Bagong Tipan 2023
Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11: “Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko Na ang Aking Tupang Nawala”


“Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko Na ang Aking Tupang Nawala’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

lalaking niyayakap ang kanyang anak

Ang Alibughang Anak, ni Liz Lemon Swindle

Mayo 1–7

Lucas 12–17; Juan 11

“Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko Na ang Aking Tupang Nawala”

Basahin nang may panalangin ang Lucas 12–17 at Juan 11, na hinahanap kung paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang mga katotohanan sa mga kabanatang ito at madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ipaalala sa mga bata ang ilan sa mga talinghaga at mga kuwento na nasa Lucas 12–17 at Juan 11, at anyayahan silang ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa mga kuwentong ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Lucas 15

Nais ng ating Ama sa Langit na makabalik sa Kanya ang lahat ng Kanyang mga anak.

Isipin ang mga bata sa iyong klase, pati na ang mga maaaring hindi regular na dumadalo. Paano mo sila matutulungang maramdaman ang pagmamahal ng Ama sa Langit? Paano mo mahihikayat ang ibang mga bata na tulungan kang makipag-ugnayan sa kanila nang may pagmamahal?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang isang bata ng barya, ang isa pang bata ng larawan ng isang tupa, at ang isa pang bata ng larawan ng alibughang anak (tingnan sa SimbahanniJesucristo.org o sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Isalaysay ang tatlong talinghagang matatagpuan sa Lucas 15 at hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang mga barya o larawan kapag binanggit mo ito. Maaari mong hilingin sa mga bata na muling isalaysay ang mga talinghaga sa isa’t isa sa sarili nilang mga salita.

  • Hilingin sa mga bata na ibahagi ang isang pagkakataon na nawalan sila ng isang bagay. Paano nila nahanap ito? Ipaliwanag na maaaring espirituwal na maligaw ang mga tao kapag hindi nila sinusunod ang Ama sa Langit. Magpatotoo na nais ng Diyos na lumapit sa Kanya ang mga taong naliligaw, at matutulungan natin sila.

  • Hilingin sa mga bata na isipin ang iba pang mga batang hindi dumadalo sa Primary. Tulungan silang gumawa ng sulat o kulayan ang isang sulat para anyayahan ang mga batang ito na dumalo sa Primary o sa isang aktibidad ng Primary. Paano pa natin matutulungan ang mga batang ito na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila?

Lucas 17:11–19

Maipapakita ko ang aking pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapasalamat para sa aking mga pagpapala.

Paano mahihikayat ng kuwento tungkol sa sampung ketongin ang mga bata na maging mapagpasalamat?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isalaysay ang kuwento tungkol sa sampung ketongin na pinagaling ni Jesus. Ipakita ang larawan na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at sabihin sa mga bata na bumilang hanggang sampu sa kanilang mga daliri. Pagkatapos ay hilingin sa kanila na itiklop ang siyam na mga daliri nila para ipakita ang isang ketongin na nagpasalamat kay Jesus. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng isang tao na maaari nilang pasalamatan para sa isang kabaitan o pagtulong nito.

  • Hilingin sa bawat bata na iarte ang isang bagay na ipinagpapasalamat niya at sabihin sa iba pang mga bata na hulaan kung ano ito. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng mga paraan na maipapakita natin sa Ama sa Langit na tayo ay nagpapasalamat para sa ating mga pagpapala.

Juan 11:1–46

Naniniwala tayo na si Jesucristo ang Anak ng Diyos.

Si Marta, na kapatid ni Lazaro, ay nagsabi kay Jesus: “Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos” (Juan 11:27). Ang kuwento nina Maria, Marta, at Lazaro ay magpapalakas ng patotoo ng mga bata kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibuod ang kuwento tungkol sa pagpapabangon ni Jesus kay Lazaro mula sa pagkamatay (tingnan din ang “Kabanata 43: Muling Binuhay ni Jesus si Lazaro,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 107–9). Magpakita sa mga bata ng isang patay na sanga at ng isang buhay na halaman, at itanong sa kanila kung alin ang patay at alin ang buhay. Magpatotoo na dahil sa kapangyarihan ni Jesucristo, ang mga tao na namatay na ay mabubuhay na mag-uli at mabubuhay magpakailanman.

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang mga katagang sinabi ni Jesus kay Marta: “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay” (Juan 11:25). Ipaliwanag na dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, makikita nating muli ang mga mahal natin sa buhay na namatay.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Lucas 15

Matutulungan ko si Jesus na mahanap ang Kanyang nawawalang mga tupa.

