“Hunyo 19–25. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19: ‘Natupad na,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Hunyo 19–25. Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Hunyo 19–25
Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19
“Natupad na”
Kasama sa Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19 ang mga paglalarawan ng mga huling oras ng mortal na buhay ng Tagapagligtas. Hangaring madama ang Kanyang pagmamahal para sa iyo habang nag-aaral ka tungkol sa Kanyang sakripisyo at kamatayan.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Sa bawat salita at gawa, ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng dalisay na pag-ibig—ang tinawag ni Apostol Pablo na pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa 1 Corinto 13). Naging mas maliwanag lang ito noong mga huling oras ng mortal na buhay ng Tagapagligtas. Ipinakita ng Kanyang marangal na pananahimik sa harap ng mga maling paratang na Siya ay “hindi mayayamutin” (1 Corinto 13:5). Ang Kanyang kahandaang mahagupit, malait, at ipako sa krus—habang pinipigilan ang Kanyang kapangyarihang wakasan ang Kanyang mga paghihirap—ay nagpakita na Siya ay “matiisin” at “pinapasan [Niya] ang lahat ng bagay” (1 Corinto 13:4, 7). Ang habag Niya sa Kanyang ina at awa Niya sa mga nagpako sa Kanya sa krus—maging sa oras ng Kanyang sariling walang-katulad na pagdurusa—ay naghayag na “hindi [Niya] ipinipilit ang [Kanyang] sariling kagustuhan” (1 Corinto 13:5). Sa Kanyang mga huling sandali sa lupa, ginawa ni Jesus ang Kanyang nagawa sa Kanyang buong mortal na ministeryo—tinuruan tayo sa pamamagitan ng pagpapakita sa atin. Tunay ngang ang pag-ibig sa kapwa “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19
Ang kahandaan ni Jesucristo na magdusa ay nagpapakita ng Kanyang pagmamahal para sa Ama at sa ating lahat.
Bagama’t may kapangyarihan ang Tagapagligtas na pababain ang “pangkat ng mga anghel” (Mateo 26:53), kusang-loob Niyang piniling tiisin ang di-makatarungang mga paglilitis, malupit na panlilibak, at di-mailarawang sakit ng katawan. Bakit Niya ginawa iyon? “Dahil sa Kanyang mapagkandiling pagmamahal,” pagpapatotoo ni Nephi, “at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao” (1 Nephi 19:9).
Maaari mong simulang pag-aralan ang mga huling oras ng buhay ng Tagapagligtas sa pagbasa sa 1 Nephi 19:9. Saan mo makikita sa Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; at Juan 19 ang mga halimbawa ng bawat bagay na sinabi ni Nephi na pagdurusahan ni Jesus?
-
“[Kanilang] hahatulan siyang isang bagay na walang saysay”
-
“Kanilang hahagupitin siya”
-
“Kanilang sasampalin siya”
-
“Kanilang luluraan siya”
Aling mga talata ang nagpapadama sa iyo ng “mapagkandiling pagmamahal” ng Tagapagligtas sa iyo? Ano ang iba mo pang naiisip at nadarama habang binabasa mo ang mga salaysay na ito? Isiping isulat o ibahagi ang mga ito sa isang tao.
Mateo 27:27–49, 54; Marcos 15:16–32; Lucas 23:11, 35–39; Juan 19:1–5
Hindi mababago ng panlilibak ang katotohanan.
Samantalang natiis ni Jesus ang panlilibak sa Kanyang buong ministeryo, lalo itong tumindi nang Siya ay hagupitin at ipako sa krus. Ngunit hindi mababago ng panlilibak na ito ang katotohanan: Si Jesus ang Anak ng Diyos. Habang binabasa mo ang kahihiyang tiniis ni Jesus, pag-isipan ang oposisyon at panlilibak na kinakaharap ng Kanyang gawain ngayon. Ano ang mga kabatirang natatamo mo tungkol sa pagtitiis sa oposisyon? Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga salita ng senturion sa Mateo 27:54?
Nagdusang mag-isa si Jesucristo upang hindi na ako magdusang mag-isa.
Sa isa sa Kanyang pinakamatitinding sandali sa krus, biglang nadama ni Jesus, na laging umasa sa Kanyang Ama sa Langit, na pinabayaan Siya. Ang pagbabasa tungkol dito ay maaaring umakay sa iyo na pag-isipan ang mga pagkakataon na nadama mong malayo ka sa Diyos. Maaari mong pagnilayan kung paano ginagawang posible ng sakripisyo ng Tagapagligtas sa krus na madaig mo ang agwat na iyon. Tulad ng pinatotohanan ni Elder Jeffrey R. Holland, “Dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo, at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon. … Dahil sa nangyari sa Calvario alam natin ang katotohanan na hindi tayo iiwang mag-isa o walang tulong, kahit ganoon [kung] minsan ang pakiramdam natin” (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 88). Isipin kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang kalungkutan habang binabasa mo ang natitirang bahagi ng mensahe ni Elder Holland.
Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa ng pagpapatawad.
Ano ang nadarama mo kapag binabasa mo ang mga salita ng Tagapagligtas sa Lucas 23:34? Sa pagtukoy sa mga salita ng Tagapagligtas, itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Kailangan nating patawarin at huwag kamuhian ang mga nakakasakit sa ating damdamin. Nagpakita ng halimbawa ang Tagapagligtas habang nakabayubay sa krus. … Hindi natin alam ang nasa puso ng mga taong nakakasakit sa ating damdamin” (“That We May Be One,” Ensign, Mayo 1998, 68). Paano ka matutulungan ng talatang ito kung nahihirapan kang patawarin ang isang tao?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mateo 27; Marcos 15; Lucas 23; Juan 19.Para matulungan ang inyong pamilya na malaman ang mga pangyayaring inilarawan sa mga kabanatang ito, maaari mong ibahagi sa kanila ang “Kabanata 52: Ang mga Paglilitis kay Jesus” at “Kabanata 53: Ipinako si Jesus sa Krus” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 133–38, o ang katumbas na mga video sa ChurchofJesusChrist.org). Maaari mong anyayahan ang mga bata na muling isalaysay ang mga kuwento sa sarili nilang mga salita. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang nadarama nila sa Tagapagligtas dahil sa Kanyang pagdurusa para sa atin.
-
Mateo 27:11–26; Marcos 15:1–15; Lucas 23:12–25; Juan 19:1–16.Bakit hinayaan ni Pilato na ipako sa krus si Jesus, kahit alam niyang walang kasalanan si Jesus? Anong mga aral ang natututuhan natin mula sa karanasan ni Pilato tungkol sa paninindigan sa alam nating tama? Maaaring makatulong sa inyong pamilya na isadula ang mga tagpo na nagtutulot sa kanila na magsanay na manindigan sa tama.
-
Mateo 27:46; Lucas 23:34, 43, 46; Juan 19:26–28, 30.Marahil ay maaari mong atasan ang bawat miyembro ng pamilya na basahin ang isa o mahigit pa sa mga pahayag na ginawa ng Tagapagligtas habang nakabayubay sa krus, na matatagpuan sa mga talatang ito. Hilingin sa kanila na ibahagi ang natututuhan nila mula sa mga pahayag na ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon.
-
Marcos 15:39.Paano napalakas ng pagbabasa tungkol sa Pagpapako sa Krus ang inyong patotoo na si Jesus ang “Anak ng Diyos”?
-
Juan 19:25–27.Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito kung paano natin maaaring mahalin at suportahan ang mga miyembro ng pamilya?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing himno: “Doon sa Krus sa Kalbaryo,” Mga Himno, no. 114.