Bagong Tipan 2023
Mayo 29–Hunyo 4. Mateo 26; Marcos 14; Juan 13: “Sa Pag-aalaala”


“Mayo 29–Hunyo 4. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 23; Juan 13: ‘Sa Pag-aalaala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mayo 29–Hunyo 4. Mateo 26; Marcos 14; Lucas 13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Huling Hapunan

In Remembrance of Me [Sa Pag-aalaala sa Akin], ni Walter Rane

Mayo 29–Hunyo 4

Mateo 26; Marcos 14; Juan 13

“Sa Pag-aalaala”

Habang nagbabasa ka tungkol sa mga pangyayaring inilarawan sa Mateo 26; Marcos 14; at Juan 13, bigyang-pansin ang anumang mga impresyong natatanggap mo, lalo na ang mga impresyong nagpapalalim ng iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa iyong katapatan sa Kanya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Isang araw bago Siya namatay, binigyan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo ng isang bagay para maalaala nila Siya. “Dumampot [siya] ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, ‘Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan. At kumuha siya ng isang saro at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, ‘Uminom kayong lahat nito, sapagkat ito ang aking dugo’” (Mateo 26:26–28).

Nangyari iyan mga 2,000 taon na ang nakararaan, sa isang lugar na hindi kailanman makikita ng karamihan sa atin, sa isang wikang kakaunti sa atin ang makauunawa. Ngunit ngayon, tuwing Linggo sa sarili nating mga pinagmimitingan, ginagawa ng mga priesthood holder, na awtorisadong kumilos sa pangalan ni Jesucristo, ang dati Niyang ginawa. Kumukuha sila ng tinapay at tubig, binabasbasan nila ito, at ibinibigay ito sa bawat isa sa atin, na Kanyang mga disipulo. Ito ay isang simpleng gawain—mayroon pa bang mas simple at mas mahalaga kaysa pagkain ng tinapay at pag-inom ng tubig? Ngunit ang tinapay at tubig na iyon ay sagrado para sa atin dahil tinutulungan tayo nitong maalaala Siya. Ang mga ito ang ating paraan ng pagsasabing, “Hinding-hindi ko Siya malilimutan”—hindi lang, “Hinding-hindi ko malilimutan ang nabasa ko tungkol sa Kanyang mga turo at Kanyang buhay.” Sa halip, sinasabi natin, “Hinding-hindi ko malilimutan ang ginawa Niya para sa akin.” “Hinding-hindi ko malilimutan kung paano Niya ako sinagip nang humingi ako ng tulong.” At “hinding-hindi ko malilimutan ang Kanyang katapatan sa akin at ang aking pangako sa Kanya—ang tipan na aming ginawa.”

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 26:6–13; Marcos 14:3–9

“[Dumating siya upang] pahiran ang katawan ko para sa paglilibing.”

Sa mapagpakumbabang pagsamba, ipinakita ng babaeng inilarawan sa mga talatang ito na alam niya kung sino si Jesus at kung ano ang gagawin Niya (tingnan sa Mateo 26:12). Sa palagay mo, bakit napakahalaga sa Tagapagligtas ang kanyang mga ginawa? (tingnan sa talata 13). Ano ang hinahangaan mo tungkol sa babae at sa kanyang pananampalataya? Pagnilayan kung paano mo matutularan ang kanyang halimbawa.

Tingnan din sa Juan 12:1–8.

Mateo 26:20–22; Marcos 14:17–19

“Ako ba, Panginoon?”

Ano ang natututuhan mo tungkol sa mga disipulo mula sa kanilang tanong sa Panginoon sa mga talatang ito? Sa palagay mo, bakit nila itinanong ito? Isipin kung paano mo maaaring itanong sa Panginoon ang, “Ako ba?”

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Ako Baga, Panginoon?,” Liahona, Nob. 2014, 56–59.

Mateo 26:26–29; Marcos 14:22–25

Ang sakramento ay isang pagkakataong alalahanin ang Tagapagligtas.

Nang pasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento sa Kanyang mga disipulo, ano sa palagay mo ang kanilang iniisip at nadarama? Pag-isipan ito habang binabasa mo ang kanilang karanasan sa Mateo 26:26–29 at Marcos 14:22–25. Sa palagay mo, bakit ito ang paraang pinili ni Jesus para maalaala natin Siya? Maaari mo ring pagnilayan ang mga naranasan mo sa oras ng sakramento. Mayroon ka bang magagawa para maging mas sagrado at makabuluhan ang iyong karanasan?

Matapos basahin at pagnilayan ang mga talatang ito, maaari mong isulat ang ilang bagay na nahihikayat kang alalahanin tungkol sa Tagapagligtas. Maaari mong rebyuhin ang mga bagay na ito sa susunod na tumanggap ka ng sakramento. Maaari mo ring rebyuhin ang mga ito sa ibang mga pagkakataon, bilang paraan para “lagi siyang alalahanin” (Moroni 4:3).

