“Mayo 29–Hunyo 4. Mateo 26; Marcos 14; Juan 13: ‘Sa Pag-aalaala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Mayo 29–Hunyo 4. Mateo 26; Marcos 14; Juan 13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Mayo 29–Hunyo 4
Mateo 26; Marcos 14; Juan 13
“Sa Pag-aalaala”
Habang binabasa mo ang Mateo 26; Marcos 14; at Juan 13, alamin ang mga alituntunin na sa palagay mo ay magpapala sa mga batang tinuturuan mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang mga larawan ng mga pangyayari sa mga kabanatang ito, tulad ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 54–55, at ipalarawan sa mga bata ang nangyayari sa mga larawan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Mateo 26:26–29; Marcos 14:22–24
Ang sakramento ay tumutulong sa akin na isipin si Jesus.
Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang pagtanggap ng sakramento ay isang pagkakataon para alalahanin ang ginawa ni Jesus para sa atin.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang salaysay tungkol sa pagpapakilala ni Jesus ng sakramento. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 49: Ang Unang Sakramento” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 124–26). Bakit tayo tumatanggap ng sakramento? Tulungan ang mga bata na maunawaan na inaalaala natin si Jesucristo sa oras ng sakramento.
-
Magpakita sa mga bata ng isang piraso ng tinapay at isang tasa ng tubig. Itanong sa mga bata kung nalalaman nila kung ano ang kinakatawan ng tinapay at tubig. Ipaliwanag na ang mga sagisag na ito ay tumutulong sa atin na maalaala na si Jesus ay namatay para sa atin at nagbangon mula sa mga patay.
-
Hilingin sa mga bata na ipikit ang kanilang mga mata at isipin ang isang taong mahal nila, at pagkatapos ay hilingin sa kanila na magkuwento sa iyo tungkol sa taong iyon. Hilingin sa kanila na muling ipikit ang kanilang mga mata, isipin ang Tagapagligtas, at pagkatapos ay ibahagi ang mga bagay na nalalaman nila tungkol sa Kanya. Hikayatin sila na isipin si Jesus sa oras ng sakramento bawat linggo.
-
Hilingin sa mga bata na ipakita sa iyo kung ano ang maaari nilang gawin para maalaala si Jesus at maging mapitagan sa oras ng sakramento. Tulungan ang mga bata na gawin ang buklet na inilarawan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito at gamitin ito para matulungan silang isipin si Jesus sa oras ng sakramento. O magpahanap sa kanila sa ilang magasin ng Simbahan ng mga larawan ni Jesus at magpagawa sa kanila ng isang collage na matitingnan nila habang nasa sacrament meeting.
Kaya kong mahalin ang iba tulad ng ginawa ni Jesus.
Ipinakita ni Jesus ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa mga nakapaligid sa Kanya. Ano ang mga pagkakataon ng mga batang tinuturuan mo para maipakita ang kanilang pagmamahal sa iba?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magpakita ng mga larawan ng mga kuwentong natutuhan ng mga bata ngayong taon kung saan ipinakita ni Jesus ang Kanyang pagmamahal sa iba (tingnan sa nakaraang mga outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Basahin ang Juan 13:34–35, at tulungan ang mga bata na ulitin ang pariralang “Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan … kayo sa isa’t isa.” Paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa ating pamilya at mga kaibigan?
-
Hilingin sa isang bata na hawakan ang isang larawan ng Tagapagligtas habang kinakanta ng klase ang isang awitin tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas, tulad ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 74). Bigyan ang mga bata ng mga papel na puso at hilingin sa kanilang magdrowing ng larawan ng kanilang sarili na gumagawa ng isang bagay para ipakita ang kanilang pagmamahal sa ibang tao.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Mateo 26:26–29; Marcos 14:22–24
Ang sakramento ay tumutulong sa akin na maalala si Jesucristo at ang Kanyang sakripisyo para sa akin.
Paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon ng mas makabuluhang karanasan sa sakramento?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na magsalitan sa pagbabasa ng mga talata sa Mateo 26:26–29 o Marcos 14:22–24 (tingnan din sa Pagsasalin Joseph Smith, Marcos 14:20–24 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]) at Doktrina at mga Tipan 20:75–79. Ano ang mga salita at ideya na magkatulad sa dalawang ito?
-
Itanong sa mga bata kung ano ang mga ginagawa nila para matulungan silang isipin si Jesus habang nasa sakramento. Tulungan silang hanapin ang mga banal na kasulatan o mga salita sa mga himno ng sakramento na maaari nilang basahin sa oras ng sakramento, at pagkatapos ay ilista ang mga ito sa isang kard na maaaring tingnan ng mga bata sa susunod na makikibahagi sila ng sakramento. Kantahin ang ilan sa mga awiting ito kasama ang mga bata (tingnan sa Mga Himno, blg. 87–118).
-
Isulat sa pisara ang mahahalagang parirala mula sa mga panalangin sa sakramento, at tulungan ang mga bata na maisaulo ang mga ito. Ano ang kahulugan ng mga pariralang ito? Bakit mahalagang panibaguhin ang ating mga tipan sa binyag linggu-linggo?
-
Anyayahan ang isang mayhawak ng Aaronic Priesthood na ikuwento sa mga bata ang tungkol sa kanyang mga karanasan sa paghahanda, pagbabasbas, o pagpapasa ng sakramento. Ano ang nakakatulong sa kanya na maghanda sa paggawa nito? Ano ang nararamdaman niya habang ginagawa niya ito? Paano napapaalaala sa kanya ng tinapay at tubig ang Tagapagligtas?
-
Hilingin sa mga bata na nabinyagan na na ibahagi ang mga naaalala nila tungkol sa kanilang binyag. Ano ang naramdaman nila? Anong mga tipan ang ginawa nila? (tingnan sa Mosias 18:8–10). Sabihin sa kanila na kapag tumatanggap tayo ng sakramento tuwing Linggo, ito ay katulad ng muling pagpapabinyag—maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan, at tayo ay nagpapanibago ng ating mga tipan.
Tinuruan tayo ni Jesucristo kung paano paglingkuran ang iba.
Ang salaysay tungkol sa paghuhugas ng Tagapagligtas sa mga paa ng Kanyang mga disipulo ay makahihikayat sa mga batang tinuturuan mo na magiliw na paglingkuran ang mga tao sa kanilang paligid.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ilang araw bago magklase, hilingin sa isa sa mga bata na basahin ang Juan 13:4–9 at ibahagi ang salaysay sa klase mula sa pananaw ni Pedro. Ano ang sinusubukang ituro ng Tagapagligtas kay Pedro at sa iba pang mga Apostol? Maaaring ibahagi ng mga bata kung ano ang natutuhan nila mula sa kuwentong ito tungkol kay Jesucristo. Ano ang natutuhan natin tungkol sa paglilingkod sa iba?
-
Sama-samang basahin ang Juan 13:12–17. Hilingin sa mga bata na magsulat ng isang pagkakataon na naglingkod ang Tagapagligtas sa ibang tao. Hikayatin silang isama ang natutuhan nila mula sa Kanyang halimbawa. Hilingin sa kanila na ibahagi sa klase ang isinulat nila.
Mahal ng mga disipulo ni Jesucristo ang ibang tao katulad ng Kanyang pagmamahal sa mga tao.
Kapag tayo ay bininyagan, gumagawa tayo ng mga tipan na maging mga disipulo ni Jesucristo. Sa Juan 13:34–35, inilarawan ng Tagapagligtas kung paano natin maipapakita na tayo ay Kanyang mga disipulo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang Kung paanong ko kayo, din kayo sa isa’t isa (Juan 13:34). Ipahanap sa mga bata ang talata sa banal na kasulatan at papunan ang mga patlang. Anong iba pang mga bagay ang magagawa natin para maipakita na tayo ay mga disipulo ni Cristo? Maaaring mag-isip ang mga bata ng iba pang mga salita na kukumpleto sa pangungusap sa pisara, tulad ng pinaglingkuran at maglingkod o tinuruan o magturo.
-
Anyayahan ang mga bata na basahin ang Juan 13:35 at isipin ang mga taong kilala nila na mga halimbawa ng mga disipulo ni Jesucristo. Hilingin sa kanila na ibahagi kung paano nagpapakita ng pagmamahal ang mga taong ito sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang bagay na gagawin nila dahil sa natutuhan nila sa klase. Halimbawa, maaari nilang ibahagi kung paano nila aalalahanin si Jesucristo sa oras ng sakramento.