Bagong Tipan 2023
Hunyo 5–11. Juan 14–17: “Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal”


“Hunyo 5–11. Juan 14–17: ‘Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hunyo 5–11. Juan 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Huling Hapunan

The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni William Henry Margetson

Hunyo 5–11

Juan 14–17

“Manatili Kayo sa Aking Pagmamahal”

Habang binabasa mo ang mga turo ng Tagapagligtas sa Juan 14–17, tutulungan ka ng Espiritu Santo na matukoy ang mga mensaheng para sa iyo. Itala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ngayon ay tinatawag natin itong “Huling Hapunan,” ngunit hindi natin alam kung lubos na napagtanto ng mga disipulo ni Jesus, nang magtipon sila para sa taunang pista ng Paskua, na ito na ang magiging huling hapunan nila na kasama ang kanilang Panginoon bago Siya mamatay. Gayunman, “alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw” (Juan 13:1). Malapit na Siyang humarap sa pagdurusa sa Getsemani, sa pagkakanulo at pagkakaila ng Kanyang pinakamalalapit na kaibigan, at sa isang masakit na pagkamatay sa krus. Subalit kahit sa lahat ng mangyayaring ito sa Kanya, hindi nagtuon si Jesus sa Kanyang sarili kundi sa paglilingkod sa Kanyang mga disipulo. Ano ang kakailanganin nilang malaman sa darating na mga araw at taon? Ang magiliw na mga turo ni Jesus sa Juan 14–17 ay naghahayag ng nadarama Niya tungkol sa Kanyang mga disipulo, noon at ngayon. Kabilang sa maraming nakapapanatag na katotohanang ibinahagi Niya ay ang katiyakan na, sa isang banda, hindi Niya tayo iiwan kailanman. “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos,” pangako Niya, “mananatili kayo sa aking pag-ibig” (Juan 15:10).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Juan 14–15

Maipapakita ko ang aking pagmamahal para kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.

Habang binabasa mo ang Juan 14–15, maaari mong tandaan o markahan ang bawat paggamit ng salitang pag-ibig o pagmamahal. Maaari mong mapansin ang salitang mga kautusan na inulit nang madalas kaugnay ng salitang pag-ibig o pagmamahal sa mga kabanatang ito. Ano ang matututuhan mo tungkol sa relasyon sa pagitan ng pagmamahal at ng mga kautusan mula sa mga turo ng Tagapagligtas? Anong iba pang mga salita at parirala ang nakikita mong nauugnay sa pag-ibig o pagmamahal sa mga kabanatang ito?

Pagnilayan kung paano nakaimpluwensya sa iyo ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

Tingnan din sa Juan 13:34–35; D. Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Liahona, Nob. 2016, 48–51.

si Jesus na kausap ang mga disipulo

The Last Supper [Ang Huling Hapunan], ni Clark Kelley Price

Juan 14–16

Tinutulungan ako ng Espiritu Santo na matupad ang layunin ko bilang disipulo ni Jesucristo.

Malamang ay nakakalungkot para sa mga disipulo na marinig na halos tapos na ang panahon nila sa piling ng Tagapagligtas. Maaaring nag-alala rin sila kung paano sila mabubuhay nang wala Siya. Habang binabasa mo ang Juan 14–16, alamin ang sinabi ng Tagapagligtas para panatagin sila. Pansinin lalo na ang itinuro Niya sa kanila tungkol sa Espiritu Santo. Ano ang natututuhan mo tungkol sa Espiritu Santo mula sa mga salita ng Tagapagligtas sa sumusunod na mga talata?

Bakit kinailangan ng mga disipulo ang ganitong klaseng tulong mula sa Espiritu Santo? Paano nagampanan ng Espiritu Santo ang mga tungkuling ito para sa iyo? Isipin kung ano ang magagawa mo upang maging mas malakas ang Kanyang impluwensya sa buhay mo.

Tingnan din sa 3 Nephi 19:9; 27:20; Doktrina at mga Tipan 11:12–14; Moises 6:61; Michelle D. Craig, “Espirituwal na Kakayahan,” Liahona, Nob. 2019, 19–21.

Juan 15:1–8

Habang nananatili ako kay Cristo, makapaghahatid ako ng mabuting bunga.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “manatili [kay Cristo]”? (Juan 15:4) Ano ang iyong “bunga” na nagpapakita na nakakabit ka sa puno ng ubas, na kumakatawan kay Jesucristo?

Juan 17

Si Jesucristo ay namamagitan para sa Kanyang mga disipulo.

