Bagong Tipan 2023
Hunyo 5–11. Juan 14–17: “Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal”


“Hunyo 5–11. Juan 14–17: ‘Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hunyo 5–11. Juan 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Huling Hapunan

The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni William Henry Margetson

Hunyo 5–11

Juan 14–17

“Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal”

Ipagdasal na malaman ang mga pangangailangan ng mga batang tinuturuan mo habang binabasa mo ang Juan 14–17. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong na suportahan ang iyong pag-aaral, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya kung paano turuan ang mga bata sa iyong klase.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga bata na ibahagi ang natututuhan nila sa tahanan, bigyan ng pagkakataon ang bawat bata na humawak ng pusong papel at magbahagi ng isang bagay na ginagawa niya para magpakita ng pagmamahal sa iba.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Juan 14:15

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal kay Jesucristo sa pagsunod sa Kanyang mga utos.

Ipaunawa sa mga bata na maipapakita nila sa Tagapagligtas na mahal nila Siya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na bigkasin ang Juan 14:15. Hilingin sa kanila na sabihing “Kung ako’y inyong minamahal” kapag itinaas mo ang isang pusong papel. Hilingin sa kanila na sabihing “Tutuparin ninyo ang aking mga utos” kapag itinaas mo ang mga banal na kasulatan.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng ilan sa mga utos ni Jesus. Anyayahan silang magmungkahi ng mga paraan na matutupad nila ang bawat kautusan. Patotohanan na ang paggawa ng mga bagay na ito ay nagpapakita ng pagmamahal natin kay Jesucristo.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa mga kautusan, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69).

  • Laruin ninyo ng mga bata ang game na nasa pahina ng aktibidad para sa linggong ito.

Juan 14:26–27; 15:26; 16:13–14

Tinutulungan ako ng Espiritu Santo.

Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Espiritu Santo. Isipin kung paano mapagpapala ng mga katotohanang ito ang mga batang tinuturuan mo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawang Ang Huling Hapunan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 54). Ipaliwanag sa mga bata na sa Huling Hapunan, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa Espiritu Santo. Ibahagi ang ilan sa mga katotohanang itinuro Niya sa Juan 14:26–27; 15:26; 16:13–14.

    si Jesus na nakikipag-usap sa mga disipulo

    The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni Clark Kelley Price

  • Magbahagi ng isang karanasan kung kailan pinanatag, ginabayan, o tinulungan ka ng Espiritu Santo na malaman ang katotohanan. Magpatotoo na matutulungan ng Espiritu Santo ang mga bata sa gayon ding mga paraan.

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa Espiritu Santo, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Anyayahan silang pakinggan ang mga bagay na binanggit sa awitin na ginagawa ng Espiritu Santo.

Juan 17:3

Maaari kong makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Itinuro ni Jesucristo na ang “buhay na walang hanggan” ay ang makilala ang “iisang Diyos na tunay, at si Jesu[c]risto.” Habang nakikilala Sila ng mga batang tinuturuan mo, makasusumpong sila ng espirituwal na lakas na magpapala sa kanila habambuhay at tutulong sa kanila na makamtan ang buhay na walang hanggan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Juan 17:3, at hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang nais ni Jesus na malaman natin. Magpakita ng ilang larawan na kumakatawan sa mga paraan na maaari nating makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo, tulad ng mga larawan ng mga banal na kasulatan, isang pamilyang sama-samang nag-aaral, at isang taong naglilingkod sa isa pang tao. Itaob sa mesa ang mga larawan, at anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pagtihaya sa mga ito at paglalarawan kung ano ang nasa larawan. Paano nakakatulong sa atin ang mga bagay na ito na makilala ang Ama sa Langit at si Jesus?

  • Pag-usapan ninyo ng mga bata ang mga bagay na ginagawa nila para mas makilala ang kanilang mga kaibigan. Paano natin mas makikilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Magbahagi ng mga paraan na nagawa mo ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Juan 14:15; 15:10–14

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal kay Jesucristo sa pagsunod sa Kanyang mga utos.

