Bagong Tipan 2023
Agosto 28–Setyembre 3. 1 Corinto 8–13: “Kayo nga ang Katawan ni Cristo”


“Agosto 28–Setyembre 3. 1 Corinto 8–13: ‘Kayo nga ang Katawan ni Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Agosto 28–Setyembre 3. 1 Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

sacrament meeting

Agosto 28–Setyembre 3

1 Corinto 8–13

“Kayo nga ang Katawan ni Cristo”

Habang mapanalangin mong binabasa ang 1 Corinto 8–13, maaaring magsalita sa iyo ang Espiritu Santo sa banayad na mga paraan (tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–12). Ang pagtatala ng mga impresyong ito ay magpapaalala sa iyo ng mga damdamin at kaisipan mo habang nag-aaral ka.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Noong panahon ni Pablo, ang Corinto ay isang mayamang sentro ng kalakalan na may mga residente mula sa lahat ng dako ng Imperyo ng Roma. Sa napakaraming iba’t ibang kultura at relihiyon sa lungsod, nahirapan ang mga miyembro ng Simbahan sa Corinto na manatiling nagkakaisa, kaya hinangad ni Pablo na tulungan silang magkaisa sa kanilang paniniwala kay Cristo. Ang pagkakaisang ito ay dapat maging higit pa sa mapayapang pamumuhay nang sama-sama; hindi hiniling ni Pablo na magparaya lamang sila sa mga pagkakaiba-iba nila sa isa’t isa. Sa halip, itinuro niya na kapag sumapi ka sa Simbahan ni Jesucristo, ikaw ay “binautismuhan … tungo sa isang katawan,” at bawat bahagi ng katawan ay kailangan (1 Corinto 12:13). Kapag nawala ang isang miyembro, para itong pagkawala ng isang paa o kamay, at mas mahina ang katawan dahil dito. Kapag ang isang miyembro ay nagdurusa, dapat ay maramdaman nating lahat ito at gawin natin ang ating bahagi upang maibsan ito. Sa ganitong uri ng pagkakaisa, ang mga pagkakaiba ay hindi lamang kinikilala kundi itinatangi, dahil kung wala ang mga miyembrong may iba’t ibang mga kaloob at kakayahan, magiging limitado ang katawan. Kaya kung sa pakiramdam mo ay kampante ka na sa Simbahan noon pa man o nag-iisip ka pa rin kung talagang kabilang ka, ang mensahe ni Pablo sa iyo ay na ang pagkakaisa ay hindi pagkakapare-pareho. Kailangan mo ang iyong kapwa mga Banal, at kailangan ka ng iyong kapwa mga Banal.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

1 Corinto 10:1–13

Ang Diyos ay nagbibigay-daan upang makatakas sa tukso.

Ang mga espirituwal na karanasan, maging ang mga mahimalang karanasan, ay hindi dahilan para malibre tayo mula sa mga tuksong “karaniwan sa tao” (1 Corinto 10:13). Maaaring isang dahilan iyan kaya isinulat ni Pablo kung paano nahirapan sa tukso ang mga Israelita noong panahon ni Moises, kahit nakasaksi sila ng malalaking himala (tingnan sa Exodo 13:21; 14:13–31). Habang binabasa mo ang 1 Corinto 10:1–13, anong mga babala sa mga karanasan ng mga Israelita ang tila angkop sa iyo? Anong mga uri ng “pag-iwas” mula sa tukso ang inilaan ng Ama sa Langit para sa iyo? (tingnan din sa Alma 13:27–30; 3 Nephi 18:18–19).

1 Corinto 10:16–17; 11:16–30.

Pinagkakaisa tayo ng sakramento bilang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo.

Bagama’t ang sakramento ay kinapapalooban ng personal na katapatan sa pagitan mo at ng Panginoon, isang karanasan din ito na nilalahukan mo kasama ang iba. Halos palagi tayong tumatanggap ng sakramento nang sama-sama, bilang isang grupo ng mga Banal. Basahin kung ano ang itinuro ni Pablo tungkol sa sakramento, at isipin kung paano makakatulong ang sagradong ordenansang ito sa “marami” na maging “isa” kay Cristo (1 Corinto 10:17). Paano ka tinutulungan ng pagtanggap ng sakramento na mas mapalapit kay Cristo at sa iba pang mga mananampalataya? Paano iniimpluwensyahan ng mga talatang ito ang damdamin mo tungkol sa sakramento at sa paraan ng paghahanda mo para dito?

1 Corinto 11:11

Sa plano ng Diyos, kailangan ng kalalakihan at kababaihan ang isa’t isa.

Sa 1 Corinto 11:4–15, tinukoy ni Pablo ang mga kaugalian sa kultura na hindi natin sinusunod ngayon. Gayunman, itinuro din ni Pablo ang isang mahalagang katotohanang angkop sa kawalang-hanggan, na matatagpuan sa talata 11. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng talatang ito, at bakit ito mahalaga? Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang lalaki at babae ay nilayong matuto sa isa’t isa, palakasin, pagpalain, at kumpletuhin ang isa’t isa” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 42). Paano dapat makaimpluwensya ang katotohanang ito sa pagsasama ng mag-asawa? Paano nito dapat maapektuhan ang paraan ng paglilingkod natin sa Simbahan?

