Bagong Tipan 2023
Mayo 8–14. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18: “Ano pa ang Kulang sa Akin?”


“Mayo 8–14. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18: ‘Ano pa ang Kulang sa Akin?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mayo 8–14. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

mga manggagawa sa ubasan

Mayo 8–14

Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18

“Ano pa ang Kulang sa Akin?”

Basahin ang Mateo 19–20; Marcos 10; at Lucas 18, na isinasaisip ang mga batang tinuturuan mo. Itala ang anumang pahiwatig na natatanggap mo. Ang iyong paghahanda ay tutulong sa iyo na maituro sa mga bata kung ano ang kailangan nilang malaman mula sa mga kabanatang ito.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng anumang bagay na naaalala nila mula sa lesson noong nakaraang linggo. Magpakita ng mga larawan para matulungan silang makaalala.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Marcos 10:6–8

Nais ng Ama sa Langit na magpakasal tayo sa templo at magkaroon ng walang-hanggang pamilya.

Paano makikinabang ang mga batang tinuturuan mo sa pag-aaral ng doktrina ng walang-hanggang kasal? Maaaring makatulong sa iyo na rebyuhin ang mga katotohanan tungkol sa kasal sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (SimbahanniJesucristo.org).

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Marcos 10:6–8 sa mga bata, at idispley ang larawan ng isang mag-asawa. Hilingin sa mga bata na ituro ang lalaki at ang babae kapag narinig nilang binasa mo ang mga salitang lalaki at babae. Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na magpakasal sa isa’t isa ang isang lalaki at isang babae (tingnan sa Genesis 1:27–28).

  • Magdispley ng mga larawan ng isang pamilya at isang templo. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng tungkol sa nakikita nila sa mga larawan. Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na mabuklod tayo sa ating pamilya sa templo para makasama natin sila magpakailanman. Maging sensitibo sa mga bata na ang mga magulang ay hindi pa nabubuklod.

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa mga pamilya, tulad ng “Isang Masayang Pamilya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 104). Isiping kantahin nang ilang beses ang awitin. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng tungkol sa mga nakakatuwang bagay na ginawa nila kasama ng kanilang pamilya. Bakit sila nagpapasalamat para sa kanilang pamilya?

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” o “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99, 98). Pahawakan sa mga bata ang mga larawan ng templo o mga pamilya, at hilingin sa kanila na itaas ang kanilang mga larawan kapag kinanta nila ang “templo” o “pamilya.” Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga dahilan kung bakit mahalagang makasal sa templo.

si Jesus kasama ang mga anak at magulang

Mahal ni Jesus ang mga bata, sapagkat “sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos” (Marcos 10:14).

Marcos 10:13–16

Nais ni Jesus na lumapit sa Kanya ang maliliit na bata para mabasbasan Niya sila.

Ang salaysay na ito ay nagbibigay ng pagkakataon para maipadama sa mga bata kung gaano sila kamahal ni Jesus.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sa sarili mong mga salita, ibahagi ang kuwento sa Marcos 10:13–16. Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na nadama nila ang pagmamahal ni Jesus para sa kanila. Magpatotoo sa mga bata na mahal sila ni Jesus at nais Niyang pagpalain sila.

  • Ipakita ang larawang Si Cristo at ang mga Bata (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 47). Tulungan ang mga bata na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng maging isa sa mga batang nakaupo sa tabi ni Jesus sa larawan. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol kay Jesucristo.

  • Hilingin sa mga bata na idrowing ang kanilang sarili na binabasbasan ni Jesus (tingnan sa Marcos 10:16 at ang pahina ng aktibidad sa linggong ito).

Marcos 10:17–22

Kung susundin ko ang mga kautusan, matatanggap ko ang buhay na walang-hanggan.

Itinuro ni Jesus sa mayamang binata na upang magtamo ng buhay na walang-hanggan—ang buhay na mayroon ang Ama sa Langit—dapat niyang sundin ang mga kautusan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa mayamang binata sa Marcos 10:17–22. (Tingnan din ang “Kabanata 42: Ang Mayamang Binata,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 105–6.) Hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang sinabi ni Jesus na dapat gawin ng binata at kung paano tumugon ang binata.

  • Magsalaysay ng isa o higit pang mga kuwento tungkol sa mga anak na humingi ng payo o direksyon mula sa kanilang mga magulang ngunit hindi ito sinunod. Ano ang ilang bagay na ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit? Ano ang nadarama natin kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan?

  • Magbahagi ng mga karanasan nang makatanggap ka ng mga personal na pahiwatig na gawin ang isang bagay para maging mas mabuti.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Marcos 10:6–8

Nais ng Ama sa Langit na magpakasal tayo sa templo at magkaroon ng walang-hanggang pamilya.

Ang mga bagay na itinuro ni Jesus tungkol sa kasal ay makatutulong sa mga bata na asamin ang pagpapakasal sa templo at pagpapalaki ng walang-hanggang pamilya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa isa sa mga bata na basahin nang malakas ang Marcos 10:6–8. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng makikipisan ay “manatili” o “manangan nang mahigpit” sa isang bagay. Bakit mahalaga na ang mga mag-asawa ay nagsasama, nagmamahalan, at nagtutulungan bilang magkatuwang?

  • Hilingin sa mga bata na tulungan kang mag-isip ng mga sagot sa mga tanong na tulad ng “Bakit mahalaga ang pamilya sa Simbahan?” o “Bakit mahalaga para sa iyo na makasal sa templo?” Tulungan silang maghanap ng mga sagot sa resources na tulad ng Marcos 10:6–8; 1 Corinto 11:11; Doktrina at mga Tipan 42:22; 131:1–4; Moises 3:18, 21–24; at “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”

  • Sama-samang kantahin ang isang awiting tungkol sa pamilya, tulad ng “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98). Ibahagi sa mga bata ang iyong patotoo tungkol sa walang-hanggang kasal at pamilya. Anyayahan din silang ibahagi ang kanilang mga patotoo.

Marcos 10:17–22

Matutulungan ako ni Jesus na malaman ang kailangan kong gawin upang umunlad.

Hinanap ng mayamang binata si Jesus at tumanggap ng partikular na tagubilin na sadyang para sa kanya. Paano mo mahihikayat ang mga bata na humanap ng katulad na patnubay sa kanilang sariling buhay?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na maghanap ng isang talata sa Marcos 10:17–22 na nagpapaliwanag sa larawan na nasa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Ipaliwanag na ang payo na ibinigay ni Jesus sa binata ay personal, at tayong lahat ay makakatanggap ng personal na patnubay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu.

  • Sama-sama ninyong basahin ang Marcos 10:17–22. Hilingin sa mga bata na isulat sa pisara ang mga utos na sinabi ng Tagapagligtas na dapat sundin ng mayamang binata (tingnan sa talata 19). Ano pa ang ipinagawa sa kanya ni Jesus? (tingnan sa talata 21). Hikayatin ang mga bata na isipin ang mga bagay na maaaring kailangan nilang simulang gawin o itigil na gawin para mas masunod si Jesus. Ano ang ilang paraan para malaman natin kung ano ang nais ipagawa sa atin ni Jesus?

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ipakita sa kanilang pamilya na mahal nila sila, marahil sa pamamagitan ng pagsulat ng isang maikling liham o paggawa ng isang uri ng paglilingkod.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Bigyang-pansin ang mga bata. Paano tumutugon ang mga bata sa iyong klase sa mga aktibidad sa pag-aaral? Kung sila ay tila hindi interesado, maaaring oras na para subukan ang iba pang aktibidad o maglakad-lakad sandali nang tahimik. Sa kabilang banda, kung napapansin mong nawiwili ang mga bata at natututuhan nila ang isang bahagi ng aralin, huwag mapilitang gawin ang susunod na aktibidad para lamang matiyak na naituro mo ang lahat ng materyal ng aralin.