Bagong Tipan 2023
Nobyembre 13–19. Santiago: “Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Hindi Tagapakinig Lamang”


“Nobyembre 13–19. Santiago: ‘Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Hindi Tagapakinig Lamang,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Nobyembre 13–19. Santiago,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

kabataang naglilinis ng pader

Nobyembre 13–19

Santiago

“Maging Tagatupad Kayo ng Salita, at Hindi Tagapakinig Lamang”

Habang binabasa mo ang Sulat ni Santiago, bigyang-pansin ang mga pariralang namumukod-tangi sa iyo. Paano ka hinihikayat na maging “tagatupad” ng mga salitang ito? (Santiago 1:22).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kung minsan ay kayang baguhin ng isang talata lamang ng banal na kasulatan ang mundo. Ang Santiago 1:5 ay parang isang simpleng payo—kung kailangan mo ng karunungan, humingi sa Diyos. Ngunit nang mabasa ng 14 na taong gulang na si Joseph Smith ang talatang iyon, “tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng [kanyang] puso” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12). Nang mabigyang-inspirasyon nito, sinunod ni Joseph ang payo ni Santiago at naghangad siya ng karunungan mula sa Diyos sa panalangin. At nagbigay nga ang Diyos nang sagana, at ibinigay kay Joseph ang isa sa pinakapambihirang pagdalaw ng langit sa kasaysayan ng tao—ang Unang Pangitain. Binago ng pangitaing ito ang takbo ng buhay ni Joseph at humantong ito sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Lahat tayo ay pinagpapala ngayon dahil binasa at sinunod ni Joseph Smith ang payo sa Santiago 1:5.

Ano ang makikita mo habang pinag-aaralan mo ang Sulat ni Santiago? Marahil ay babaguhin ka o ang isang mahal mo sa buhay ng isa o dalawang talata. Maaari kang makakita ng patnubay habang hinahangad mong tuparin ang iyong misyon sa buhay. Maaari kang mahikayat na magsalita nang mahinahon o maging mas matiyaga. Maaari kang makadama ng pahiwatig na lalong iayon ang iyong mga kilos sa iyong pananampalataya. Anuman ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo, hayaan ang mga salitang ito na “pumasok … sa bawat himaymay ng [iyong] puso.” At pagkatapos, kapag “[natanggap] ninyo na may kaamuan ang salita,” tulad ng isinulat ni Santiago, maging tagatupad ng salita, hindi tagapakinig lamang (tingnan sa Santiago 1:21–22).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Sino si Santiago?

Kadalasa’y pinaniniwalaan na ang nagsulat ng Sulat ni Santiago ay ang anak ni Maria, ang ina ni Jesucristo, at kung gayo’y kapatid sa ina ng Tagapagligtas. Binabanggit si Santiago sa Mateo 13:55; Marcos 6:3; Mga Gawa 12:17; 15:13; 21:18; at Galacia 1:19; 2:9. Lumalabas sa mga talatang ito na si Santiago ay isang pinuno ng Simbahan sa Jerusalem at natawag bilang Apostol (tingnan sa Galacia 1:19).

Santiago 1:2–4; 5:7–11

Ang matiyagang pagtitiis ay humahantong sa kasakdalan.

Matapos basahin ang Santiago 1:2–4; 5:7–11, ano sa palagay mo ang pangunahing mensahe ni Santiago tungkol sa pagtitiyaga? Maaaring makatulong na pagnilayan ang natutuhan ng pamilya ni Elder Jeremy R. Jaggi tungkol sa pagtitiyaga mula sa mga talatang ito (tingnan sa “Hayaang Malubos ng Pagtitiis ang Gawa Nito, at Ariin Ito ng Buong Kagalakan!,” Liahona, Nob. 2020, 99–101). Ano ang “[sakdal na] gawa” ng pagtitiyaga? (Santiago 1:4). Paano mo maipapakita sa Panginoon na handa kang magtiyaga?

Santiago 1:3–8, 21–25; 2:14–26; 4:17

Ang pananampalataya ay nangangailangan ng pagkilos.

Paano mo nalalaman kung may pananampalataya ka kay Jesucristo? Paano naipapamalas ng iyong mga gawa ang pananampalataya mo sa Diyos? Pag-isipan ang mga tanong na ito habang pinag-aaralan mo ang mga turo ni Santiago tungkol sa pananampalataya. Maaaring kawili-wili ring basahin ang tungkol kina Abraham at Rahab, dalawang halimbawang binanggit ni Santiago (tingnan sa Genesis 22:1–12; Josue 2). Paano nila ipinakita na may pananampalataya sila sa Diyos?

