“Hunyo 26–Hulyo 2. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21: ‘Siya’y Nagbangon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hunyo 26–Hulyo 2. Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Hunyo 26–Hulyo 2
Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20–21
“Siya’y Nagbangon”
Ang mga batang may patotoo sa mga katotohanan sa mga kabanatang ito ay may matibay na pundasyon kung saan palalakasin ang kanilang pananampalataya. Paano mo aanyayahan ang Espiritu na magpatotoo sa mga katotohanang ito?
Mag-anyayang Magbahagi
Ang pagtingin sa isang larawan ay makakatulong sa mga bata na maalala ang mga bagay na natutuhan nila sa bahay o sa iba pang lugar. Marahil ay maaari mong ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at hilingin sa mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kuwento na ipinapakita sa larawan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20:1–23
Tulad ng nangyari kay Jesus, muli akong mabubuhay matapos na ako ay mamatay.
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kabilang na ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ay ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan, at ito ang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano. Habang binabasa mo ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, pagnilayan kung paano mo tutulungan ang mga bata na mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus sa sarili mong mga salita. (Kung kinakailangan, gamitin ang “Kabanata 54: Nagbangon si Jesus,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 139–44.) Ipaliwanag na nang mamatay si Jesus, humiwalay ang Kanyang Espiritu sa Kanyang katawan. Noong Siya ay nabuhay na mag-uli, ang Kanyang espiritu at ang Kanyang katawan ay muling nagsama. Hilingin sa mga bata na isa-isa nilang isalaysay muli sa iyo ang kuwento. Itanong sa mga bata kung ano kaya ang madarama nila kung nakita nilang nabuhay muli si Jesus.
-
Magpatotoo na ang bawat tao ay mabubuhay na mag-uli balang-araw. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga patotoo.
1:40 -
Kantahin ang isang awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, tulad ng “Si Jesus Ba ay Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45). Hilingin sa mga bata na isipin kung ano kaya ang pakiramdam na makita si Jesus. Ipabahagi ang kanilang mga iniisip sa klase.
Kaya kong manampalataya kay Jesucristo kahit na hindi ko Siya nakikita.
Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang kahulugan ng pananampalataya at kung paano nila maipapakita ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento sa mga bata ang karanasan ni Tomas sa Juan 20:24–29. Muling isalaysay ang kuwento, ngunit sa pagkakataong ito ay hilingin sa mga bata na ibigay ang ilang detalye.
-
Magpakita ng isang kahon na may isang bagay sa loob na hindi nakikita ng mga bata, at ilarawan ang bagay sa mga bata. Itanong sa kanila kung naniniwala sila na ang bagay ay nasa loob talaga ng kahon at bakit. Pagkatapos ay ipakita sa kanila ang bagay, at ipaliwanag na ang pananampalataya ay paniniwala sa mga bagay na hindi natin nakikita. Ang pinakamahalaga sa lahat ng pananampalataya na magkakaroon tayo ay ang pananampalataya kay Jesucristo.
Maipapakita ko ang pagmamahal ko para kay Jesus sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.
Paano mo mahihikayat ang mga bata na mahalin at tulungan ang mga nasa paligid nila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na maunawaan ang nais ipagawa ni Jesus kay Pedro: ibahagi ang ebanghelyo at anyayahan ang lahat na maniwala kay Jesus. Bigyan ang bawat bata ng papel na tupa, at hilingin sa kanila na isulat o idrowing dito ang isang bagay na magagawa nila para matulungan ang isang tao na lumapit kay Jesus.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na ginagawa nila para mahalin at paglingkuran ang iba. Ano pa ang magagawa natin para mas maipakita ang ating pagmamahal?
-
Isulat ang pangalan ng bawat bata sa iyong klase sa mga piraso ng papel na hugis tupa, at ikalat ang mga tupang ito sa palibot ng silid. (Isama ang mga pangalan ng mga bata na hindi dumadalo nang regular.) Hilingin sa mga bata na tipunin ang mga tupa sa pamamagitan ng paghahanap ng tupa na may nakasulat na pangalan nila. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na matutulungan nila ang isang kaibigan na hindi nagsisimba.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20:1–23
Dahil si Jesus ay nabuhay na mag-uli, ang bawat isa ay mabubuhay na mag-uli.
Likas sa mga bata na mag-isip kung ano ang mangyayari kapag tayo ay namatay na. Isipin kung paano mo maituturo ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli sa paraang mapapatatag ang kanilang pananampalataya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at isipin na sila ay nakaupo sa tabi ng libingan ni Jesus habang binabasa mo ang Juan 20:1–17 o ibuod ang kuwento ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan din sa “Kabanata 54: Nagbangon si Jesus,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 139–44). Ano ang ibig sabihin ng mabuhay na muli? Ano kaya ang pakiramdam ng makita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas?
-
Hilingin sa bawat bata na pag-aralan ang mga karanasan ng isang tao na nakakita sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas at ibahagi sa klase ang natutuhan niya.
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi kung bakit mahalaga sa kanila ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.
Kaya kong manampalataya kay Jesucristo kahit na hindi ko Siya nakikita.
Paano mo matutulungan ang mga bata na palakasin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa mga bata ang Juan 20:24–29. Paano natin malalaman na buhay si Jesucristo, kahit hindi natin Siya nakikita?
-
Isulat ang bawat salita ng pangungusap na “Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya” sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Hilingin sa mga bata na ayusin ang mga salita sa tamang pagkakasunud-sunod. Hikayatin silang magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas kahit hindi nila Siya nakita.
-
Magpadrowing sa mga bata ng mga bagay na magagawa nila para palakasin ang kanilang pananampalataya sa linggong ito. Hilingin sa kanila na ibahagi ang idinrowing nila, at ibahagi kung ano na ang ginawa mo para mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo.
Maipapakita ko ang pagmamahal ko kay Jesus sa pamamagitan ng pagpapakain sa Kanyang mga tupa.
Maaaring magkaroon ng malaking impluwensya ang mga bata sa mga nakapaligid sa kanila. Paano mo sila mahihikayat na palakasin ang iba sa ebanghelyo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Juan 21:1–17 nang sama-sama. Kapag binasa mo ang mga talata 9–13, hilingin sa mga bata na isipin ang isang pagkakataon na nagluto ang isang tao ng espesyal na pagkain para sa kanila, at hilingin sa kanilang mag-isip ng mga paraan na espirituwal na pinakakain tayo ni Jesus. Kapag binasa mo ang mga talata 15–17, palitan ang pangalan ni Simon ng mga pangalan ng mga bata. Sino ang mga tupa ni Jesus? Paano natin Siya matutulungan na pakainin sila?
-
Magbigay ng simpleng meryenda sa mga bata. Habang kumakain sila, itanong sa kanila kung bakit katulad ng pagpapakain sa kanila ang pagbabahagi ng ebanghelyo.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para maituro sa kanilang pamilya ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas.