Bagong Tipan 2023
Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7: “Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos”


“Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7: ‘Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Setyembre 11–17. 2 Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

Jesucristo

Setyembre 11–17

2 Corinto 1–7

“Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos”

Simulan ang iyong paghahanda sa pamamagitan ng pagbabasa ng 2 Corinto 1–7. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makakatulong sa pag-aaral mo ng mga kabanatang ito, at mabibigyan ka ng outline na ito ng mga ideya sa pagtuturo.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring gumawa ng sulat ngayong linggo ang ilan sa mga bata sa iyong klase kung paano naging mabuting halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo ang isang kapamilya (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Kung nagawa nila ito, hilingin sa kanila nang maaga na ibahagi ang sulat nila sa klase. O hilingin sa mga bata na magbahagi ng ibang bagay na natutuhan nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

2 Corinto 1:3–4

Pinapanatag ako ng Ama sa Langit, at kaya ko ring panatagin ang iba.

Paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon ng kumpiyansa na papanatagin o aaliwin sila ng Ama sa Langit? Paano mo sila mahihikayat na bigyan ng kapanatagan ang iba?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdala ng mga bagay sa klase na nagbibigay ng kapanatagan, tulad ng kumot o benda. Itanong sa mga bata kung ano ang nagbibigay sa kanila ng kapanatagan kapag sila ay nalulungkot o natatakot o may iba pang mga problema. Basahin ang 2 Corinto 1:3–4 sa mga bata, at ipaliwanag na “kapighatian” ang isa pang tawag sa mahihirap na problema. Magbahagi ng ilang paraan kung saan ay pinanatag ka ng Ama sa Langit, at patotohanan na papanatagin din Niya ang mga bata.

  • Ipakita ang mga larawan ng mga taong binibinyagan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, mga blg. 103–4) habang binabasa mo ang 2 Corinto 1:4 sa mga bata. Ipaliwanag na kapag tayo ay bininyagan, nangangako tayo na aaliwin natin ang iba. Paano natin masusunod ang payo ni Pablo na “[aliwin] ang nasa anumang kapighatian”?

2 Corinto 2:7–8, 10

Kaya kong patawarin ang ibang tao.

Pumili mula sa sumusunod na mga aktibidad—o mag-isip ng sarili mong mga aktibidad—para mapalakas ang pagnanais ng mga bata na patawarin ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag sa mga bata na nais ni Pablo na patawarin ng mga Banal sa Corinto ang isang taong nagkasala. Basahin ang 2 Corinto 2:7–8, 10, at hilingin sa mga bata na ilagay ang kamay nila sa dibdib sa tuwing maririnig nila ang mga salitang patawarin at pinatawad.

  • Hilingin sa mga bata na isadula kung paano sila maaaring tumugon sa mga sitwasyon na may nagawa ang isang tao na hindi mabuti. Hilingin sa mga bata na isa-isa silang magsabi ng “Sori” at “Pinatatawad kita.” Paano natin maipapaalam sa mga tao na pinatatawad natin sila? Ipaliwanag na maaaring ang isang paraan ay ang “papagtibayin ninyo ang pag-ibig,” o magpakita ng pagmamahal sa kanila (2 Corinto 2:8).

2 Corinto 4:1–2

Naniniwala ako sa pagiging matapat.

Itinuro ni Pablo na ang mga lingkod ni Cristo ay “itinatakuwil ang mga kahiyahiyang bagay na nakatago.” Pagnilayan ang mga paraan na mapapalakas mo ang pagnanais ng mga bata na maging matapat sa lahat ng bagay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isaulo ang pariralang “Naniniwala kami sa pagiging matapat” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Isulat ang pariralang ito sa mga pulseras na yari sa papel na maaaring lagyan ng dekorasyon at maisusuot ng mga bata. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng maging matapat ay magsabi ng katotohanan.

  • Hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang kamay kapag may sinabi kang totoo at ipababa ito kapag may sinabi kang hindi totoo. Gumawa ka ng simple ngunit malilinaw na pahayag, gaya ng “Linggo ngayon” o “Tatlo ang ilong ko.” Ulitin nang ilang beses ang aktibidad, na isa-isang binibigyan ng pagkakataon ang mga bata na magsabi ng mga bagay na totoo at hindi totoo. Bakit nais ng Ama sa Langit na magsabi tayo ng totoo?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

2 Corinto 1:3–4

Pinapanatag ako ng Ama sa Langit, at kaya ko ring panatagin ang iba.

