“Setyembre 4–10. 1 Corinto 14–16: ‘Ang Diyos ay Hindi Diyos ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Setyembre 4–10. 1 Corinto 14–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023
Setyembre 4–10
1 Corinto 14–16
“Ang Diyos ay Hindi Diyos ng Kaguluhan, Kundi ng Kapayapaan”
Habang binabasa mo ang 1 Corinto 14–16, ipapaalam sa iyo ng Espiritu Santo kung ano ang ituturo sa mga bata sa iyong klase. Pag-aralan ang outline na ito para sa iba pang mga ideya.
Mag-anyayang Magbahagi
Maaari mong simulan ang lesson para sa linggong ito sa pagbabasa nang malakas ng 1 Corinto 14:26. Ipaliwanag na kapag nagtitipun-tipon tayo sa simbahan, mapapatibay (o mapapatatag at matutulungan) natin ang iba kapag ibinabahagi natin ang natututunan natin. Itanong sa mga bata kung ano ang maibabahagi nila para mapatibay ang isang tao sa klase ngayon.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaari kong makapiling ang Ama sa Langit kapag namatay ako dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli.
Paano mo maituturo sa mga bata na dahil si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli ay maaari tayong mabuhay na muli?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ulitin ninyo ng mga bata nang ilang beses ang sumusunod na parirala: “Kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (1 Corinto 15:22). Ipakita ang larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ipaliwanag na tayong lahat ay mamamatay balang-araw, ngunit dahil si Jesus ay nabuhay na mag-uli, tayong lahat ay mabubuhay na muli pagkatapos nating mamatay.
-
Magpakita sa mga bata ng isang jacket, na kakatawan sa ating pisikal na katawan. Habang nabubuhay tayo, ang ating espiritu ay nasa ating katawan, at nakakagalaw ang ating katawan (isuot ang jacket). Kapag namatay tayo, lilisanin ng ating espiritu ang ating pisikal na katawan, at hindi makakagalaw ang ating katawan (alisin ang jacket at ipatong ito sa mesa o silya para maging simbolo ng isang katawan na walang espiritu). Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, bumabalik ang ating espiritu sa ating katawan (muling isuot ang jacket), at hindi na sila muling maghihiwalay. Isa-isang pagsuutin at paghubarin ng jacket ang mga bata habang ipinaliliwanag ng isa pang bata kung ano ang mangyayari kapag tayo ay nabuhay na mag-uli.
Maaari akong mabinyagan para sa mga taong namatay na.
Habang naghahanda ang mga bata para sa sarili nilang binyag, isipin kung paano mo sila matutulungang asamin din ang pagkakataong mabinyagan para sa mga patay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na hindi nila magagawa para sa sarili nila. Sino ang tumutulong sa kanila na gawin ang mga bagay na ito? Magpakita ng larawan ng isa sa iyong mga ninuno na namatay nang hindi nabibinyagan. Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa taong ito, at ipaliwanag na kailangan ng taong ito ang ating tulong para mabinyagan.
-
Itanong sa mga bata kung mayroon silang mga kapamilya na nakapunta na sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay. Magpakita ng mga larawan ng isang bautismuhan sa templo. Itanong sa mga bata kung alam nila kung ano ang nangyayari dito. Ipaliwanag na maaari tayong binyagan sa templo para sa mga taong pumanaw nang hindi nabibinyagan. Pagkatapos ay makapagpapasiya ang mga taong iyon kung tatanggapin nila ang pagbibinyag.
Nais ng Ama sa Langit na makapiling ko Siya sa kahariang selestiyal.
Paano mo maituturo sa mga bata ang tungkol sa mga kahariang selestiyal, terestriyal, at telestiyal? Maaaring makatulong ang mga aktibidad na ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang selestiyal, terestriyal, at telestiyal. Tulungan ang mga bata na matutuhang sabihin ang mga salitang ito.