Habang binabasa mo ang mga siping ito sa iyong personal na pag-aaral, isipin ang mga batang tinuturuan mo. Paano sila mapagpapala kapag nauunawaan nila na ang pagsunod nila sa Tagapagligtas ay tanda ng pagmamahal nila sa Kanya?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na ipinakita ni Jesus na masunurin Siya sa Ama sa Langit. Magpakita ng mga larawan mula sa buhay ng Tagapagligtas para matulungan sila (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 34–35, 56–57). Hilingin sa mga bata na magkuwento tungkol sa mga pagkakataon na sinunod nila ang Ama sa Langit.

  • Anyayahan ang isang bata na basahin ang Juan 14:15. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa pagdodrowing ng mga larawang kumakatawan sa isang taong sumusunod sa isang kautusan, habang hinuhulaan ng iba pang mga bata kung ano ang idinodrowing niya. Para sa mga halimbawa ng mga kautusan, tingnan sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan (2022). Paano ipinapakita sa Tagapagligtas ng pagsunod sa mga kautusang ito na mahal natin Siya?

Juan 14:26; 15:26; 16:13

Ang Espiritu Santo ay gumagabay, umaalo, at nagpapatotoo sa katotohanan.

Natanggap na ba ng mga batang tinuturuan mo ang kaloob na Espiritu Santo? Ano ang nalalaman nila kung paano sila matutulungan ng Espiritu Santo? Isipin kung paano mo mas maipauunawa sa kanila ang mga tungkuling ginagampanan ng Espiritu Santo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ibigay sa mga bata ang sumusunod na mga talata para basahin nila kasama ang kapareha nila: Juan 14:26; 15:26; at 16:13. Hilingin sa kanila na maghanap ng mga salita na nagtuturo sa kanila kung ano ang ginagawa ng Espiritu Santo. Isulat sa pisara ang mga salita.

  • Magbahagi ng isang karanasan kung kailan gumabay, nag-alo, nagbabala, o nagpatotoo sa iyo ang Espiritu Santo tungkol sa katotohanan. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng anumang mga naranasan nila. Paano nila nakilala ang impluwensya ng Espiritu Santo?

  • Anyayahan ang bawat bata na idrowing ang kanyang mukha sa isang paper bag. Pailawan ng isang flashlight, na kumakatawan sa Espiritu Santo, ang loob ng bawat paper bag. Pagkatapos ay maglagay ng mga bagay-bagay sa mga paper bag na humaharang sa ilaw, tulad ng mga piraso ng tela, para ituro na ang ating mga maling pasiya ay maaaring maglimita sa impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Hayaang alisin ng mga bata ang mga bagay na ito mula sa kanilang paper bag na kumakatawan sa pagsisisi.

Juan 15:1–9; 17:3

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesus na makilala ko Sila.

Mapagpapala mo ang buhay ng mga bata sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na mas makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng isang halaman (o isang larawan nito) habang naghahalinhinan ang mga bata sa pagbabasa ng mga talata sa Juan 15:1–9. Paano naging katulad ng isang baging si Jesus? Paano tayo naging katulad ng mga sanga? Ano ang magagawa natin para “manatili,” o mamalaging malapit sa, Tagapagligtas?

  • Basahin nang malakas ang Juan 17:3. Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa nila para makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ibahagi kung paano mo Sila nakikilala.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang awiting natutuhan nila kamakailan sa klase o sa oras ng pag-awit.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Iakma ang mga aktibidad. Kung nagtuturo ka sa mas maliliit na bata, maaari kang makahanap ng karagdagang mga ideya na maaari mong gamitin sa iyong klase sa bahagi ng outline na ito para sa mas nakatatandang mga bata. Gayundin, ang mga aktibidad para sa mas maliliit na bata ay maaaring iangkop sa pagtuturo sa mas nakatatandang mga bata.