Tingnan din sa Jean B. Bingham, “Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 60–63.

1 Corinto 12–13

Ang mga espirituwal na kaloob ay ibinibigay para sa kapakinabangan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Hindi lahat ng mga espirituwal na kaloob ay nakalista sa 1 Corinto 12–13. Ngunit magandang magsimula dito habang tinutukoy at pinagninilayan mo ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa iyo ng Ama sa Langit. Maaaring mas maipaunawa sa iyo ng artikulong “Mga Espirituwal na Kaloob” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo (topics.ChurchofJesusChrist.org) ang mga kaloob na ito. Habang binabasa mo ang listahan ng mga kaloob ni Pablo, maaari mong idagdag ang ilan na napansin mo sa iba, sa sarili mo, o sa mga tao sa mga banal na kasulatan. Kung mayroon kang patriarchal blessing, maaari ding mabanggit dito ang ilan sa iyong mga espirituwal na kaloob. Paano ka natutulungan ng mga kaloob na ito na pagpalain ang iba? Isipin kung paano mo maaaring “[pagsikapang] mithiin ang higit na dakilang mga kaloob” (1 Corinto 12:31).

Tingnan din sa 1 Corinto 14; Moroni 10:8–21, 30; Doktrina at mga Tipan 46:8–26; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:7.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

1 Corinto 9:24–27.Dahil ikinumpara ni Pablo ang pamumuhay ng ebanghelyo sa paligsahan sa takbuhan, maaari kayong magkaroon ng paligsahan sa takbuhan sa pamilya para ilarawan ang kanyang punto. Gantimpalaan ng korona ang lahat ng makakatapos sa paligsahan, at talakayin kung paano mapapanalunan ng lahat ng masigasig sa pagsunod kay Jesucristo sa buhay na ito ang premyong “walang pagkasira” (1 Corinto 9:25; tingnan din sa 2 Timoteo 4:7–8). Ano ang ginagawa ng isang runner para makapaghanda para sa isang paligsahan? Ano ang magagawa natin para mapaghandaan ang pagbalik sa Ama sa Langit?

mga runner na tumatakbo sa track

Ikinumpara ni Pablo ang pamumuhay ng ebanghelyo sa pagtakbo sa paligsahan.

1 Corinto 12:1–11.Matapos basahin nang sama-sama ang mga talatang ito, isiping bigyan ang lahat ng isang papel na may pangalan ng ibang miyembro ng pamilya sa itaas. Hilingin sa lahat na ilista ang mga espirituwal na kaloob na napapansin nilang taglay ng taong iyon. Pagkatapos ay maaari mong ipasa nang paikot ang mga papel hanggang sa lahat ay magkaroon ng pagkakataong sumulat tungkol sa mga kaloob ng bawat miyembro ng pamilya.

1 Corinto 12:3.Bakit kailangan ang Espiritu Santo para magkaroon ng patotoo kay Jesucristo? Ano ang magagawa natin para maanyayahan ang Espiritu Santo na palakasin ang ating patotoo tungkol sa Kanya?

1 Corinto 12:12–27.Ang analohiya ni Pablo tungkol sa katawan ay maaaring maging isang di-malilimutang paraan para talakayin ang pagkakaisa ng pamilya. Halimbawa, maaaring subukan ng mga miyembro ng pamilya na gumuhit ng isang katawan na mayroon lamang mga mata o tainga (tingnan sa talata 17). Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito kung paano natin dapat tratuthin ang isa’t isa bilang mga miyembro ng pamilya?

1 Corinto 13:4–8.Ang pakahulugan ni Pablo sa pag-ibig sa kapwa ay maaaring maging salawikain na nagbibigay-inspirasyon para sa inyong pamilya. Maaari mong atasan ang bawat miyembro ng pamilya na pag-aralan ang isang parirala sa mga talata 4–8 at ituro sa iba pang mga miyembro ng pamilya ang ibig sabihin ng paggamit ng mga kahulugan, halimbawa, at personal na karanasan. Paano naging halimbawa ng mga katangiang ito ang Tagapagligtas? Maaari din kayong sama-samang gumawa ng mga poster para sa bawat isa sa mga pariralang ito at idispley ang mga ito sa buong bahay ninyo. Maging malikhain!

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Dito ay May Pag-ibig,” Aklat ng mga Awit Pambata, 102–103.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magdispley ng isang talata sa banal na kasulatan. Magdispley ng isang talatang makabuluhan para sa iyo sa isang lugar kung saan madalas itong makikita ng mga miyembro ng pamilya. Anyayahan ang iba pang mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng isang talatang ididispley.

sacrament meeting

“Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito’y pakikisalo sa katawan ni Cristo? Sapagkat may isang tinapay, tayong marami ay iisang katawan” (1 Corinto 10:16–17).