“Nobyembre 20–26. 1 at 2 Pedro: ‘[Magalak] na May Galak na Hindi Maipaliwanag at Puspos ng Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Nobyembre 20–26. 1 at 2 Pedro,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Nobyembre 20–26
1 at 2 Pedro
“[Magalak] na May Galak na Hindi Maipaliwanag at Puspos ng Kaluwalhatian”
Habang binabasa mo ang Mga Sulat ni Pedro, maaari kang makatanggap ng mga espirituwal na impresyon. Agad na itala ang mga ito habang ikaw ay “napasa Espiritu pa” (Doktrina at mga Tipan 76:80) upang tumpak mong maunawaan ang itinuturo sa iyo ng Diyos.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Ilang sandali lamang matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nagpropesiya ang Tagapagligtas na maaaring nakaligalig kay Pedro. Ipinropesiya niya na papaslangin si Pedro dahil sa kanyang pananampalataya, na dinadala “kung saan hindi [niya] ibig … , [na ipinahihiwatig] kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos” (Juan 21:18–19). Pagkaraan ng ilang taon, nang gawin ni Pedro ang kanyang mga sulat, alam niya na malapit nang mangyari ang iprinopesiya niyang pagkamatay bilang martir: “Malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si [Jesucristo]” (2 Pedro 1:14). Subalit ang mga salita ni Pedro ay hindi puno ng takot o pangamba. Sa halip, itinuro niya sa mga Banal na “[magalak],” kahit sila ay “magdanas ng iba’t ibang pagsubok.” Pinayuhan niya sila na alalahanin na “[ang pagsubok sa kanilang] pananampalataya” ay hahantong sa “kapurihan, kaluwalhatian at karangalan sa pagpapakita ni [Jesucristo]” at sa “kaligtasan ng [kanilang] kaluluwa” (1 Pedro 1:6–7, 9). Malamang ay nakapanatag sa sinaunang mga Banal na iyon ang pananampalataya ni Pedro, dahil nakahihikayat ito sa mga Banal sa ngayon, na “nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, upang [tayo] man ay matuwa at sumigaw sa galak” (1 Pedro 4:13).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
1 Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; 4:12–19
Makasusumpong ako ng galak sa mga oras ng pagsubok at pagdurusa.
Ang panahon matapos ang Pagpapako kay Cristo sa Krus ay hindi madaling panahon para maging Kristiyano, at kinikilala iyan sa unang sulat ni Pedro. Sa unang apat na kabanata, mapapansin mo ang mga salita at pariralang naglalarawan sa paghihirap: pagdurusa, mga tukso, pighati, mahigpit na pagsubok, at mga pagdurusa (tingnan sa 1 Pedro 1:6; 2:19; 4:12–13). Ngunit mapapansin mo rin ang mga salitang tila masaya—maaari kang gumawa ng listahan ng matutuklasan mo. Halimbawa, habang binabasa mo ang 1 Pedro 1:3–9; 2:19–24; 3:14–17; at 4:12–19, ano ang nagbibigay sa iyo ng pag-asa na makasusumpong ka ng kagalakan sa gitna ng mahihirap na sitwasyon?
Maaari mo ring basahin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan” (Liahona, Nob. 2016, 81–84) at alamin ang mga pagkakatulad ng itinuro ni Pedro sa itinuro ni Pangulong Nelson. Ano ang tungkol sa plano ng kaligtasan at sa ebanghelyo ni Jesucristo na nagbibigay sa iyo ng kagalakan?
Tingnan din sa Ricardo P. Giménez, “Paghahanap ng Kanlungan mula sa mga Unos ng Buhay,” Liahona, Mayo 2020, 101–3.
Ang ebanghelyo ay ipinapangaral sa mga patay upang mahatulan sila nang makatarungan.
Balang-araw, bawat tao ay tatayo sa hukumang-luklukan at “magbibigay-sulit sa kanya na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay” (1 Pedro 4:5). Paano mahahatulan ng Diyos nang makatarungan ang lahat ng tao samantalang lubhang magkakaiba ang mga pagkakataon nilang unawain at ipamuhay ang ebanghelyo. Pansinin kung paano nakakatulong ang doktrinang itinuro ni Pedro sa 1 Pedro 3:18–20; 4:6 na masagot ang tanong na ito. Paano pinalalakas ng mga talatang ito ang iyong pananampalataya sa pagiging makatarungan at makatwiran ng Diyos?
