“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2023)
“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Mas Maliliit na Bata
Ang mga bata ay handa at sabik na matutuhan ang ebanghelyo kung ituturo ito sa paraang mauunawaan nila. Lalo na kung nagtuturo ka sa mas maliliit na bata, isiping gamitin ang sumusunod na mga uri ng aktibidad para tulungan silang matuto.
-
Kumanta. Ang mga Himno at mga awit mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay mabisang nagtuturo ng mga doktrina. Gamitin ang indeks ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para mahanap ang mga awiting nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo. Tulungan ang mga bata na iugnay ang mga mensahe ng mga awitin sa kanilang buhay. Halimbawa, maaari kang magtanong tungkol sa mga salita o parirala sa mga titik ng awitin. Bukod sa pag-awit, maaaring gumawa ng aksiyon ang mga bata na tugma sa mga awitin o makinig lamang sa mga awitin bilang background music habang gumagawa sila ng iba pang mga aktibidad. Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga bahaging “Paggamit ng Musika upang Maituro ang Doktrina” at “Pagtulong sa mga Bata na Matutuhan at Maalala ang mga Awitin sa Primary at mga Himno” na nasa apendiks ng manwal na ito.
-
Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Gustung-gusto ng mga batang musmos ang mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, sa inyong buhay, sa kasaysayan ng Simbahan o sa kasaysayan ng inyong pamilya, o sa mga magasin ng Simbahan. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang hawakan ang mga larawan o bagay, idrowing ang naririnig nila, isadula ang kuwento, o maaari din silang tumulong sa pagkukuwento. Tulungan ang mga bata na makita ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga kuwentong ibinabahagi mo.
-
Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Maaaring hindi pa gaanong magaling magbasa ang maliliit na bata, pero maaari mo pa rin silang isali sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kailanganin mong magtuon sa isang talata, mahalagang parirala, o salita. Habang binabasa mo nang malakas ang isang talata sa banal na kasulatan, maaari mong anyayahan ang mga bata na tumayo o magtaas ng kamay kapag narinig nila ang isang partikular na salita o parirala na nais mong pagtuunan ng pansin. Maaari pa nga nilang maisaulo ang maiikling parirala mula sa mga banal na kasulatan kung uulitin nila ang mga ito nang ilang beses. Kapag narinig nila ang salita ng Diyos, madarama nila ang Espiritu.
-
Maging aktibo. Dahil kadalasan ay masigla ang mga bata, magplano ng mga paraan para makagalaw sila sa paligid—magmartsa, tumalon, lumukso, bumaluktot, maglakad, at gumawa ng iba pang mga galaw na nauugnay sa alituntunin o kuwentong itinuturo mo. Maaari ding maging epektibo ang mga aksiyon o galaw na ito habang sama-sama kayong kumakanta.
-
Tingnan ang isang larawan o manood ng isang video. Kapag nagpapakita ka sa mga bata ng mga larawan o video na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo o kuwento, bigyan sila ng mga tanong para matulungan silang matuto mula sa kanilang nakikita. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari sa larawan o video na ito? Ano ang ipinadarama nito sa iyo?” Ang Gospel Media app, GospelMedia.ChurchofJesusChrist.org, at children.ChurchofJesusChrist.org ay magagandang lugar sa paghahanap ng mga larawan at video.
-
Tulungan at hikayatin ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan. Ang mga maibabahagi ng mas maliliit na bata ay maaaring hindi kasindami ng maibabahagi ng mga nakatatandang bata, pero kung bibigyan mo sila ng mga partikular na patnubay, maibabahagi nila ang kanilang mga nadarama at karanasan tungkol sa natututuhan nila.
-
Lumikha. Ang mga bata ay maaaring magbuo, magdrowing, o magkulay ng isang bagay na nauugnay sa kuwento o alituntuning natututuhan nila. Hikayatin silang iuwi sa bahay ang nalikha nila at ibahagi ito sa mga kapamilya para matulungan ang mga bata na maalala ang natutuhan nila.
-
Makilahok sa mga object lesson. Ang isang simpleng object lesson ay makakatulong sa mga bata na maunawaan ang isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap maintindihan. Kapag gumagamit ng mga object lesson, humanap ng mga paraan para makalahok ang mga bata. Mas marami silang matututuhan mula sa isang karanasan na nakikisalamuha sila kaysa manood lang ng isang demonstrasyon.
-
Magdula-dulaan. Kapag isinasadula ng mga bata ang isang sitwasyong malamang na maranasan nila sa totoong buhay, mas mauunawaan nila kung paano naaangkop ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.
-
Ulitin ang mga aktibidad. Maaaring kailangang marinig ng maliliit na bata ang mga konsepto nang maraming beses para maunawaan ang mga ito. Huwag matakot na ulitin nang madalas ang mga kuwento o aktibidad, kahit habang nasa isang lesson. Halimbawa, maaari mong ibahagi ang isang kuwento sa banal na kasulatan nang ilang beses sa iba’t ibang paraan sa oras ng isang lesson—sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa mga banal na kasulatan, pagbubuod gamit ang sarili mong mga salita, pagpapalabas ng isang video, pagpapatulong sa mga bata na isalaysay ang kuwento, pag-anyaya sa kanila na isadula ang kuwento, at iba pa. Kung ang isang aktibidad na ginamit sa klase ay inulit din sa bahay, makakatulong ang pag-uulit para matuto at makaalala ang mga bata.
-
Makisalamuha sa iba. Ang mga bata ay nagkakaroon ng kakayahang makisalamuha at kadalasan ay natutuwang matuto at makipaglaro sa mga kaedad nila. Lumikha ng mga pagkakataon para sila ay makapagbahagi, makapaghalinhinan, at magkatulungan habang natututo sila.
-
Makilahok sa iba’t ibang aktibidad. Ang maliliit na bata ay karaniwang madaling mainip, at magkakaiba ang estilo nila sa pag-aaral. Gumamit ng iba’t ibang aktibidad, at pagtuunan ng pansin ang mga palatandaan na kailangan ng mga bata na magbago ng aktibidad. Halimbawa, maaaring kailangan mong dalasan ang pagsasalitan ng tahimik at masiglang mga aktibidad.
Bahagi ng iyong tungkulin bilang guro ng maliliit na bata—bukod pa sa pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo—ang tulungan ang mga bata na matutong makilahok nang angkop sa isang klase sa Simbahan. Halimbawa, maaaring kailangan nilang matuto tungkol sa paghahalinhinan, pagbabahagi, paggalang sa iba, at iba pa. Ang ilang guro ay lumilikha ng mga tsart na may mga assignment para makalahok ang bawat bata sa klase sa isang partikular na paraan (tulad ng pagdarasal, paghawak ng larawan, o pagpapasa ng mga papel). Maaaring magbago ang mga assignment linggu-linggo. Matutulungan nito ang mga bata na maghalinhinan at magtuon sa angkop na pag-uugali sa silid-aralan.
Ang mga bata—lalo na ang mas maliliit na bata—ay kadalasang nakikinabang sa isang regular at hindi pabagu-bagong karaniwang gawain. Dahil madaling mainip ang maliliit na bata at kung minsan ay nahihirapan silang magtuon nang buong oras sa klase, karaniwan ay pinakamainam kung kasama sa karaniwang gawaing ito ang madalas na pagbabago ng aktibidad. Halimbawa, maaaring ibilang sa karaniwang gawain ninyo sa klase ang paminsan-minsang pahinga para magkulay ng isang larawan, kumanta ng isang awitin, at iba pa.