“Nobyembre 6–12. Mga Hebreo 7–13: ‘Pinakapunong Pari ng Mabubuting Bagay na Darating,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Nobyembre 6–12. Mga Hebreo 7–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Nobyembre 6–12
Mga Hebreo 7–13
“Pinakapunong Pari ng Mabubuting Bagay na Darating”
Habang binabasa mo ang Mga Hebreo 7–13, makatatanggap ka ng mga impresyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Mag-isip ng mga paraan na maitatala mo ang mga ito; halimbawa, maaari mong itala ang mga ito sa outline na ito, sa mga margin ng iyong mga banal na kasulatan, o sa isang notebook o journal.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Maging ang matatapat na Banal ay dumaranas kung minsan ng “[mga] pag-alipusta at pag-uusig” na maaaring magpayanig sa kanilang tiwala sa sarili (tingnan sa Mga Hebreo 10:32–38). Alam ni Pablo na ang mga Judio na naging Kristiyano noon ay dumaranas ng matinding pag-uusig dahil sa bago nilang pananampalataya. Para mahikayat silang manatiling tapat sa kanilang patotoo, ipinaalala niya sa kanila ang matagal nang tradisyon ng matatapat na mananampalataya mula sa sarili nilang kasaysayan: Abel, Enoc, Noe, Abraham, Sara, Jose, Moises—“[makapal] na bilang ng mga saksi” na ang mga pangako ng Diyos ay totoo at karapat-dapat na hintayin (tingnan sa Mga Hebreo 11; 12:1). Ang tradisyong ito ay sa inyo rin. Ito ay isang pamana ng pananampalataya na ibinahagi ng lahat ng tao na itinuturing “si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya” (Mga Hebreo 12:2). Dahil sa Kanya, tuwing itinutulak tayo ng paghihirap na naising “umurong,” sa halip ay maaari tayong “ lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya” (Mga Hebreo 10:22, 38). Para sa atin, tulad sa sinaunang mga Banal, si Jesucristo ang ating “[mataas na saserdote] ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:11).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Itinuturo ako ng Melchizedek Priesthood kay Jesucristo.
Sa maraming siglo, nagamit ng mga Judio ang Levitical Priesthood, na kilala rin bilang Aaronic Priesthood. Ngunit kasabay ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dumating ang pagpapanumbalik ng mas mataas na Melchizedek Priesthood, na nag-alok ng mas dakila pang mga pagpapala. Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa Melchizedek Priesthood mula sa Mga Hebreo 7? Isinasaisip na ang layunin ng sulat na ito—tulad ng lahat ng banal na kasulatan—ay patatagin ang pananampalataya kay Jesucristo, maaari mong isulat ang mga talatang nagpapatotoo sa Kanya.
Narito ang ilang halimbawa ng iba pang mga katotohanang maaari mong matagpuan:
-
Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 7:3, 21: Ang mga inoorden sa Melchizedek Priesthood “ay ginagawang katulad ng Anak ng Diyos” at “mananatiling [mga] saserdote magpakailanman.”
-
Mga Hebreo 7:11: Ang Levitical Priesthood ay hindi nag-aalok ng “kasakdalan” at samakatwid ay hinalinhan ng Melchizedek (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:18–22).
-
Mga Hebreo 7:20–21: Ang Melchizedek Priesthood ay natatanggap sa pamamagitan ng isang “sumpa at tipan” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:33–44).
Anong mga pagpapala ang natanggap mo na mula sa Melchizedek Priesthood at “sa mga ordenansa nito? (Doktrina at mga Tipan 84:20). Paano nakatulong sa iyo ang Melchizedek Priesthood na lumapit kay Cristo?
Tingnan din sa Alma 13:1–13; Doktrina at mga Tipan 121:36–46; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Melchizedek Priesthood,” topics.ChurchofJesusChrist.org; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Melquisedec,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 76–79; Dallin H. Oaks, “Ang Melchizedek Priesthood at ang mga Susi,” Liahona, Mayo 2020, 69–72.
Ang sinauna at makabagong mga ordenansa ay nakaturo kay Jesucristo.