Lahat tayo ay may kilalang isang tao na sa ilang paraan ay tulad ng nawawalang tupa, nawawalang isang piraso ng pilak, o alibughang anak sa mga talinghaga ng Tagapagligtas. Isipin kung paano mo mahihikayat ang mga bata na tulungan ang mga taong ito nang may pagmamahal.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na basahin ang talinghaga ng nawawalang tupa o ang talinghaga ng nawawalang piraso ng pilak, na matatagpuan sa Lucas 15:1–10, at ibahagi ang natutuhan nila.

  • Hilingin sa isang bata na umalis sa silid habang itinatago ng ibang mga bata ang isang barya o papel na tupa. Pabalikin ang bata at ipahanap sa kanya ang barya o ang tupa. Ano ang ilang paraan na madarama ng mga tao na sila ay “nawawala” tulad ng barya o tupa? Hilingin sa mga bata na magmungkahi ng mga paraan na maaari silang magpaabot ng tulong sa iba. Kasama ng mga bata, kumanta ng isang kaugnay na awitin, tulad ng “Nasa Puso ng Pastol” (Mga Himno, blg. 134), at magpatotoo tungkol sa kagalakang nadarama kapag ang mga tao ay bumabalik sa Diyos.

  • Ipaliwanag na ginamit ni Jesus ang nawawalang tupa, ang nawawalang barya, at ang alibughang anak upang ilarawan ang mga taong “naliligaw” dahil wala sa kanila ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Hilingin sa mga bata na mag-isip ng mga taong kilala nila na walang mga pagpapalang tulad nito sa kanilang buhay. Paano nila matutulungan ang mga taong ito na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanila?

si Jesus at ang tupa

Gentle Shepherd [Magiliw na Pastol], ni Yongsung Kim

Lucas 17:11–19

Maipapakita ko ang aking pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagpapasalamat para sa aking mga pagpapala.

Ang kuwento tungkol sa sampung ketongin ay maaaring mabuting paraan upang mahikayat ang mga bata na magpasalamat sa Ama sa Langit para sa kanilang mga pagpapala.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang kuwento tungkol sa sampung ketongin. Paano pinagpala ang ketongin na nagpasalamat dahil sa kanyang pagiging mapagpasalamat? Bakit mahalagang pasalamatan ang Diyos para sa ating mga pagpapala?

  • Anyayahan ang mga bata na ilista ang mga bagay na pinasasalamatan nila na nagsisimula sa bawat titik ng kanilang mga pangalan.

  • Hilingin sa mga bata na magsulat ng maiikling liham ng pasasalamat sa Ama sa Langit para sa mga pagpapalang ibinibigay Niya sa kanila. Maaari nilang isabit ang maiikling sulat sa kanilang mga higaan para mapaalalahanan silang magpasalamat kapag nagdarasal sila.

Juan 11:1–46

Naniniwala tayo na si Jesus ang Anak ng Diyos.

Paano mo magagamit ang kuwento nina Maria, Marta, at Lazaro para matulungan ang mga bata na malaman, tulad ni Marta, na si Jesus “ang Cristo, ang anak ng Diyos”? (Juan 11:27).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang ilang pahayag na sinabi ng mga tao sa Juan 11. Hilingin sa mga bata na hulaan kung sino ang nagsabi ng bawat pahayag, at hilingin sa kanila na saliksikin ang Juan 11 upang makita kung tama ang kanilang mga sagot. Ano ang madarama nila kung sila si Jesus, Marta, Maria, o Lazaro? Paano makakatulong sa atin ang paniniwala kay Jesus kapag tayo ay nalulungkot o natatakot?

  • Basahin ang patotoo ni Marta na matatagpuan sa Juan 11:20–27. Hilingin sa mga bata na hanapin ang mga salita at kataga na nagpapakita na si Marta ay may pananampalataya kay Jesucristo. Ano ang magagawa natin para magkaroon ng pananampalataya sa Kanya?

  • Tulungan ang mga bata na maisaulo ang Juan 11:25. Ipaliwanag na ang lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli, ngunit tanging ang mabubuti ang makatatanggap ng buhay na walang-hanggan at muling makakapiling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Bigyan ang mga bata ng papel na maaari nilang gamitin upang maisulat o maidrowing ang mga bagay na ipinagpapasalamat nila sa buong linggo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang pag-uulit ang susi sa pagkatuto. Ang mga bata ay nakikinabang sa pakikinig sa mga alituntunin ng ebanghelyo o sa paggawa ng isang aktibidad nang ilang beses. Subukang ulitin ang mga aktibidad sa iba’t ibang paraan.