Bagong Tipan 2023
Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7: “Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos”


“Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Jesucristo

Setyembre 11–17

2 Corinto 1–7

“Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos”

Habang pinag-aaralan mo ang mga sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto, isulat ang ilan sa mga alituntunin ng ebanghelyo na matutuklasan mo at pagnilayan kung paano mo maiaangkop ang mga ito sa buhay mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kung minsan, ang pagiging lider ng Simbahan ay nangangailangan ng pagsasabi ng ilang mahihirap na bagay. Ganito ang nangyari noong panahon ni Pablo na tulad ng nangyayari ngayon. Mukhang kasama sa naunang sulat ni Pablo sa mga Banal sa Corinto ang pagpaparusa at nasaktan sila. Sa liham na naging 2 Corinto, sinikap niyang ipaliwanag kung ano ang nag-udyok sa kanyang malulupit na salita: “Mula sa maraming kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo’y maging malungkot kundi upang inyong malaman ang masaganang pag-ibig na taglay ko para sa inyo” (2 Corinto 2:4). Kapag ikaw ang iwinawasto ng isang lider, talagang nakakatulong na malaman na iyon ay inspirado ng pagmamahal ni Cristo. At kahit sa mga pagkakataon na hindi iyon inspirado ng gayong pagmamahal, kung handa tayong tingnan ang iba nang may pagmamahal na nadama ni Pablo, mas madaling tumugon nang angkop sa anumang nakakasama ng loob. Tulad ng payo ni Elder Jeffrey R. Holland, “Maging mapagpaumanhin sa kahinaan—sa inyong kahinaan gayundin sa mga kasama ninyong naglilingkod sa Simbahan na pinamumunuan ng boluntaryo at mortal na kalalakihan at kababaihan. Maliban sa Kanyang perpektong Bugtong na Anak, mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 94).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

2 Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; 7:4–7

Ang aking mga pagsubok ay maaaring maging pagpapala.

Dahil sa lahat ng naranasan ni Pablo sa buhay, hindi nakakagulat na marami siyang isinulat tungkol sa mga layunin at pagpapala ng paghihirap. Habang binabasa mo ang 2 Corinto 1:3–7; 4:6–10, 17–18; 7:4–7, pag-isipan ang mga paraan na maaaring maging pagpapala ang iyong mga pagsubok. Halimbawa, maaari mong pagnilayan kung paano ka “[inaaliw ng Diyos] sa lahat ng [iyong] kapighatian” at kapalit nito, paano mo “[inaaliw] ang nasa anumang kapighatian” (2 Corinto 1:4). O maaari mong pagtuunan kung paano “nagningning” sa puso mo ang liwanag ni Jesucristo, kahit noong ikaw ay “pinagmamalupitan” at “nililito” (2 Corinto 4:6, 8).

Tingnan din sa Mosias 24:13–17; Henry B. Eyring, “Sinubok, Napatunayan, at Pinino,” Liahona, Nob. 2020, 96–99; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Paghihirap,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

2 Corinto 2:5–11

Ang pagpapatawad ay isang pagpapala na pareho kong maaaring ibigay at matanggap.

Wala tayong gaanong alam tungkol sa lalaking tinukoy ni Pablo sa 2 Corinto 2:5–11—ang alam lang natin ay nagkasala siya (tingnan sa mga talata 5–6) at na nais ni Pablo na patawarin ng mga Banal ang lalaki (tingnan sa mga talata 7–8). Bakit tayo nabibigo kung minsan na “papagtibayin … ang [ating] pag-ibig sa” isang mahal sa buhay na nakasakit sa ating damdamin? (talata 8). Paano nasasaktan ang iba at ang ating sarili sa hindi pagpapatawad? (tingnan sa mga talata 7, 10–11). Paano tayo “[nala]lamangan ni Satanas” sa hindi pagpapatawad? (talata 11).

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 64:9–11.

2 Corinto 5:14–21

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari akong makipagkasundo sa Diyos.

Tulad ng sinuman, alam ni Pablo kung ano ang pakiramdam ng maging “bagong nilalang” (2 Corinto 5:17). Mula sa pagiging tagausig ng mga Kristiyano, naging isa siyang walang-takot na tagapagtanggol ni Cristo. Habang binabasa mo ang 2 Corinto 5:14–21, pag-isipan ang mga tanong na tulad nito: Ano ang ibig sabihin ng makipagkasundo? Ano ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa Diyos? Pagnilayan kung ano ang naghihiwalay sa iyo sa Diyos. Ano ang kailangan mong gawin para mas lubusan kang makipagkasundo sa Kanya? Paano ito ginagawang posible ng Tagapagligtas?