Para masiyasat pa ang doktrinang ito, pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 138, isang paghahayag na natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith nang pagnilayan niya ang mga sulat na ito ni Pedro. Anong mga karagdagang katotohanan ang natutuhan ni Pangulong Smith?
Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagbibinyag para sa mga Patay,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo, mapapaunlad ko ang aking likas na kabanalan.
Nadama na ba ninyo na imposibleng maging katulad ni Jesucristo at magkaroon ng Kanyang mga katangian? Iminungkahi ni Elder Robert D. Hales ang nakahihikayat na ideyang ito kung paano tayo magkakaroon ng mga katangian ni Cristo: “Ang mga katangian ng Tagapagligtas … ay mahahalagang katangian, na nadagdag sa bawat isa, na magkakaugnay na nalilinang sa atin. Sa madaling salita, hindi natin matataglay ang isang katangian ni Cristo nang hindi rin napapasaatin at napapalakas ang iba pang mga katangian. Kapag lumakas ang isang katangian, lumalakas din ang iba pa” (“Pagiging Disipulo ng Ating Panginoong Jesucristo,” Liahona, Mayo 2017, 46).
Habang binabasa mo ang 2 Pedro 1:1–11, pagnilayan ang mga katangian ng “likas [na kabanalan] ng Diyos” na nakalista sa mga talatang ito. Sa iyong karanasan, paano sila “nadagdag sa bawat isa,” tulad ng inilarawan ni Elder Hales? Paano nila pinatatatag ang isa’t isa? Ano pa ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa proseso ng pagiging lalong katulad ni Cristo?
Maaari mo ring pagnilayan ang “mahahalaga at mga dakilang pangako” na ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga Banal—at isa ka roon (2 Pedro 1:4). Ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Napakadakila at Mahahalagang Pangako” (Liahona, Nob. 2017, 90–93) ay magpapaunawa sa iyo kung ano ang mga pangakong iyon at paano matanggap ang mga iyon.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
1 Pedro 2:5–10.Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga talatang ito, isiping gumamit ng mga bato para mailarawan ng mga miyembro ng pamilya sa kanilang isipan ang mga turo ni Pedro na ang Tagapagligtas ang ating “[punong] batong panulok.” Paano tayo katulad ng “mga batong buhay” na ginagamit ng Diyos upang itayo ang Kanyang kaharian? Ano ang natututuhan natin kay Pedro tungkol sa Tagapagligtas at sa tungkuling ginagampanan natin sa Kanyang kaharian? Ano ang mensahe ni Pedro sa inyong pamilya?
-
1 Pedro 3:8–17.Paano tayo magiging “[laging] handa [sa pagsagot]” sa mga nagtatanong sa atin tungkol sa ating pananampalataya? Maaaring matuwa ang inyong pamilya na isadula ang mga sitwasyon kung saan may magtatanong sa kanila tungkol sa ebanghelyo.
-
1 Pedro 3:18–20; 4:6.Ano ang magagawa ng inyong pamilya para madama na konektado kayo sa inyong mga ninuno? Marahil ay maaari ninyong ipagdiwang ang kaarawan ng mga yumaong ninuno sa pamamagitan ng paghahanda ng kanilang mga paboritong pagkain, pagtingin sa mga larawan, o pagkukuwento mula sa kanilang buhay. Kung posible, maaari din kayong magplanong tumanggap ng mga ordenansa sa templo para sa inyong mga ninuno (para sa tulong, bumisita sa FamilySearch.org.
-
2 Pedro 1:16–21.Sa mga talatang ito, ipinaalala ni Pedro sa mga Banal ang kanyang karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan din sa Mateo 17:1–9). Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga turo ng mga propeta? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 1:38). Ano ang nagbibigay sa atin ng tiwala sa sarili na sundin ang ating buhay na propeta ngayon?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Kasaysayan ng Mag-anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 100.