“Mayo 22–28. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21: ‘[Darating] ang Anak ng Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Mayo 22–28. Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Mayo 22–28
Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; Lucas 21
“[Darating] ang Anak ng Tao”
Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Mateo 1; Mateo 24–25; Marcos 12–13; at Lucas 21, maaari mong itanong, “Ano ang mga mensahe ng mga kabanatang ito para sa akin? para sa pamilya ko? para sa calling ko?”
Itala ang Iyong mga Impresyon
Maaaring ikinagulat ng mga disipulo ni Jesus ang Kanyang propesiya: ang malaking templo ng Jerusalem, ang espirituwal at kultural na sentro ng mga Judio, ay wawasakin nang lubusan kaya’t “walang maiiwan … ni isang bato sa ibabaw ng ibang bato.” Natural lamang na gustong malaman ng mga disipulo ang iba pa. “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito?” tanong nila. “At ano ang palatandaan ng inyong pagparito?” (Joseph Smith—Mateo 1:2–4). Inihayag ng sagot ng Tagapagligtas na ang matinding pagkawasak na darating sa Jerusalem—isang propesiyang natupad noong AD 70—ay medyo maliit kumpara sa mga palatandaan ng Kanyang pagparito sa mga huling araw. Ang mga bagay na tila mas matatag kaysa sa templo sa Jerusalem ay mapapatunayang pansamantala lamang—ang araw, buwan, mga bituin, mga bansa, at dagat. Maging ang “mga kapangyarihan sa langit ay mayayanig” (Joseph Smith—Mateo 1:33). Kung tayo ay may espirituwal na kamalayan, matuturuan tayo ng kaguluhang ito na magtiwala sa isang bagay na talagang permanente. Tulad ng ipinangako ni Jesus, “Ang langit at lupa ay lilipas; gayon man, ang aking mga salita ay hindi lilipas. … At sinuman ang magpapahalaga sa aking salita ay hindi malilinlang” (Joseph Smith—Mateo 1:35, 37).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ano ang Joseph Smith—Mateo?
Ang Joseph Smith—Mateo, na nasa Mahalagang Perlas, ay ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng huling talata ng Mateo 23 at ng buong Mateo 24. Ipinanumbalik ng mga inspiradong rebisyon ni Joseph Smith ang mahahalagang katotohanang nawala. Ang mga talata 12–21 ay tumutukoy sa pagkawasak ng Jerusalem noong unang panahon; ang mga talata 21–55 ay naglalaman ng mga propesiya tungkol sa mga huling araw.
Joseph Smith—Mateo 1:21–37; Marcos 13:21–37; Lucas 21:25–38
Ang mga propesiya tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ay makakatulong sa akin na harapin ang kinabukasan nang may pananampalataya.
Maaaring nakababahalang mabasa ang mga kaganapang hahantong sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ngunit nang ipropesiya ni Jesus ang mga kaganapang ito, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo na “huwag kayong magulumihanan” (Joseph Smith—Mateo 1:23). Paano ka “[hindi] ma[gu]gulumihanan” kapag nakarinig ka ng tungkol sa mga lindol, digmaan, panlilinlang, at taggutom? Pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa mo ang mga talatang ito. Markahan o itala ang anumang nakapapanatag na payo na makita mo.
Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Ikalawang Pagparito ni Jesucristo,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
Joseph Smith—Mateo 1:26–27, 38–55; Mateo 25:1–13; Lucas 21:29–36
Kailangan akong maging laging handa para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Hindi ipinahayag ng Diyos “ang araw o ang oras [ng pagparito ng Anak ng tao]” (Mateo 25:13). Ngunit ayaw Niyang dumating ang araw na iyon sa atin na “parang bitag” (Lucas 21:34), kaya binigyan na Niya tayo ng payo kung paano maghahanda.