Maaari mo ring pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng maging “mga sugo para kay Cristo” sa “ministeryo ng pakikipagkasundo” (mga talata 18, 20). Anong mga kabatiran ang natatamo mo mula sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo”? (Liahona, Nob. 2018, 77–79).

Tingnan din sa 2 Nephi 10:23–25.

2 Corinto 7:8–11

Ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay humahantong sa pagsisisi.

Hindi natin karaniwang iniisip na mabuting bagay ang kalungkutan, ngunit sinabi ni Pablo na ang “kalungkutang naaayon sa Diyos” (2 Corinto 7:10) ay mahalagang bahagi ng pagsisisi. Isipin ang natututuhan mo tungkol sa kalungkutang naaayon sa Diyos mula sa mga sumusunod: 2 Corinto 7:8–11; Alma 36:16–21; Mormon 2:11–15; at sa mensahe ni Sister Michelle D. Craig na “Hindi Pagiging Kuntento sa Ating Espirituwalidad” (Liahona, Nob. 2018, 52–55). Kailan ka nakadama ng kalungkutang naaayon sa Diyos, at ano ang naging epekto nito sa buhay mo?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

2 Corinto 3:1–3.Humiling na ba sa ibang tao ang mga miyembro ng inyong pamilya ng isang liham ng rekomendasyon, tulad ng para sa isang aplikasyon sa trabaho o sa paaralan? Hilingan silang magkuwento tungkol sa karanasang ito. Itinuro ni Pablo na ang buhay ng mga Banal ay parang mga liham ng rekomendasyon para sa ebanghelyo ni Jesucristo, na “isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buháy.” Habang sama-sama ninyong binabasa ang 2 Corinto 3:1–3, talakayin kung paano parang mga liham ang ating mga halimbawa na maaaring “[malaman] at [mabasa] ng lahat ng mga tao,” na nagpapamalas ng katotohanan at halaga ng ebanghelyo. Marahil ay maaaring sumulat ng isang liham o “sulat” ang bawat miyembro ng pamilya na nagpapaliwanag kung paano naging mabuting halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo ang isa pang miyembro ng pamilya. Maaari nilang basahin sa pamilya ang kanilang mga liham at ibigay ang mga ito sa miyembro ng pamilya na binanggit nila sa sulat. Bakit mahalagang maunawaan na ang ating buhay ay “[mga] sulat ni Cristo”?

2 Corinto 5:6–7.Ano ang ibig sabihin ng “lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin”? Ano ang ginagawa natin para ipakita na naniniwala tayo sa Tagapagligtas kahit hindi natin Siya nakikita?

2 Corinto 5:17.May maiisip o makikita ba ang inyong pamilya na mga halimbawa sa kalikasan ng mga bagay na nagdaraan sa mga pambihirang pagbabago at nagiging mga bagong nilalang? (tingnan ang larawan sa dulo ng outline na ito). Paano tayo mababago ng ebanghelyo ni Jesucristo?

2 Corinto 6:1–10.Ayon sa 2 Corinto 6:1–10, ano ang ibig sabihin ng maging “mga lingkod ng Diyos”? (talata 4). Ano ang mga katangian ng isang lingkod ng Diyos?

2 Corinto 6:14–18.Paano natin masusunod ang payo ni Pablo na, “[iwanan ang masasama], at humiwalay kayo,” samantalang minamahal din ang mga nasa paligid natin?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 52.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magbahagi ng mga object lesson. Ang ilang konsepto ng ebanghelyo, tulad ng Pagbabayad-sala, ay maaaring mahirap maunawaan. Isiping gumamit ng mga larawan o bagay na magpapaunawa sa inyong pamilya sa mga alituntuning natutuklasan ninyo sa mga banal na kasulatan.

uod, bahay-uod, at paruparo

Kapag nagbalik-loob tayo sa ebanghelyo ni Cristo, napakatindi ng ating pagbabago kaya inilarawan ito ni Pablo na pagiging “bagong nilalang” (2 Corinto 5:17).