Bagong Tipan 2023
Nobyembre 6–12. Mga Hebreo 7–13: “Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating”


“Nobyembre 6–12. Mga Hebreo 7–13: ‘Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2023 (2021)

“Nobyembre 6–12. Mga Hebreo 7–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2023

binabasbasan ni Melquisedec si Abram

Melchizedek Blesses Abram [Binasbasan ni Melquisedec si Abram], ni Walter Rane. Kaloob ng artist

Nobyembre 6–12

Mga Hebreo 7–13

“Dakilang Saserdote ng Mabubuting Bagay na Darating”

Habang pinag-aaralan at pinagninilayan mo ang outline na ito, bigyang-pansin ang mga pahiwatig na natatanggap mo tungkol sa mga batang tinuturuan mo. Tutulungan ka ng Espiritu na makahanap ng mga mensahe para sa kanila sa Mga Hebreo 7–13.

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hilingin sa mga bata na ibahagi ang mga ginagawa nila at ng kanilang mga pamilya para matutuhan ang ebanghelyo sa tahanan. Anyayahan silang ibahagi ang ilan sa kanilang mga paboritong karanasan sa pag-aaral ng ebanghelyo kasama ng kanilang pamilya.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Mga Hebreo 7:1–6

Matutulungan tayo ng priesthood sa maraming paraan.

Ang Mga Hebreo 7:1–6 ay makapagbibigay ng pagkakataon na ipakilala sa mga bata ang mga pagpapala ng priesthood.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Mabilis na ipaliwanag kung sino si Abraham, at pagkatapos ay gamitin ang Mga Hebreo 7:1–6 para maituro na nagbayad si Abraham ng ikapu kay Melquisedec (tingnan din ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:36–40 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Ipaliwanag na taglay ni Melquisedec ang priesthood, na kapangyarihan ng Diyos, at ginamit ito ni Melquisedec para basbasan si Abraham. Maaaring matuwa ang mga bata na isadula ang kuwento gamit ang mga simpleng prop, tulad ng korona at isang sobre ng ikapu.

  • Anyayahan ang isang mayhawak ng Aaronic at Melchizedek Priesthood na bumisita sa klase at sabihin sa mga bata kung paano nila ginamit ang priesthood para pagpalain ang iba. Pagkatapos ay ipakita sa mga bata ang mga larawan ng iba’t ibang ordenansa ng priesthood (para sa mga halimbawa, tingnan ang mga larawan 103–8 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo). Tulungan ang mga bata na malaman kung aling priesthood ang kailangan para sa bawat ordenansa at ipahawak ang larawang iyon sa angkop na mayhawak ng priesthood.

Mga Hebreo 11:1–32

Ang pananampalataya ay paniniwala sa mga bagay na hindi natin nakikita.

Kahit hindi natin nakikita ang Ama sa Langit at si Jesucristo, maaari tayong magkaroon ng pananampalataya sa Kanila at sa Kanilang mga pangako, kung susundin natin ang mga halimbawa ng matatapat na tao na inilarawan sa Mga Hebreo 11.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magdispley ng isang larawan ni Jesus. Maglagay sa paligid ng silid ng ilang bagay na kumakatawan sa “mga katibayan” na Siya ay totoo kahit hindi natin Siya nakikita (tulad ng mga banal na kasulatan, isang larawan ng Unang Pangitain, at isang larawan ng mundo). Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay ibahagi sa kanila kung paano tayo tinutulungan ng bawat bagay na ito na manampalataya na si Jesus ay buhay.

  • Magdala ng isang papel na pamaypay, at isa-isang pagpaypayin ang mga bata para madama ang hangin sa kanilang mukha. Ituro sa kanila na hindi natin nakikita ang hangin, pero nadarama natin ito. Tulad nito, hindi natin nakikita ang Ama sa Langit at si Jesucristo, pero dama natin ang Kanilang pagmamahal at nananampalataya tayo na Sila ay tunay.

  • Magkuwento tungkol sa isa o mas marami pang tao na binanggit sa Mga Hebreo 11:4–32. Maaari ka ring makakita ng mga kuwento tungkol sa mga taong ito sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan . Ano ang ginawa ng mga taong ito upang maipakita na nanampalataya sila sa isang bagay na hindi nila nakikita? Magbahagi ng ilang pagpapalang natanggap mo dahil sa iyong pananampalataya.

Mga Hebreo 13:5–6

Tutulungan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at hindi Nila tayo pababayaan kailanman.

Anong mga pagsubok ang maaaring nararanasan ng mga bata? Paano kaya makakatulong sa kanila ang mensahe ng Mga Hebreo 13:5–6?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magrebyu ng ilang kuwento sa Bagong Tipan na natutuhan na ng mga bata ngayong taon kung saan tinulungan ng Tagapagligtas ang iba, tulad noong pagalingin Niya ang lalaking lumpo (tingnan sa Lucas 5:18–26) o pakainin ang 5,000 tao (tingnan sa Mateo 14:15–21). Tulungan ang mga bata na matutuhan ang pariralang “Ang Panginoon ang aking katulong” (Mga Hebreo 13:6).

