“Setyembre 4–10. 1 Corinto 14–16: ‘Ang Diyos ay Hindi Diyos ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Setyembre 4–10. 1 Corinto 14–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Setyembre 4–10
1 Corinto 14–16
“Ang Diyos ay Hindi Diyos ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan”
Itala ang iyong mga impresyon habang binabasa mo ang 1 Corinto 14–16. Ipagdasal mo ang naituro sa iyo ng Espiritu, at itanong sa Ama sa Langit kung may iba pa Siyang gusto na matutuhan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Dahil medyo bago pa lang sa Corinto ang Simbahan at mga doktrina nito, madaling unawain na nagkaroon ng kalituhan ang mga Banal sa Corinto. Naituro na sa kanila noon ni Pablo ang pangunahing katotohanan ng ebanghelyo: “Na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan … at siya’y inilibing; at muling binuhay nang ikatlong araw” (1 Corinto 15:3–4). Ngunit hindi nagtagal ay sinimulang ituro ng ilang miyembro na “walang pagkabuhay na muli ng mga patay” (1 Corinto 15:12). Nagsumamo sa kanila si Pablo na “matatag [na panghawakan]” ang mga katotohanang itinuro na sa kanila (1 Corinto 15:2). Kapag naharap tayo sa magkakasalungat na opinyon tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo, makabubuting tandaan na “ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan” (1 Corinto 14:33). Ang pakikinig sa hinirang na mga lingkod ng Panginoon at pagkapit sa mga simpleng katotohanang paulit-ulit nilang itinuturo ay makakatulong sa atin na makasumpong ng kapayapaan at “manindigan [nang] matibay sa pananampalataya” (1 Corinto 16:13).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Maaari kong hangarin ang kaloob na propesiya.
Ano ang kaloob na propesiya? Ito ba ang kakayahang hulaan ang hinaharap? Para lamang ba ito sa mga propeta? O maaari bang matanggap ng sinuman ang kaloob na ito?
Pagnilayan ang mga tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang 1 Corinto 14:3, 31, 39–40. Maaari mo ring basahin ang Apocalipsis 19:10 at “Propesiya, [Mag]propesiya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Batay sa natututuhan mo, paano mo ipaliliwanag ang kaloob na propesiya? Ano kaya ang ibig sabihin ni Pablo nang anyayahan niya ang mga taga-Corinto na “masikap ninyong naisin na makapagsalita ng propesiya”? (1 Corinto 14:39). Paano mo matatanggap ang paanyayang ito?
Tingnan din sa Joel 2:28–29; Alma 17:3; Doktrina at mga Tipan 11:23–28.
Paano umaangkop ngayon ang pahayag tungkol sa kababaihan sa mga talatang ito?
Noong panahon ni Pablo, iba’t iba ang mga inaasahan kung paano nakisama ang kababaihan sa lipunan, pati na sa mga pulong ng simbahan. Anuman ang kahulugan ng mga turo sa 1 Corinto 14:34–35 noong panahon ni Pablo, hindi dapat isipin na ang kahulugan niyon ay na hindi maaaring magsalita at mamuno ang kababaihan sa Simbahan ngayon (tingnan sa Joseph Smith Translation, 1 Corinthians 14:34 [sa 1 Corinto 14:34]). Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson sa kababaihan ng Simbahan ngayon: “Kailangan namin … ang inyong lakas, katatagan, pananalig, kakayahang mamuno, karunungan, at mga tinig. Hindi kumpleto ang kaharian ng Diyos at hindi makukumpleto kung walang kababaihang gumagawa ng mga sagradong tipan at tumutupad sa mga ito, kababaihang nangungusap nang may kapangyarihan at awtoridad ng Diyos!” (“Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 96).
Nagtagumpay si Jesucristo laban sa kamatayan.
