“Hunyo 12–18. Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Kalooban Ko ang Mangyari Kundi ang sa Iyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hunyo 12–18. Lucas 22; Juan 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Hunyo 12–18
Lucas 22; Juan 18
“Huwag ang Kalooban Ko ang Mangyari Kundi ang sa Iyo”
Ang pag-aaral ninyo ng mga bata ng Lucas 22 at Juan 18 ay isang pagkakataon para tulungan silang mapalalim ang kanilang pagmamahal kay Jesucristo at ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Mapanalanging pag-isipan kung paano mo ito gagawin.
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng mga larawan ng mga pangyayari sa mga kabanatang ito, tulad ng Nananalangin si Jesus sa Getsemani (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56) at ng mga larawan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Hilingin sa mga bata na ilarawan ang mga nangyayari sa mga larawan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Nagdusa si Jesus para sa akin dahil mahal Niya ako.
Isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na madama ang pagmamahal ni Jesus para sa kanila habang tinatalakay ninyo ang kuwento tungkol sa Kanyang pagdurusa sa Getsemani.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento sa mga bata ang nasa Lucas 22:39–46, marahil sa pamamagitan ng paggamit ng “Kabanata 51: Nagdusa si Jesus sa Halamanan ng Getsemani” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 129–32). Ipaliwanag na nadama ni Jesus ang lahat ng pasakit at lungkot na nadama ng lahat ng tao. Itanong sa mga bata kung ano ang maaaring magpalungkot, makagalit, o magpasama ng pakiramdam ng isang tao. Magpatotoo na matutulungan tayo ni Jesus na magkaroon ng mas magaan na pakiramdam kapag nadarama natin ang mga nabanggit sa itaas.
-
Hilingin sa mga bata sa ipasa-pasa ang isang larawan ng Tagapagligtas sa Getsemani (tulad ng nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Habang hawak ng bawat bata ang larawan, sabihing, “Nagdusa si Jesus dahil mahal Niya si [pangalan ng bata].” Hilingin sa mga bata na sabayan ka sa pag-ulit ng mga salitang ito.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ni Jesus para sa atin, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43). Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na nadama nila ang pagmamahal ni Jesus.
Maaari akong manalangin kapag kailangan ko ng tulong.
Nang magdasal si Jesus sa Getsemani, nagpakita ang isang anghel para palakasin Siya. Paano mo maipapaunawa sa mga batang tinuturuan mo na makapagdarasal din sila sa Ama sa Langit na palakasin sila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang Lucas 22:41–43 para sa mga bata. Magbahagi ng isang karanasan kung saan humingi ka ng tulong sa panalangin at pinalakas ka ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo o sa pagpapadala ng isang tao na tutulong sa iyo.
-
Sa mga piraso ng papel, isulat ang ilang bagay na maaari nating sabihin sa panalangin, tulad ng “Ama sa Langit,” “Salamat po,” “Hinihiling ko po sa Inyo,” at “sa pangalan ni Jesucristo, amen.” Ilagay ang mga papel na ito sa sahig nang hindi sunud-sunod, at tulungan ang mga bata na ayusin ang mga ito sa paraan na maaari nating sabihin ang mga ito sa isang panalangin. Ano ang maaari nating pasalamatan sa Ama sa Langit? Ano pa ang maaari nating sabihin sa Kanya? Magpatotoo na ang mga bata ay maaaring manalangin sa Ama sa Langit kahit saan at anumang oras.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Sa Getsemani, dinala ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang aking kasalanan at pasakit.
Ang kaalaman tungkol sa ginawa ni Jesus para sa atin sa Getsemani ay makakatulong sa mga bata na magsisi sa kanilang mga kasalanan at bumaling sa Tagapagligtas kapag nakararanas sila ng mahihirap na pagsubok.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa mga bata ang Lucas 22:39–46, na hinahanap ang mga salita o kataga na naglalarawan ng nadama ni Jesus sa Getsemani. Ano ang nararanasan noon ni Jesus na naging dahilan kung bakit ganito ang Kanyang nadama? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19). Bigyan ang mga bata ng pagkakataon na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol kay Jesus at sa Kanyang sakripisyo para sa atin.
-
Hilingin sa mga bata na ibahagi ang isang pagkakataon na sila ay nalungkot o nasaktan. Itanong sa kanila kung mayroon silang kakilala na nakaranas din ng ganoon. Anyayahan silang basahin ang Alma 7:11–12. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang pagdurusa para sa atin?
-
Bigyan ang isang bata ng patpat na mas mahaba kaysa sa lapad ng pintuan ng silid-aralan, at hilingin sa kanya na hawakan ito nang pahalang habang sinusubukang lumakad papasok sa pinto. Ipaliwanag na ang patpat ay kumakatawan sa ating mga kasalanan, na pumipigil sa atin na makapasok sa kaharian ng Diyos. Kunin ang patpat para ipakita na inako ni Jesus sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan para maaari tayong mapatawad kapag tayo ay nagsisi.
Matutularan ko ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa Ama sa Langit.
Ipinakita ni Jesus ang pagsunod sa Ama nang sabihin Niyang, “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42). Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto mula sa halimbawa ni Jesus?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakabisa sa mga bata ang katagang “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo” (Lucas 22:42) at talakayin ang kahulugan nito. Ano ang maaari nating gawin upang sundin ang kalooban ng Ama sa Langit?
-
Tulungan ang mga bata na tukuyin ang ilang dahilan kung bakit mahirap kung minsan na gawin ang nais ng Ama sa Langit. Anong mga pagpapala ang natanggap natin dahil sa pagiging masunurin sa Ama sa Langit, kahit na mahirap ito?
Mahal ni Jesus ang Kanyang mga kaaway.
Ang matutuhan kung paano maging isang tagapamayapa ay hindi madali, lalo na kapag ang iba ay hindi mabait sa atin. Paano mahihikayat ng salaysay sa Lucas 22:50–51 ang mga batang tinuturuan mo na maging mabait sa lahat ng sitwasyon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipabasa sa mga bata ang Lucas 22:50–51. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa salaysay na ito? Sa buong linggo, hilingin sa ilan sa mga magulang ng mga bata na magkuwento sa iyo tungkol sa mga pagkakataon na nagpakita ng kabaitan ang kanilang mga anak, kahit mahirap ito. Ibahagi sa klase ang mga kuwentong iyon. (Ipaalala sa mga bata na ang pagiging mabait ay hindi nangangahulugang pagpapahintulot sa iba na saktan sila; dapat silang makipag-usap sa kanilang mga magulang o sa isa pang mapagkakatiwalaang nakatatanda kung sinasaktan sila ng isang tao.)
-
Kumanta ng isang awitin tungkol sa pagiging mabait, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83). Ano ang itinuturo ng awiting ito tungkol sa kabaitan? Paano natin maipapakita ang kabaitan sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Maaari din nilang hilingin sa mga kapamilya nila na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Kanya.