  • Hilingin sa mga bata na idrowing ang isang pagkakataon na inalo sila ng isang tao nang natakot sila. Basahin ang Mga Hebreo 13:5–6 sa kanila, at magpatotoo na tutulungan tayo ng Ama sa Langit at hindi Niya tayo pababayaan kailanman. Tulungan ang mga bata na gumupit ng mga papel na puso na sapat ang laki para matakpan ang mga drowing. Ano ang ilang bagay na tumutulong na mas mapalapit tayo sa Ama sa Langit? Isulat ang ilan sa mga bagay na ito sa mga puso.

  • Ituro sa mga bata ang isang awitin tungkol sa kung paano tayo minamahal at tinutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesus, tulad ng “Panginoon, sa Aki’y Sabihin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 75). Paano natin malalaman na malapit sa atin ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Ibahagi ang isang pagkakataon na nadama mong “ang Panginoon ang [iyong] katulong.”

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Mga Hebreo 7:1–4

Sinusunod ng mga lider ng Simbahan ang Tagapagligtas.

Paano mo magagamit ang mga talatang ito para maipaunawa sa mga bata na ang mga tinawag na maglingkod sa Simbahan ng Panginoon ay dapat maging matapat at maglingkod sa iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na ilista ang mga bagay na alam nila tungkol sa dalawang dakilang lider na sina Abraham at Melquisedec. Makakahanap sila ng tulong sa Mga Hebreo 7:1–4; Abraham 1:1–2; at Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:25–40 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Anong mga katangiang katulad ng kay Cristo ang taglay ng kalalakihang ito na nakatulong sa kanila na igalang ang priesthood?

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Mga Hebreo 7:1–2 at hanapin ang mga titulong ginamit para ilarawan si Melquisedec. Paano naipapaalala sa atin ng mga titulong ito si Jesucristo? Tulungan silang mag-isip ng mga paraan na si Jesus ay isang “hari ng kapayapaan.” Anyayahan silang magbahagi tungkol sa iba pang mga mayhawak ng priesthood na halimbawa rin ng pagsunod sa Tagapagligtas.

  • Magbahagi ng isang karanasan kung saan napalakas ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas dahil sa paglilingkod ng isang matwid na mayhawak ng priesthood. Tulungan ang mga bata na isipin kung paano sila napagpala ng priesthood.

Mga Hebreo 11

Ginagantimpalaan ng Ama sa Langit ang mga sumasampalataya.

Ang Mga Hebreo 11 ay naglalaman ng maraming halimbawa ng mga taong pinagpala nang kumilos sila nang may pananampalataya. Alin sa mga kuwento ang lubos na makahihikayat o makakatulong sa mga batang tinuturuan mo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na ilista sa pisara ang mga bagay na natututuhan nila tungkol sa pananampalataya sa Mga Hebreo 11:1–3, 6. Bigyan ang bawat isa sa mga bata ng pangalan ng isang taong binanggit sa Mga Hebreo 11, at ipabasa sa kanila ang mga talatang may kaugnayan sa taong iyon. Hilingin sa kanila na magbigay ng mga clue tungkol sa taong ito para mahulaan ng ibang mga bata kung sino ito. Paano nagpakita ng pananampalataya ang mga taong ito, at paano sila ginantimpalaan ng Ama sa Langit? (Para sa mga larawan ng mga taong ito, tingnan sa bahagi ng Lumang Tipan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo.)

  • Matapos basahin ang tungkol sa ilan sa matatapat na halimbawa sa Mga Hebreo 11, hilingin sa mga bata na sumulat ng tungkol sa isang taong kilala nila na nagpakita ng pananampalataya. Hilingin sa ilang bata na ibahagi ang kanilang mga halimbawa sa klase.

Mga Hebreo 12:5–11

Dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal Niya.

Maaaring makatulong ang mga talatang ito na maipaunawa sa mga bata na itinatama sila ng Ama sa Langit, ng kanilang mga magulang, at ng iba pa dahil sila ay mahal nila at gusto nilang matuto sila mula sa kanilang mga pagkakamali.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sama-samang basahin ang Mga Hebreo 12:5–11, at hilingin sa mga bata na hanapin ang mga dahilan kung bakit tayo dinidisiplina o itinatama ng Ama sa Langit. Ano ang itinuturo nito sa atin kung bakit itinatama ng mga magulang sa lupa ang kanilang mga anak? Paano tayo dapat tumugon sa mapagmahal na pagtatama?

  • Magbahagi ng mga halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan na dinisiplina ng Panginoon at nagsisi (halimbawa, tingnan sa 1 Nephi 16:25–27; Eter 2:13–15). Bakit sila magagandang halimbawa ng mga alituntunin sa Mga Hebreo 12:5–11?

  • Matapos basahin ang Mga Hebreo 12:5–11, hilingin sa mga bata na sumulat ng ilang bagay na sisikapin nilang tandaan kapag itinatama sila sa kanilang mga pagkakamali.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na sumulat o magdrowing ng isang bagay na natutuhan nila sa klase. Hikayatin silang gamitin ito para maibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gamitin ang mga pahina ng aktibidad. Habang kinukumpleto ng mga bata ang mga pahina ng aktibidad sa oras ng klase, gamitin ang oras para magrebyu ng mga alituntunin mula sa lesson.