Habang binabasa mo ang mga talatang ito, tukuyin ang mga talinghaga at iba pang mga pagkukumparang ginamit ng Tagapagligtas para ituro sa atin na maging laging handa para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ano ang natututuhan mo mula sa mga ito? Ano ang nahihikayat kang gawin?
Maaari mo ring isipin kung paano nais ng Tagapagligtas na tulungan kang ihanda ang mundo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng maging handang tanggapin ang Tagapagligtas kapag Siya ay pumarito? Ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Paghahanda para sa Pagbabalik ng Panginoon” (Liahona, Mayo 2019, 81–84) ay maaaring makatulong sa iyo na pagnilayan ito.
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 73–76.
Inaasahan ng Ama sa Langit na gagamitin ko nang matalino ang Kanyang mga kaloob.
Sa talinghaga ng Tagapagligtas, ang isang “talento” ay tumutukoy sa pera. Ngunit ang talinghaga ng mga talento ay maaaring mag-udyok sa atin na pagnilayan kung paano natin ginagamit ang alinman sa ating mga pagpapala, hindi lamang pera. Habang binabasa mo ang talinghagang ito, maaari kang gumawa ng listahan ng ilan sa mga pagpapala at responsibilidad na naipagkatiwala sa iyo ng Ama sa Langit. Ano ang inaasahan Niyang gawin mo sa mga pagpapalang ito? Paano mo magagamit nang mas matalino ang mga kaloob na ito?
Kapag naglilingkod ako sa iba, naglilingkod ako sa Diyos.
Kung iniisip mo kung paano hahatulan ng Panginoon ang buhay mo, basahin ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing. Sa palagay mo, bakit makakatulong ang pangangalaga sa mga nangangailangan sa paghahanda mong “manahin … ang kaharian” ng Diyos?
Paano natutulad ang talinghagang ito sa dalawa pa sa Mateo 25? Anong mga mensahe ang parehas na mayroon sa mga tatlo?
Tingnan din sa Mosias 2:17; 5:13.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Joseph Smith—Mateo.Para matulungan ang inyong pamilya na saliksikin ang kabanatang ito, anyayahan silang hanapin ang mga turo ng Tagapagligtas kung paano tayo makapaghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito (tingnan, halimbawa, sa mga talata 22–23, 29–30, 37, 46–48.). Ano ang magagawa natin para masunod ang payong ito? Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa pagkanta ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47) at pagdodrowing ng mga larawan ng naiisip nilang magiging hitsura ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
-
Joseph Smith—Mateo 1:22, 37.Ano ang ibig sabihin ng pakaingatan ang salita ng Diyos? Paano natin ito magagawa nang personal at bilang pamilya? Paano makakatulong sa atin ang paggawa nito para maiwasang malinlang?
-
Mateo 25:1–13.Maaari mong gamitin ang larawan ng sampung dalaga na kasama sa outline na ito sa pagtalakay ng Mateo 25:1–13. Anong mga detalye ang nakikita natin sa larawan na inilalarawan sa mga talatang ito?
Maaari mong gupitin ang papel sa hugis ng mga patak ng langis at itago ang mga patak sa paligid ng inyong tahanan. Maaari mong ikabit ang mga patak sa mga bagay na tulad ng mga banal na kasulatan o isang larawan ng templo. Kapag nahanap ng mga miyembro ng pamilya ang mga patak, maaari ninyong talakayin kung paano tayo tinutulungan ng mga bagay na ito na maghanda para sa Ikalawang Pagparito.
-
Marcos 12:38–44; Lucas 21:1–4.Ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung ano ang tingin ng Panginoon sa ating mga handog? Ipakita sa inyong pamilya kung paano magbayad ng ikapu at mga handog-ayuno sa Panginoon. Paano nakakatulong ang mga handog na ito sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos? Ano ang ilang iba pang paraan na maihahandog natin ang “lahat ng [mayroon tayo]” sa Panginoon? (Marcos 12:44).
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Sa Kanyang Pagbabalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47.