Tingnan din sa Lucas 22:7–39; 3 Nephi 18:1–13; Doktrina at mga Tipan 20:76–79; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Sacrament,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

5:27

Juan 13:1–17

Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod sa iba.

Noong panahon ni Jesus, ang paghuhugas ng mga paa ng ibang tao ay trabaho ng mga alipin, hindi ng mga pinuno. Ngunit nais ni Jesus na iba ang isipin ng Kanyang mga disipulo tungkol sa ibig sabihin ng mamuno at maglingkod. Anong mga mensahe ang nakikita mo sa mga salita at kilos ng Tagapagligtas sa Juan 13:1–17? Sa inyong kultura, ang paghuhugas ng mga paa ng iba ay maaaring hindi isang nakaugaliang paraan ng paglilingkod. Ngunit isipin kung ano ang magagawa mo para matularan ang halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod ng Tagapagligtas.

Maaaring nakakatuwa ring pansinin ang mga bagay na alam at nadama ni Jesus sa sagradong panahong ito sa piling ng Kanyang mga Apostol (tingnan sa mga talata 1 at 3). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga kabatirang ito tungkol sa Tagapagligtas?

Tingnan din sa Lucas 22:24–27.

Juan 13:34–35

Ang pagmamahal ko sa iba ay tanda na ako ay isang tunay na disipulo ni Jesucristo.

Bago ang pangyayaring ito ay nagbigay na ng isang utos si Jesus na “ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39). Ngayon ay nagbigay Siya ng “isang bagong utos.” Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mahalin ang iba tulad ng pagmamahal ni Jesus sa iyo? (tingnan sa Juan 13:34).

Maaari mo ring pagnilayan kung paano nalaman ng ibang tao na ikaw ay isang disipulo ni Jesucristo. Paano mo matitiyak na ang pagmamahal na iyan ay ang katangiang naglalarawan sa iyo bilang Kristiyano?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 26:26–29; Marcos 14:22–25.Ano ang karanasan ng inyong pamilya sa oras ng sakramento linggu-linggo? Ang pagbabasa tungkol sa unang sakramento ay maaaring maghikayat ng talakayan tungkol sa kahalagahan ng sakramento at sa mga paraan para mapaganda ang iyong karanasan. Isiping ipakita ang larawang Pagpapasa ng Sacrament (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg 108) at magbahagi ng mga ideya sa isa’t isa kung ano ang magagawa ninyo bago, habang, at pagkatapos ng sakramento.

babaeng tumatanggap ng sakramento

Ang sakramento ay tumutulong sa atin na maalaala si Jesucristo.

Mateo 26:30.Isiping kantahin ang isang himno, tulad ng ginawa ni Jesus at ng Kanyang mga Apostol—marahil ay isang himnong pangsakramento. Paano naging pagpapala kay Jesus at sa Kanyang mga Apostol ang pagkanta ng himno noong panahong iyon? Paano naging isang pagpapala sa atin ang mga himno?

Juan 13:1–17.Maaari mong ipakita sa inyong pamilya ang larawan sa katapusan ng outline na ito habang binabasa mo ang mga talatang ito. Anong mga katotohanan ang itinuro ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga kilos? Anong mga detalye sa larawan ang tumutulong sa atin na maunawaan ang mga katotohanang ito? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya kung paano nagdulot ng kaligayahan sa kanila ang pamumuhay ayon sa mga katotohanang ito (tingnan sa Juan 13:17).

Juan 13:34–35.Matapos basahin ang mga talatang ito, maaari ninyong sama-samang pag-usapan kung paano nalalaman ng ibang tao na kayo ay mga disipulo ni Jesucristo. Paano nais ng Tagapagligtas na makilala ang Kanyang mga alagad? Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng pamilya na pag-usapan ang mga tao na ang pagmamahal sa iba ay nagpapakita na sila ay tunay na mga disipulo ni Jesucristo. Maaari din ninyong talakayin ang mga paraan na maaari kayong magpakita ng higit na pagmamahal bilang pamilya.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Mahalin ang Bawat Isa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 74.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Magnilay-nilay. Ang mga banal na kasulatan ay may mga espirituwal na kahulugan na maaaring makalagpas sa atin kung kaswal tayong magbabasa, tulad ng iba pang materyal na babasahin. Huwag magmadaling tapusin ang isang kabanata. Mag-ukol ng oras na pag-isipan nang malalim ang binabasa mo.

si Jesus na hinuhugasan ang mga paa ng mga disipulo

Greatest in the Kingdom [Pinakadakila sa Kaharian], ni J. Kirk Richards