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay napakahalaga sa Kristiyanismo, masasabi ng isang tao na kung wala ito ay walang Kristiyanismo—sabi nga ni Pablo, “ang aming pangangaral ay walang kabuluhan, at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan” (1 Corinto 15:14). Subalit itinuturo noon ng ilan sa mga Banal sa Corinto na “walang pagkabuhay na muli ng mga patay” (1 Corinto 15:12). Habang binabasa mo ang tugon ni Pablo sa 1 Corinto 15, pagnilayan sandali kung paano maiiba ang buhay mo kung hindi ka naniwala sa Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa 2 Nephi 9:6–19; Alma 40:19–23; Doktrina at mga Tipan 93:33–34). Ano ang kahulugan sa iyo ng pariralang “Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan”? (talata 17).
Dapat ding tandaan na tinukoy ni Pablo ang pagbibinyag para sa mga patay bilang katibayan sa katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa 1 Corinto 15:29). Paano napalakas ng gawain sa templo at family history ang iyong pananampalataya sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:11–37.
Ang mga katawang nabuhay na mag-uli ay iba kaysa mga mortal na katawan.
Naisip mo na ba kung ano ang hitsura ng isang katawang nabuhay na mag-uli? Ayon sa 1 Corinto 15:35, gayon din ang tanong ng ilan sa mga taga-Corinto. Basahin ang sagot ni Pablo sa mga talata 36–54, at tandaan ang mga salita at pariralang naglalarawan sa mga pagkakaiba ng mga mortal na katawan at ng mga katawang nabuhay na mag-uli. Habang nagbabasa ka, maaari mong ikumpara ang mga talata 40–42 sa Doktrina at mga Tipan 76:50–112. Ano ang idinaragdag ng paghahayag ni Propetang Joseph Smith sa pagkaunawa mo? (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Mga Taga Corinto 15:40 [sa 1 Corinto 15:40, Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Bakit mahalaga ang mga katotohanang ito sa iyo?
Tingnan din sa Lucas 24:39; Alma 11:43–45; Doktrina at mga Tipan 88:14–33.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
1 Corinto 15:29.Nalaman natin mula sa talata 29 na ang mga sinaunang Kristiyano ay lumahok sa mga pagbibinyag para sa mga patay, tulad ng ginagawa natin ngayon. Paano natin ipaliliwanag sa iba kung bakit tayo binibinyagan para sa ating mga ninuno?. Ano ang ginagawa natin bilang pamilya para magkaloob ng mga ordenansa sa templo sa ating pumanaw na mga ninuno na nangangailangan nito? Makakakita ka ng iba pang resources tungkol sa paksang ito sa artikulo sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na “Pagbibinyag para mga Patay” (topics.ChurchofJesusChrist.org).
-
1 Corinto 15:35–54.Anong mga bagay o larawan ang maaari mong ipakita para maipaunawa sa inyong pamilya ang ilan sa mga katagang ginamit ni Pablo para ilarawan kung paano naiiba ang mga mortal na katawan sa mga katawang nabuhay na mag-uli? Halimbawa, upang ipamalas ang pagkakaiba sa pagitan ng may pagkasira at walang pagkasira (tingnan sa mga talata 52–54) maaari kang magpakita ng metal na kinalawang na at ng metal na hindi kinakalawang. O maaari mong ikumpara ang isang bagay na mahina sa isang bagay na malakas (tingnan sa talata 43).
-
1 Corinto 15:55–57.Ang isang talakayan tungkol sa mga talatang ito ay makabuluhan lalo na kung may kilala ang inyong pamilya na isang taong pumanaw na. Maaaring magbigay ng patotoo ang mga miyembro ng pamilya kung paano inaalis ni Jesucristo “ang tibo ng kamatayan” (talata 56).
-
1 Corinto 16:13.Para matulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya na makaugnay sa talatang ito, maaari kang gumuhit ng isang bilog sa lupa at sabihan ang isang miyembro ng pamilya na “manindigan [nang] matibay” sa loob nito habang siya ay nakapikit. Pagkatapos ay maaaring subukan ng iba na itulak o hilahin siya mula sa bilog. Ano ang kaibhang nagagawa kapag nakadilat ang mga mata ng taong nasa bilog at maaaring “magmasid”? Ano ang magagawa natin para “matatag na manindigan” kapag natutukso tayong gumawa ng masasamang pagpili?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing himno: “S’ya’y Nabuhay!,” Mga Himno, blg. 119.