Bagong Tipan 2023
Hunyo 19–25. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19: “Natupad Na”


“Hunyo 19–25. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19: ‘Natupad Na’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hunyo 19–25. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

si Cristo sa harapan ni Pilato

Ecce Homo, ni Antonio Ciseri

Hunyo 19–25

Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19

“Natupad Na”

Simulan ang iyong paghahanda sa pagbabasa ng Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19. Mapanalanging hangarin na maunawaan ang mga pangangailangan ng mga bata.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipahawak sa bawat bata ang larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Habang hawak ang larawan, ang bawat bata ay maaaring magbahagi ng isang bagay na nakikita niya sa larawan.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mateo 27:11–66; Lucas 23; Juan 19

Dahil namatay si Jesus para sa akin, ako ay maaaring mabuhay na mag-uli.

Maaaring mabalisa ang mga batang musmos sa mga salaysay tungkol sa Pagpako kay Jesus sa krus. Ang “Kabanata 52: Ang mga Paglilitis kay Jesus” at “Kabanata 53: Ipinako si Jesus sa Krus” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 133–38) ay magandang halimbawa kung paano mo maaaring maisalaysay ang kuwentong ito sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya habang ikinukuwento mo ang tungkol sa paglilitis, Pagpapako sa Krus, at paglilibing kay Jesus (tingnan din sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 57–58). Hilingin sa mga bata na ibahagi ang mga nalalaman nila tungkol sa mga pangyayaring ito. Bigyang-diin na sa ikatlong araw, si Jesus ay nabuhay na mag-uli. Sa madaling salita, muli Siyang nabuhay.

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi ang ilang bagay na ginagawa ng mga magulang nila para sa kanila na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili. Ipakita ang isang larawan ng Tagapagligtas. Ipaliwanag na dahil kay Jesus, tayo ay maaaring mabuhay na mag-uli—isang bagay na hindi natin kayang gawin sa ating sarili.

  • Ipakita ang larawan ng isang taong kakilala mo na namatay na. Magpatotoo na dahil kay Jesus, ang taong iyon ay mabubuhay muli.

ang libing ni Cristo

The Burial [Ang Paglilibing], ni Carl Heinrich Bloch

Mateo 27:26–37; Lucas 23:34

Mapapatawad ko ang iba tulad ng ginawa ni Jesus.

Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan kung paano patatawarin ang mga hindi mabubuti, tulad ng ginawa ni Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ilarawan kung gaano kasama ang mga sundalo kay Jesus (tingnan sa Mateo 27:26–37), at pagkatapos ay basahin ang Lucas 23:34. Ipaliwanag na kapag pinatatawad natin ang iba, hindi na tayo nagagalit sa kanila at nagpapakita tayo ng pagmamahal sa kanila.

  • Magbahagi ng mga sitwasyon kung saan ang isang tao ay nagsasalita o gumagawa ng isang bagay na hindi mabuti. Hilingin sa mga bata na magbahagi kung paano nila maipapakita ang pagpapatawad sa ganitong mga sitwasyon.

  • Sama-samang kumanta ng isang awitin tungkol sa pagpapatawad, tulad ng “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52). Magtanong ng mga bagay na masasagot sa awitin, tulad ng “Sino ang dapat nating patawarin?” o “Sino ang makatutulong sa atin kapag mahirap magpatawad?”

  • Saliksikin ang isyu kamakailan ng Kaibigan para maghanap ng kuwento tungkol sa isang batang nagpatawad sa isang tao. Ibahagi ang kuwentong ito sa mga bata.

Lucas 23:32–33, 39–43

Dahil si Jesus ay nagdusa at namatay para sa akin, ako ay maaaring magsisi at mapatawad.

Bagama’t ang mga batang wala pang walong taong gulang ay wala pang pananagutan, mahalaga para sa kanila na magsimula nang pag-aralan ngayon kung paano pagsisihan ang mga maling pasiyang ginagawa nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang Lucas 23:32–33, 39–43, at tulungan ang mga bata na hanapin ang dalawang magnanakaw sa larawan 57 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo. Ipaliwanag na noong pinagtawanan ng unang magnanakaw ni Jesus, inamin ng pangalawang magnanakaw na may nagawa siyang mali—nagsisimula na siyang magsisi.

