Bagong Tipan 2023
Isang Huwaran sa Pagtuturo


“Isang Huwaran sa Pagtuturo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2023)

“Isang Huwaran sa Pagtuturo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

guro at bata sa Primary

Isang Huwaran sa Pagtuturo

Sa resource na ito, makikita mong inuulit sa bawat outline ang sumusunod na huwarang may tatlong hakbang: mag-anyayang magbahagi, ituro ang doktrina, at maghikayat ng pag-aaral sa tahanan. Sa maraming pagkakataon, habang nagtuturo ka, ang mga bahagi ng huwarang ito ay maaaring magkasabay o maiba ang pagkakasunud-sunod. Halimbawa, isipin na ang pagbabahagi ay isang oportunidad para ituro ang doktrina, at ang pagtuturo ng doktrina ay dapat kabilangan ng mga paanyayang magbahagi. Gayundin, ang paghihikayat ng pag-aaral sa tahanan ay maaaring maganap sa buong talakayan sa klase. Hayaang likas na maganap ang mga pag-aangkop sa huwarang ito, habang sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga batang iyong tinuturuan.

Mag-anyayang Magbahagi

3:15

Bilang bahagi ng bawat klase, anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga nadarama, ideya, at karanasan tungkol sa mga alituntuning itinuturo mo. Ang kanilang mga komento ay maaaring kabilangan ng mga naranasan nila sa pag-aaral sa tahanan. Maaari mo ring rebyuhin ang natutuhan nila noong nakaraang linggo at itanong kung paano ito nakaimpluwensya sa buhay nila.

Ituro ang Doktrina

3:23

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa iyo na mas maunawaan ang doktrinang ituturo mo sa mga bata. Isipin ang mga talata sa banal na kasulatan, siping-banggit, karanasan, katanungan, at iba pang resources na maaari mong ibahagi para maipaunawa sa mga bata ang mga alituntunin ng ebanghelyo na natututuhan nila at kumilos sila ayon dito. Tulungan silang makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo kapag nagpapatotoo Siya tungkol sa katotohanan. Maghanap ng malikhain at inspiradong mga paraan upang maging kapana-panabik para sa kanila ang natututuhan nila.

Para sa mga ideya kung paano gamitin ang musika para ituro ang doktrina, tingnan ang mga bahaging “Paggamit ng Musika upang Maituro ang Doktrina” at “Pagtulong sa mga Bata na Matutuhan at Maalala ang mga Awitin sa Primary at mga Himno” sa apendiks ng manwal na ito.

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Dahil ang tahanan ang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo, ang isa sa iyong mga layunin bilang guro sa Primary ay ang maghikayat ng pag-aaral sa tahanan. Paano mo matutulungan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila sa klase? Paano mo mahihikayat ang mga bata at ang kanilang mga magulang na patuloy na matuto mula sa Bagong Tipan sa tahanan?