Ang orihinal na mga mambabasang Hebreo ng sulat na ito ay lubhang pamilyar siguro sa sinaunang tabernakulo at sa mga ordenansang inilarawan ni Pablo. Ngunit hindi lubos na kinilala ng ilan na ang layunin ng mga ordenansang ito ay para ituon tayo sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.
Noong panahon ng Biblia, sa isang taunang pista-opisyal na tinatawag na Araw ng Pagtubos, pumapasok ang isang mataas na saserdote sa pinakabanal na lugar (o Kabanal-banalang Dako) sa templo ng Jerusalem at nag-aalay ng isang kambing o kordero para ipantubos sa mga kasalanan ng Israel.
Habang binabasa mo ang paglalarawan ni Pablo sa mga ordenansang ito, hanapin ang mga simbolo at turo na mas magpapaunawa sa iyo sa misyon ng Tagapagligtas na magbayad-sala.
Ang mga ordenansang nilalahukan natin sa ngayon ay iba kaysa noong panahon ni Pablo, ngunit iisa ang kanilang layunin. Paano pinatototohanan sa iyo ng mga ordenansa ngayon si Jesucristo?
Ang pananampalataya ay nangangailangan ng tiwala sa mga pangako ng Diyos.
Kung hinilingan ka ng isang tao na ipaliwanag ang pananampalataya, ano ang sasabihin mo? Humango si Sister Anne C. Pingree sa pananalita sa Mga Hebreo 11 para ibigay ang kahulugang ito ng pananampalataya: “Ang espirituwal na kakayahang mahikayat ng mga pangakong ‘natatanaw mula sa malayo’ ngunit maaaring hindi makamit sa buhay na ito” (“Mga Pangakong Natatanaw Mula sa Malayo,” Liahona, Nob. 2003, 14).
Isiping bumuo ng sarili mong kahulugan ng pananampalataya habang pinagninilayan mo ang mga ideya sa Mga Hebreo 11. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga halimbawa ng mga taong binanggit sa kabanatang ito tungkol sa pananampalataya? (Tingnan din sa Eter 12:6–22.)
Anong mga pangako ang nakikita mo mula sa “malayo”? Paano mo maipapakita sa Panginoon na ikaw ay “kanilang natanaw at binati [mo sila]”? (Mga Hebreo 11:13).
Tingnan din sa Alma 32:21, 26–43; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pananampalataya kay Jesucristo,” topics.ChurchofJesusChrist.org.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Mga Hebreo 10:32–36.Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga espirituwal na karanasan kung kailan “[na]liwanagan” sila sa katotohanan. Paano tayo matutulungan ng mga karanasang ito na “huwag [nating] itakuwil ang [ating] pagtitiwala” sa mga oras ng pagsubok o pagdududa?
-
Mga Hebreo 11.Paano mo matutulungang matuto ang mga miyembro ng inyong pamilya mula sa matatapat na halimbawang binanggit sa Mga Hebreo 11? Maaaring masayang isadula ang mga kuwento ng ilan sa mga halimbawang ito. Maaari ninyong rebyuhin ang ilan sa mga kuwentong ito sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan. O marahil ay maaaring talakayin ng inyong pamilya ang mga halimbawa ng iba pang matatapat na taong kilala ninyo—pati na ang mga ninuno, pinuno ng Simbahan, at miyembro ng inyong komunidad. Maaari din kayong kumanta ng isang awitin tungkol sa pananampalataya, tulad ng “Pananampalataya” (Liahona, Enero 2019, K7).
-
Mga Hebreo 12:2.Ayon sa talatang ito, bakit naging handa si Jesus na tiisin ang hirap at pagdurusa sa krus? Ano ang itinuturo nito sa atin kung paano natin matitiis ang ating mga pagsubok? Nagbigay ng ilang makakatulong na ideya si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa talatang ito sa kanyang mensaheng “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan” (Liahona, Nob. 2016, 81–84).
-
Mga Hebreo 12:5–11.Bakit tayo pinarurusahan at iwinawasto ng Panginoon? Ano ang napapansin natin sa mga talatang ito tungkol sa pagtingin ng Panginoon sa pagpaparusa? Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang paraan ng pagbibigay o pagtanggap natin ng pagpaparusa?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Pananampalataya,” Liahona, Enero 2019, K7.