarating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang biyaya. Pagnilayan kung paano mo maituturo ang katotohanang ito sa mga bata.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang bawat bata ng isang parirala mula sa Roma 3:23–24, na nakasulat sa isang papel. Hilingin sa mga bata na ilagay ang mga piraso ng papel sa pisara sa tamang pagkakasunud-sunod ng mga ito sa talata at sama-samang basahin ang mga talata. Itanong sa mga bata kung ano ang natututuhan nila sa mga talatang ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “biyaya” sa talata 24 ay kaloob na pagmamahal at awa ng Tagapagligtas, na dahilan kaya posible na mapatawad tayo sa ating mga kasalanan at maging mas mabuti tayo.
-
Magsabit ng isang larawan sa mataas na bahagi ng dingding o sa ibang lugar na hindi kayang abuting ng mga bata. Hilingin sa mga bata na subukang abutin ito, at ihambing ito sa itinuturo ni Pablo sa Roma 3:23. Pagkatapos ay tulungan silang maabot ang larawan. Ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin na hindi natin magagawa para sa ating sarili? Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas kapag iniisip nila ang nagawa Niya at kaya Niyang gawin para sa kanila.
Ang pagpapabinyag ay tulad ng pagkakaroon ng bagong buhay.
Itinuro ni Pablo na ang binyag ay simbolo ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Simbolo rin ito ng pagbangon upang “[makalakad] sa panibagong buhay” (Roma 6:4). Pinaninibago natin ang ating pangako na magpatuloy sa pagbabagong-buhay tuwing nakikibahagi tayo ng sakramento.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa isang bata na basahin ang Roma 6:3–6. Ano ang sinabi ni Pablo na “katulad ng” binyag?
-
Talakayin kung paano isinisimbolo ng binyag ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. Maaaring makatulong na magdispley ng larawan ng isang binyag. Bakit ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ay mabubuting simbolo ng nagaganap kapag binibinyagan tayo?
-
Basahin ang mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79. Ipaalala sa mga bata na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinaninibago natin ang pangakong susundin si Jesucristo na ginawa natin noong bininyagan tayo. Paano tayo natutulungan ng sakramento na “[makalakad] sa panibagong buhay”?
-
Hilingin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan na nagpapakita kung ano ang ibig sabihin sa kanila ng “[makalakad] sa panibagong buhay.” Maaaring isabit ng mga bata ang mga larawang ito sa kuwarto nila para magpaalaala sa kanila na gumawa ng mabubuting pasiya.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Imungkahi sa mga bata na hilingin sa kanilang mga kapamilya na ipaalam sa kanila kapag nakikita ng mga kapamilya nila na gumagawa sila ng isang bagay na nagpapakita ng pananampalataya.