Ang pagbasa sa Santiago 1:3–8, 21–25; 2:14–26; 4:17 ay maaaring makatulong sa iyo na mag-isip ng mga paraan na maging mas mahusay kang tagatupad ng salita. Itala ang anumang mga impresyong natatanggap mo, at magplanong kumilos ayon sa mga ito.

Tingnan din sa Alma 34:27–29; 3 Nephi 27:21.

nagdarasal si Abraham sa labas ng kanyang tolda

“Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at iyo’y ibinilang sa kanya na katuwiran” (Santiago 2:23). Abraham on the Plains of Mamre [Si Abraham sa Kapatagan ng Mamre], ni Grant Romney Clawson

Santiago 1:26;3:1–18

Ang mga salitang sinasambit ko ay may kapangyarihang saktan o pagpalain ang iba.

Sa detalyadong paglalarawang ginamit ni Santiago sa buong sulat niya, matatagpuan ang ilan sa kanyang pinakamalilinaw na pananalita sa kanyang payo tungkol sa pananalita. Isiping ilista ang lahat ng paraan ng paglalarawan ni Santiago sa dila o bibig. Ano ang ipinahihiwatig ng bawat pagkukumpara o paglalarawan tungkol sa mga salitang sinasambit natin? Mag-isip ng isang bagay na magagawa mo para mapagpala ang isang tao sa iyong mga salita (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 108:7).

Santiago 2:1–9

Bilang disipulo ni Jesucristo, dapat kong mahalin ang lahat ng tao, anuman ang kanilang sitwasyon.

Binalaan ni Santiago ang mga Banal lalo na laban sa pagkiling sa mayayaman at paghamak sa mga maralita, ngunit maiaangkop ang kanyang babala sa anumang mga pagkiling o maling pagtatangi natin sa iba. Habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Santiago 2:1–9, siyasatin ang sarili mong puso at pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Maaaring makatulong na palitan ang mga parirala sa mga talatang ito, tulad ng “isang dukha na may hamak na damit” (talata 2), ng ibang mga salita o parirala na naglalarawan sa isang tao na maaari kang matuksong husgahan nang hindi makatarungan. May nakikita ka bang anumang mga pagbabago na kailangan mong gawin sa paraan ng pagtrato o pag-iisip mo tungkol sa iba?

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Santiago 1:5.Matapos basahin ang Santiago 1:5, maaaring ibuod ng inyong pamilya ang salaysay tungkol sa Unang Pangitain (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:8–20). Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng kanilang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at mga karanasan na sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga dalangin.

6:35

Santiago 1:26–27. Pagkatapos ay basahin ang pakahulugan ni Santiago sa “dalisay na relihiyon” sa Santiago 1:26–27, at talakayin ang mga paraan na mas mapapadalisay ng inyong pamilya ang inyong pagsamba.

Santiago 3.Ang Santiago 3 ay may kasamang maraming imahe na maaaring maghikayat ng di-malilimutang mga object lesson na makakatulong sa inyong pamilya na maalaalang magsalita nang mahinahon. Halimbawa, maaari kayong sama-samang magparikit ng apoy at pag-usapan kung paano nagdudulot ng malaking problema ang isang maliit at masakit na salita (tingnan sa mga talata 5–6). O maaari kang maghain ng anumang sangkap na maasim na karaniwang ginagamit sa matatamis na pagkain—tulad ng lemon juice sa isang garapon ng pulot. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa paggamit ng magiliw at nagpapasiglang mga salita (tingnan sa mga talata 9–14).

Santiago 4:5–8.Bakit tayo dapat “lumapit … sa Diyos” (Santiago 4:8) kapag nahaharap tayo sa tukso?

Santiago 5:14–16.Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na “dapat hikayatin ng mga magulang ang paghingi ng mga basbas ng priesthood sa pamilya” (“Ang mga Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2018, 67). Marahil ay maaaring makahikayat ang pagbabasa ng Santiago 5:14–16 at pagbabahagi ng mga karanasan tungkol sa pagtanggap ng basbas ng priesthood sa mga miyembro ng pamilya na humingi ng basbas kapag sila ay maysakit o nangangailangan ng espirituwal na lakas.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?,” Mga Himno, blg. 135.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Kumilos ayon sa natututuhan mo. Habang nag-aaral ka, makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu kung paano mo magagamit sa buhay mo ang natututuhan mo. Mangakong sundin ang mga pahiwatig na ito at ipamuhay nang mas lubusan ang ebanghelyo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas35.)

si Joseph Smith na nagbabasa ng Biblia

Ang payo ni Santiago na “humingi sa Diyos” (Santiago 1:5) ay naghikayat kay Joseph Smith na humingi ng karunungan mula sa Diyos. Larawang kuha ni Christina Smith.