Ang pag-alaala kung paano sila pinapanatag o inaaliw ng Diyos ay makahihikayat sa mga bata na bigyan ng kapanatagan ang iba.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Habang binabasa mo ang 2 Corinto 1:3–4, hilingin sa mga bata na pakinggan ang sagot sa tanong na “Ano ang ginagawa ng Diyos para sa atin?” Tulungan ang mga bata na maglista ng mga paraan na pinapanatag tayo ng Diyos. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan noong sila ay nalulungkot o nag-aalala o natatakot at inaaliw sila ng Diyos.

  • Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na matutupad natin ang ating tipan sa binyag na aliwin o panatagin ang iba (tingnan sa Mosias 18:9). Bigyan sila ng oras na mag-isip ng isang taong kilala nila na nangangailangan ng kapanatagan at magplano kung paano matutulungan ang taong iyon.

2 Corinto 2:5–11

Kaya kong patawarin ang ibang tao.

Maaaring mahirap patawarin ang ibang tao kapag sinasaktan nila ang damdamin natin. Ngunit makadarama ng pagmamahal, kapayapaan, at kaligayahan ang mga batang tinuturuan mo kapag natuto silang magpatawad.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na may isang taga-Corinto na nagkasala at “nagdulot ng kalungkutan” sa mga Banal (tingnan sa 2 Corinto 2:5). Hilingin sa mga bata na saliksikin ang 2 Corinto 2:7–8 para makita kung ano ang gustong ipagawa ni Pablo sa mga Banal.

  • Magbahagi ng isang karanasan na pinatawad mo ang isang tao—o pinatawad ka ng isang tao—at ilarawan kung ano ang naramdaman mo pagkatapos. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng kanilang mga karanasan na may kinalaman sa pagpapatawad.

2 Corinto 5:6–7

Ako ay “lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”

Isipin kung paano mo mahihikayat ang mga bata na sundin ang mga utos ng Diyos kahit hindi nila kaagad nakikita ang mga pagpapalang hinahangad nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang 2 Corinto 5:6–7 at Alma 32:21, at ipahanap sa kanila ang mga salita at pariralang nakakatulong na bigyang-kahulugan ang pananampalataya. Hilingin sa kanila na isulat ang kanilang mga kahulugan at ibahagi ang mga ito sa isa’t isa.

  • Piringan ang isa sa mga bata, at hilingin sa ibang mga bata na bigyan siya ng direksyon para matapos niya ang isang gawain tulad ng pagtatayo ng tore gamit ang blocks o paglakad papunta sa kabilang panig ng silid. Paano ipinauunawa sa atin ng aktibidad na ito ang kahulugan ng “lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya” sa Diyos?

  • Magbahagi ng isang karanasan nang lumakad ka nang may pananampalataya, at hikayatin ang mga bata na magbahagi ng mga karanasan.

2 Corinto 7:8–10

Inaakay akong magsisi ng kalungkutang naaayon sa Diyos.

Normal lamang na mahiya o mapahiya kapag nahuli tayong gumagawa ng mali. Tulungan ang mga bata na matukoy ang kaibhan ng damdaming ito sa kalungkutang naaayon sa Diyos, na humahantong sa tunay na pagsisisi.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipaliwanag na sa 2 Corinto 7:8–10, tinukoy ni Pablo ang dati niyang sulat sa mga Banal, na tahasang nagbababala sa kanila tungkol sa kanilang mga kasalanan. Sama-samang basahin ang mga talatang ito. Bakit masaya si Pablo na nalungkot ang mga Banal? Ipaliwanag na ang ganitong klaseng kalumbayan ay tinatawag na kalungkutang naaayon sa Diyos.

  • Hilingin sa mga bata na isipin ang isang pagkakataon na nakagawa sila mali at sumama ang pakiramdam nila dahil dito. Hikayatin silang itanong sa kanilang sarili, “Bakit ako nalungkot?” at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga sagot. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot (halimbawa, “Natakot ako na baka magkaroon ako ng problema” o “Alam kong napalungkot ko ang Ama sa Langit” o “Napaiyak ko ang isang tao”). Alin sa mga sagot sa pisara ang “kalungkutang naaayon sa Diyos”? (2 Corinto 7:10). Bakit mas mabuti ang kalungkutang naaayon sa Diyos kaysa sa iba pang mga klase ng kalungkutan na nadarama natin matapos tayong gumawa ng mali?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isa sa mga aktibidad sa klase ngayon, marahil sa isang family home evening.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magdispley ng isang talata sa banal na kasulatan. Pumili ng isang talata sa banal na kasulatan na makabuluhan para sa iyo, at idispley ito sa inyong silid-aralan kung saan madalas itong makikita ng mga bata. Marahil ay maaaring maghalinhinan ang mga bata sa pagpili ng isang talata sa banal na kasulatan na ididispley.