Ang mga salita ni Jesus na nakatala sa Juan 17 ay kilala bilang Panalangin ng Pamamagitan. Sa panalanging ito, ipinagdasal ni Jesus ang Kanyang mga Apostol at “sila rin naman na mga sumasampalataya sa [Kanya] sa pamamagitan ng kanilang salita” (Juan 17:20). Ang ibig sabihin niyan ay ipinagdasal ka Niya. Ano ang hiniling ni Jesus sa Kanyang Ama alang-alang sa iyo at sa lahat ng iba pang nananampalataya? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Kanyang nadarama para sa iyo?

Ang panalanging ito ay nagtuturo din ng malalim at walang-hanggang mga katotohanan. Anong mga katotohanan ang nakikita mo? Habang binabasa mo ang kabanatang ito, isiping itala ang natututuhan mo tungkol sa mga sumusunod:

  • Panalangin

  • Ang relasyon ng Tagapagligtas sa Kanyang Ama

  • Ang relasyon ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo

  • Paano naiiba ang mga disipulo sa mundo

  • Iba pang mga katotohanang namumukod-tangi sa iyo

Juan 17:11, 21–23

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay lubos na nagkakaisa.

Sa Kanyang panalangin sa Juan 17, binigyang-diin ni Jesus ang Kanyang pagiging isa sa Ama. Sa anong mga paraan naging “isa” ang Ama at ang Anak? (Juan 17:11, 21–23). Tandaan na ipinagdasal ng Tagapagligtas na maging isa ang Kanyang mga disipulo “gaya”—o sa parehong paraan—ng pagkakaisa Niya at ng Kanyang Ama (Juan 17:22). Ano ang kahulugan niyan para sa iyo? Isipin ang iyong mga relasyon—halimbawa, sa iyong asawa o sa iba pang mga miyembro ng pamilya, sa mga miyembro ng ward, at sa kapwa mga Kristiyano. Paano mo mapagsisikapang magkaroon ng pagkakaisa na tulad ng kay Jesus sa Ama?

Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Mga Pusong Magkakasama sa Kabutihan at Pagkakaisa,” Liahona, Nob. 2020, 18–22; Sharon Eubank, “Sa Pagkakaisa ng Damdamin ay Natatamo Natin ang Kapangyarihan Kasama ng Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 55–57.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Juan 14:5–6.Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pag-akay sa inyong pamilya sa paglakad sa isang daanan. Paano naging “ang daan” si Jesus? Saan Niya tayo inaakay?

Juan 14:26–27.Paano naiiba ang kapayapaan ni Jesus sa uri ng “ibinibigay ng sanlibutan”? Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga paraan na nakasumpong sila ng kapayapaan at kapanatagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Juan 15:1–8.Maaaring nakakatuwang basahin ang mga talatang ito sa labas sa tabi ng isang puno ng ubas, isang puno, o iba pang halaman. Ano ang nangyayari sa isang sanga kapag pinutol ito sa halaman? Maaari ninyong pag-usapan kung paano tayo katulad ng mga sanga at kung ano ang ibig sabihin ng “manatili” sa Tagapagligtas at “[mag]bunga.”

Juan 15:17–27; 16:1–7.Sa palagay ninyo, bakit binalaan ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo tungkol sa pag-uusig? Paano inuusig ngayon ang mga disipulo ni Cristo? Paano tayo matutulungan ng payo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito sa pagharap natin sa pag-uusig?

Juan 16:33.Paano nadaig ni Cristo ang mundo? Paano nagdulot sa atin ng kapayapaan at kagalakan ang Kanyang Pagbabayad-sala? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 68:6).

Juan 17:21–23.Ano ang makakatulong sa inyong pamilya na matutuhan kung paano maging mas nagkakaisa na katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit? Maaari ninyo sigurong pag-usapan ang isang paboritong sports team at kung paano sila nagtutulungan tungo sa iisang mithiin. O maaari kayong makinig sa isang koro o orkestra at talakayin ninyo kung paano nagkakaisa ang mga musikero para makalikha ng isang magandang musika.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ang Espiritu Santo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 56.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga audio recording. Habang itinuturo mo sa inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, isiping makinig sa mga audio version ng mga banal na kasulatan, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org o sa Gospel Library app. Ang pakikinig sa Juan 14–17 ay maaaring maging partikular na mabisa dahil nasa mga kabanatang ito ang napakarami sa mga salita ng Tagapagligtas.

mga ubas sa puno

Itinuro ni Jesus, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga” (Juan 15:5).