  • Basahin ang Doktrina at mga Tipan 19:16 sa mga bata. Bakit nagdusa si Jesus para sa atin?

  • Ipaliwanag na maaari tayong manalangin sa Ama sa Langit at matutulungan Niya tayong itama ang ating mga kasalanan at pagkakamali at makatanggap ng kapatawaran.

  • Magpalagay sa mga bata ng mga marka ng chalk sa pisara na kakatawan sa mga maling pagpili. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na burahin ang pisara para ilarawan ang pagsisisi. Magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas, at magpatotoo na maaari tayong magsisi dahil sa Kanya.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mateo 27:11–66; Lucas 23; Juan 19

Si Jesus ay namatay para sa akin dahil mahal Niya ako.

Bakit ka nagpapasalamat na namatay si Jesucristo para sa iyo? Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng sakripisyo ng Tagapagligtas para sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

Mateo 27:26–37; Lucas 23:34

Mapapatawad ko ang iba tulad ng ginawa ni Jesus.

Kung minsan ay mahirap patawarin ang iba. Ang mga batang tinuturuan mo ay pagpapalain kapag sila ay sumunod sa halimbawa ng Tagapagligtas at natutong magpatawad.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magsalitan sa pagbabasa ng tungkol sa mga kawal na hindi mabait kay Jesus sa Mateo 27:26–37 at ang pagpapatawad ni Jesus sa kanila sa Lucas 23:34. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Jesus?

  • Isulat sa pisara ang Ano ang maaari mong gawin para mapatawad ang isang taong hindi mabait sa iyo? Isa-isang pasulatin ng kanilang mga ideya sa pisara ang mga bata, tulad ng Ipagdasal na magkaroon ng mabuting nadarama para sa taong ito o Isipin ang isang mabuting katangian ng taong ito.

Lucas 23:32–33, 39–43

Dahil si Jesus ay nagdusa at namatay para sa akin, ako ay maaaring magsisi at mapatawad.

Ang lesson na ito ay isang magandang pagkakataon para magpatotoo na dahil kay Jesucristo, maaari nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at mapatawad.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa nang malakas sa isang bata ang Lucas 23:32–33, 39–43. Ipaliwanag na ang dalawang taong kasama ni Jesus na nakapako sa krus ay mga magnanakaw. Paano ipinakita ng isa sa mga magnanakaw na siya ay nagsisimula nang magsisi? Ano ang magagawa natin para ipakita na tayo ay nagsisisi? (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.)

  • Isulat ang sumusunod na pangungusap sa pisara, na ginagawang patlang ang mga nakahilig na salita: “Ako ay maaaring mapatawad kapag ako ay nagsisi dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” Bigyan ang mga bata ng mga clue para matulungan silang punan ang mga patlang.

  • Ipahawak sa isang bata ang isang supot, at punuin ito ng maliliit na bato habang nagsasabi ang ibang mga bata ng mga maling pasiya na maaaring magawa ng isang tao. Tulungan ang mga bata na ihambing ang supot sa espirituwal na pasanin na dinadala natin kapag nagkakasala tayo. Bakit katulad ng pag-aalis ng bato sa supot ang pagsisisi? Maaari mong ipaalala sa mga bata na ang pagsisisi ay hindi iisang beses na pangyayari kundi pang-araw-araw na proseso.

  • Hanapin sa isang isyu kamakailan ng magasin na Kaibigan ang isang kuwento o mensahe tungkol sa pagsisisi, at ibahagi ito sa mga bata.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na mag-isip ng isang taong kailangan nilang patawarin at magpasiya na gawin ang isang bagay para ipakita sa taong iyon na siya ay pinatawad na nila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Matutong kumilala ng paghahayag. Ang paghahayag ay kadalasang dumarating nang “taludtod sa taludtod” (2 Nephi 28:30), hindi nang minsanan. Sa iyong pagdarasal at pagninilay sa mga banal na kasulatan at sa outline na ito, makikita mo na ang mga ideya at impresyon ay maaaring dumating anumang oras at kahit saan—habang papunta ka sa trabaho, gumagawa ng mga gawaing-bahay, o nakikipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan.