Bagong Tipan 2023
Mayo 22–28. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21: “[Darating] ang Anak ng Tao”


“Mayo 22–28. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21: ‘[Darating] ang Anak ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mayo 22–28. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Larawan
Ikalawang Pagparito

Ang Ikalawang Pagparito, ni Harry Anderson

Mayo 22–28

Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21

“[Darating] ang Anak ng Tao”

Pag-isipang mabuti kung ano ang kailangang matutuhan ng mga batang tinuturuan mo mula sa Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; at Lucas 21. Huwag mag-atubiling iakma ang mga ideya para sa mas malalaking bata sa outline na ito para sa mas maliliit na bata at vice versa.

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Magdala sa klase ng isang bagay o larawan na may kaugnayan sa isa sa mga talinghaga o kuwento sa babasahin sa linggong ito (tulad ng langis upang kumatawan sa sampung dalaga o barya para kumatawan sa mga talento o mga kusing ng balo). Ipabahagi sa mga bata ang nalalaman nila tungkol sa talinghaga o kuwento.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Joseph Smith—Mateo 1:31

Bago bumalik si Jesus, ang ebanghelyo ay ipangangaral sa buong daigdig.

Ang isang palatandaan na malapit nang bumalik si Jesus ay ipinangangaral na ang Kanyang ebanghelyo sa buong mundo. Ang mga bata ay makakatulong sa pagtupad ng propesiyang ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng mapa, globo, o larawan ng daigdig (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 3) at tulungan ang mga bata na sabihing, “Ang Ebanghelyong ito … ay ipangangaral sa buong daigdig” (Joseph Smith—Mateo 1:31). Bakit nais ng Diyos na marinig ng lahat ng Kanyang mga anak ang Kanyang ebanghelyo?

  • Hilingin sa mga bata na magmartsa nang hindi umaalis sa puwesto habang sama-sama ninyong kinakanta ang isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” o “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90, 94).

  • Ano ang ilang mga paraan na maibabahagi natin ang ebanghelyo?

Larawan
mundo mula sa kalawakan

Ang ebanghelyo ay ipangangaral sa buong daigdig. Larawan sa kagandahang-loob ng NASA Johnson Space Center

Mateo 25:14–30

Magagamit ko ang mga kaloob na ibinigay sa akin ng Diyos.

Natutuklasan ngayon ng mga batang musmos ang kanilang mga kaloob at kakayahan. Tulungan silang maunawaan na ang mga kaloob at kakayahang ito ay nagmumula sa Ama sa Langit.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala ng ilang barya na magagamit habang ikinukuwento mo ang talinghaga ng mga talento na nasa Mateo 25:14–30. Maaari mong hilingin sa tatlong bata na maging kinatawan ng tatlong alipin. Ipaliwanag na noong panahon ni Jesus, ang talento ay tumutukoy sa pera, ngunit ngayon, maaaring ang kahulugan ng talento ay ang ating mga kaloob at kakayahan.

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi tungkol sa mga paraan na tinutulungan sila ng kanilang mga magulang, kapatid, guro, o kaibigan. Anong mga talento ang taglay ng mga taong ito na tumutulong sa kanilang maglingkod sa iba?

  • Magsulat ng mga munting liham sa mga bata na nagsasabi sa bawat isa sa kanila ng tungkol sa mga kaloob o kakayahang napansin mong taglay nila. Habang ibinabahagi mo sa bawat bata ang mga kaloob na nakikita mo sa kanila, hikayatin silang pagbutihin pa ang kanilang mga kaloob at gamitin ang mga ito para paglingkuran ang iba.

Mateo 25:31–46

Gusto ni Jesus na paglingkuran ko ang iba.

Naglilingkod tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga taong nakapaligid sa atin. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga paraan na mapaglilingkuran nila ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang talinghaga sa Mateo 25:34–46. Tulungan ang mga bata na maunawaan na kapag naglilingkod tayo sa iba, pinaglilingkuran natin si Jesus.

  • Itaas ang larawan ng isang bata na may larawan ni Jesus na nakatago sa likod nito. Ano ang magagawa natin para mapaglingkuran ang batang ito? Alisin ang larawan ng bata at ipaliwanag na kapag pinaglilingkuran natin ang isa’t isa, pinaglilingkuran natin si Jesus.

  • Hilingin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang sarili na naglilingkod sa iba sa mga paraang inilarawan ng Tagapagligtas sa Mateo 25:35–36. Hilingin sa ibang bata na hulaan kung ano ang idinodrowing nila.

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan kung saan naglingkod na tulad ni Cristo ang isang tao sa kanila o sa kanilang pamilya.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Joseph Smith—Mateo 1:31

Bago bumalik si Jesus, ang ebanghelyo ay ipangangaral sa buong daigdig.

Maaaring tumulong ang mga batang tinuturuan mo na ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga pagpapalang natanggap o tatanggapin nila dahil sila ay mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Sama-samang basahin ang Joseph Smith—Mateo 1:31, at itanong sa mga bata kung paano sa tingin nila pagpapalain ng ebanghelyo ang mga anak ng Diyos sa buong mundo.

  • Magpakita sa mga bata ng isang mapa ng mundo o ng inyong bansa, at tulungan silang tukuyin ang ilang lugar kung saan nangaral ng ebanghelyo sa isang mission ang isang kapamilya o kaibigan.

  • Hilingin sa ilang bata na dumating sa klase na handang ibahagi kung paano ipinakilala ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kanilang pamilya o kanilang mga ninuno.

  • Hilingin sa bawat bata na isulat ang pangalan ng isang tao na maaari nilang kausapin tungkol kay Jesucristo o anyayahan sa simbahan. Hilingin din sa mga bata na ilista ang mga bagay na magagawa nila para maging mga missionary ngayon.

Mateo 25:1–13

Responsibilidad ko ang sarili kong pagbabalik-loob sa ebanghelyo.

Itinuturo ng talinghaga ng sampung dalaga na hindi natin maaaring iasa sa iba ang ating pagbabalik-loob sa Tagapagligtas. Paano mo matutulungan ang mga bata na panagutan ang kanilang sariling pagbabalik-loob?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa isang bata na dumating na handang ibahagi kung paano niya natutuhan ang tungkol sa talinghaga ng sampung dalaga sa bahay sa linggong ito.

  • Magdrowing ng isang lampara sa pisara, at sulatan ito ng patotoo. Bigyan ang bawat bata ng isang papel na tulad ng hugis ng mga patak ng langis, at hilingin sa bawat bata na isulat dito ang isang bagay na gagawin niya para lalong magbalik-loob sa Tagapagligtas. Idikit ang kanilang mga patak sa pisara sa paligid ng lampara.

  • Hilingin sa mga bata na tulungan kang ilista ang mga bagay na dapat gawin upang maghanda para sa isang espesyal na bisita. Ano ang pagkakatulad o pagkakaiba ng mga bagay na ito sa mga paraan ng ating espirituwal na paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

  • Sa limang piraso ng papel, isulat ang mga bagay na hindi maaaring hiramin. Sa lima pang piraso ng papel, isulat ang mga bagay na maaaring hiramin. Balasahin ang mga piraso ng papel, at sabihin sa mga bata na igrupo ang mga ito ayon sa dalawang grupong binanggit sa itaas. Sama-samang basahin ang Mateo 25:1–13. Bakit mahalagang hindi natin iasa sa iba ang ating pagbabalik-loob kay Jesucristo?

Mateo 25:14–46

Sa Huling Paghuhukom, mag-uulat tayo sa Panginoon tungkol sa ating buhay.

Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli, hahatulan tayo ng Panginoon batay sa ating pagsunod sa Kanyang mga kautusan at pagtanggap ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang talinghaga ng mga talento at ang talinghaga ng tupa at mga kambing ay nagtuturo sa atin tungkol sa Huling Paghuhukom na ito.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipabasa sa kalahati ng klase ang Mateo 25:14–30 at sa natitirang kalahati ang Mateo 25:31–46. Hilingin sa mga grupo na isadula ang mga talinghaga sa klase. Ano ang itinuturo sa atin ng Panginoon sa mga talinghagang ito?

  • Ipabasa ang Mateo 25:35–36 sa mga bata na pinagpares-pares at ipalista sa kanila ang mga bagay na magagawa nila upang ipakita ang kanilang pagmamahal kay Jesucristo.

Larawan
learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hilingin sa mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang mga paraan para maging mas mahuhusay silang missionary at pag-usapan nila sa kanilang pamilya ang tungkol sa mga tao na maaari nilang bahagian ng ebanghelyo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Dahil gustung-gusto ng mga bata ang mga kuwento, humanap ng mga paraan para makalahok sila sa mga kuwento sa banal na kasulatan na ibinabahagi mo. Maaari silang humawak ng mga larawan o bagay, magdrowing ng mga larawan ng kuwento, magsadula ng kuwento, o tumulong na isalaysay ang kuwento. Ulitin ang mga kuwento para matulungan silang malaman ang mahahalagang detalye at mga turo ng ebanghelyo.

Print