-
Magpakita ng mga larawan ng araw, buwan, at mga bituin. Anyayahan ang mga bata na isaayos ang mga ito mula sa pinakamaliwanag hanggang sa pinakamahina ang liwanag. Basahin ang 1 Corinto 15:40–41 sa mga bata (tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, 1 Mga Taga-Corinto 15:40, Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Ipaliwanag na ang araw, buwan, at bituin ay kumakatawan sa mga kahariang matitirhan natin matapos tayong mabuhay na mag-uli. Sa kahariang selestiyal, maaari nating makapiling ang Ama sa Langit.
-
Pakulayan sa mga bata ang kopya ng pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Habang nagkukulay sila, ibahagi sa kanila ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas at kung ano ang ginawa Niya para maging posible na makapiling nating muli ang Ama sa Langit.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Dahil kay Jesucristo at sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, ako ay mabubuhay na mag-uli.
Nauunawaan ba ng mga batang tinuturuan mo ang kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? Maaaring makatulong ang mga ideyang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa mga bata na isa-isa nilang basahin ang mga talata sa 1 Corinto 15:12–22, na hinahanap ang mga sagot sa tanong na “Ano kaya ang mangyayari kung walang pagkabuhay na mag-uli?”
-
Hilingin sa mga bata na isadula kung paano ipaliliwanag ang pagkabuhay na mag-uli sa isang tao. Para sa mga ideya, maaari nilang pag-aralan ang isang awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, tulad ng “Si Jesus ba ay Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45). Magpatotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
Maaari akong maghandang magpunta sa templo upang mabinyagan para sa mga patay.
Ang binyag para sa mga patay ay masayang gawain ng pagmamahal para sa ating mga ninuno. Paano mo matutulungan ang mga bata na maghandang makibahagi sa gawaing ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang 1 Corinto 15:29. Ano ang ginagawa ng mga Banal noong panahon ni Pablo na ginagawa rin natin ngayon? Itanong sa mga bata kung bakit tayo nagpapabinyag para sa mga patay. Kung kailangan, ipaliwanag na marami sa ating mga ninuno ang hindi nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan at makumpirma sa buhay na ito. Sa templo, maaari tayong mabinyagan at makumpirma para sa kanila.
-
Ilang araw bago magklase, hilingin sa isang magulang ng isa sa mga bata na tulungan ang kanyang anak na dumating sa klase na handang ibahagi ang kanyang family tree, o magkuwento tungkol sa isang ninuno. Maaari ka ring magbahagi tungkol sa iyong mga ninuno.
-
Anyayahan ang isang miyembro ng bishopric o isang kabataan sa inyong ward na magbahagi ng ilang bagay na magagawa ng mga bata para makapaghanda na pumasok sa templo. Hilingin sa mga bata na ibahagi rin ang kanilang mga ideya. Hikayatin silang magtakda ng mithiin na magpunta sa templo balang-araw.
Matapos akong mabuhay na mag-uli, maaari akong manirahan sa kahariang selestiyal.
Para maituro sa mga taga-Corinto ang tungkol sa mga katawang matatanggap natin sa Pagkabuhay na Mag-uli, binanggit ni Pablo ang tatlong antas ng kaluwalhatian: selestiyal, terestriyal, at telestiyal.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang 1 Corinto 15:40–41 at anyayahan ang isang bata na magdrowing ng araw, buwan, at bituin sa pisara. Ipatukoy sa mga miyembro ng klase kung anong uri ng nabuhay na mag-uling katawan ang kinakatawan ng bawat drowing.
-
Sama-samang kumanta ng isang awitin na nauugnay sa paksang ito, tulad ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73). Ano ang itinuturo sa atin ng awiting ito tungkol sa paghahandang mamuhay sa kaluwalhatiang selestiyal?
-
Ipaliwanag na nagkaroon ng pangitain si Joseph Smith kung saan nakita niya ang tatlong kahariang tumutugma sa mga uri ng katawan na inilarawan ni Pablo. Tulungan ang mga bata na hanapin ang mga parirala mula sa Doktrina at mga Tipan 76:50–53, 70; 76:71–79; 76:81–82 na naglalarawan sa tatlong kahariang ito.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na magpakuwento sa kanilang mga magulang tungkol sa isa sa kanilang mga ninuno. Maaari nilang ikuwento ito sa klase sa susunod na linggo.