2019
Magsabi ng Hello kay Halim!
Hunyo 2019


Magsabi ng Hello kay Halim!

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.

“Tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad” (Mateo 10:8).

Say Hello to Halim

Isang umaga sa paaralan, napansin ni Marcus ang isang bagong batang lalaking pumasok sa silid-aralan.

“Magandang umaga sa lahat,” sabi ni Gng. Becker habang tumatahimik ang lahat. “Ito si Halim. Bago siya sa ating paaralan. Sa katunayan, bago siya sa ating bansa.”

Nakatingin lamang si Halim sa sahig habang binabati niya ang lahat. Naisip ni Marcus na parang iba ang boses niya. Patuloy na nagsalita si Gng. Becker.

“Masayang-masaya tayo na narito siya at magiging bahagi ng ating klase. Sana ay maipadama natin ang mainit nating pagtanggap sa kanya.”

Habang itinuturo ni Gng. Becker kay Halim kung saan ito mauupo, naisip ni Marcus kung gaano kalaki ang kanyang magiging kaba kung lilipat siya sa bagong bansa at bagong paaralan.

Matapos silang magmiryenda sa umaga, sinabi ni Gng. Becker sa lahat na mayroon siyang sorpresa para sa kanilang lahat. Tuwid na naupo si Marcus para makita niya kung ano ang kinukuha nito sa kanyang bag. Mga maliliit na timba ang mga ito. Sinimulan niyang ipamigay ang mga ito sa lahat sa klase.

“Bawat isa sa atin ay may parang isang timba sa loob natin,” sabi niya habang iniaabot niya kay Marcus ang isang dilaw na timba. “Pinupuno ng mga tao ang ating mga timba kapag gumagawa sila ng mabubuting bagay para sa atin. At maaari nating punuin ang timba ng iba sa pamamagitan ng pagiging mabait sa kanila. Halimbawa, kapag niyakap ka ng iyong ina, pinupuno niya ang iyong timba. Kapag may sinasabi kang maganda sa isang tao, pinupuno mo ang kanyang timba.”

Tiningnan ni Marcus ang kanyang pinakamatalik na kaibigan, si Caleb. Mayroon din siyang dilaw na timba!

“Ngayong linggo, itatabi natin ang mga timbang ito sa ating mga mesa para makapagsulat tayo ng magandang mensahe para sa bawat isa,” sabi ni Gng. Becker. Itinupi niya ang isang maliit na piraso ng papel at inilagay ito sa isang timba. “At makakatulong ito para maalala natin na bawat isa sa atin ay may kunwaring timba loob ng bawat isa sa atin. Nais nating maging mabait kung kaya tayo ay mga tagapuno ng mga timba.”

Kumuha ng isang pirasong papel si Marcus at inisip ang mga bagay na isusulat niya kay Caleb, tulad ng magaling ito sa palakasan. Ngunit pagkatapos ay tumingin siya kay Halim. Nakahukot ang mga balikat nito, na tila malungkot.

Inisip ni Marcus kung may matalik itong kaibigan at kung saan ito dating nakatira. Maaaring mahirap na magpaalam at nakakatakot na lumipat sa napakalayong lugar.

Tumingin si Marcus sa blankong papel na nasa kanyang mesa. May naisip siya, at pagkatapos ay kanyang isinulat,

“Mahal kong Halim,

Maligayang pagdating sa aming paaralan. Kung nais mo, maaari tayong maglaro mamayang recess. Magiging kaibigan mo ako. At sa palagay ko ay magiging kaibigan mo rin si Caleb.

Nagmamahal, Marcus.”

Pagkatapos ay maingat niyang itinupi ang papel at inilagay sa timba ni Halim. Ngumiti si Halim. Nakadama ng sigla at saya si Marcus. Gusto niyang maging tagapuno ng timba!