“Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2023)
“Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata
Tinawag ka ng Diyos upang turuan ang Kanyang mga anak sa paraan ng Tagapagligtas. Ikaw ay itinalaga sa tungkuling ito sa pamamagitan ng awtoridad ng Kanyang banal na priesthood. Kahit hindi ka bihasang guro, kapag ikaw ay namumuhay nang marapat, nagdarasal araw-araw, at nag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagkakalooban ka ng Ama sa Langit ng impluwensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo para tulungan kang magtagumpay (tingnan sa 2 Nephi 33:1).
Ang mga ipinagkatiwala sa iyong pangangalaga ay mga anak ng Ama sa Langit, at alam Niya kung ano ang kailangan nila at paano sila higit na matutulungan. Habang mapanalangin mong hinahangad ang impluwensya ng Espiritu Santo, gagabayan ka Niya habang naghahanda ka at habang nagtuturo ka. Ihahayag Niya sa iyo ang dapat mong sabihin at dapat mong gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5).
Huwag maliitin ang kakayahan ng isang bata na maunawaan ang ebanghelyo. Sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay, ang mga natatanging batang ito ay patuloy na natututo ng impormasyon, bumubuo at naglilinang ng kanilang mga opinyon, at tumutuklas at nagbabahagi ng mga natuklasan nila. Ito ay lalong totoo sa ebanghelyo, sapagkat ang mga bata ay handa at sabik na matutuhan ang mga simpleng katotohanan nito. Ang kanilang pananampalataya sa mga espirituwal na bagay ay matibay at dalisay, at ang bawat sandali ay pagkakataon para matuto. Handa silang gawin ang mga natututuhan nila, kahit na hindi pa kumpleto ang kanilang pang-unawa. Ganito dapat ang paraan nating lahat sa pagtanggap ng ebanghelyo. Tulad ng itinuro ni Jesus, “Sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon” (Lucas 18:17).
Ang calling o tungkulin na magturo sa mga bata ay sagradong pagtitiwala, at normal lang na mahirapan ka kung minsan. Ngunit alalahanin na tinawag ka ng iyong Ama sa Langit, at hindi ka Niya pababayaan. Ito ay gawain ng Panginoon, at habang naglilingkod ka “na may buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2), pag-iibayuhin Niya ang iyong mga kakayahan, kaloob, at talento, at ang iyong paglilingkod ay magpapala sa buhay ng mga batang iyong tinuturuan.