2019
Nakapunta na sa Templo sa Wakas
Hunyo 2019


Digital Lamang

Nakapunta na sa Templo sa Wakas

Sa paninirahan sa isang munting pulo sa Caribbean, parang imposibleng bumisita sa templo.

Ang awtor ay naninirahan sa Barbados.

Noong nakalipas na ilang taon, wala pa akong narinig tungkol sa mga templo. Matapos matuklasan ang Simbahan halos tatlong taon na ang nakararaan, parang kathang-isip pa rin ng mga missionary ang mga templo. Sa aking munting pulo ng Barbados sa Caribbean, ang ideya ng templo sa lupa ay parang mahiwagang alamat na napakaganda para magkatotoo. Kung talagang kahanga-hanga ang mga ito, bakit wala noon sa Barbados?

Isang taon matapos sumapi sa Simbahan, mas naunawaan ko na sa wakas ang ginagampanan ng mga templo sa buhay natin bilang mga miyembro ng totoong Simbahan ng Ama sa Langit. Nagkaroon ako ng matinding pagnanais na bisitahin ang pinakamalapit sa aking munting pulo—ang Santo Domingo Dominican Republic Temple.

Mga Sagabal at Paghahanda

Ang halaga ng tiket sa eroplano papuntang Dominican Republic ay mas malaki nang ilang dolyar kaysa sa pera ko sa bangko. Dahil sa sunud-sunod na sagabal, parang lalo akong napapalayo sa tila imposibleng mithiing bisitahin ang templo. Pero nakagawian kong huwag kalimutan kailanman ang sinabing ito ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Laging ituon ang inyong tingin sa templo. Huwag gumawa ng anumang hahadlang sa pagpasok ninyo sa mga pintuan nito at sa pagtanggap ng sagrado at walang hanggang mga pagpapala roon” (“Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Liahona, Mayo 2011, 93).

Isa sa pinakamalalaking kagalakan sa buhay na ito ang galak na hatid ng templo. Medyo naiinggit ako palagi kapag naririnig ko ang mga missionary na pinag-uusapan ang galak at matinding kapayapaang laging pumupuspos sa kanila kapag bumibisita sila sa templo dahil kahit nanatili akong tapat sa aking mga tipan, hindi ako kasing-suwerte nila, dahil hindi ako makalakad o makapagmaneho papunta sa pinakamalapit na templo. Dahil malayo ang Dominican Republic Temple, parang hindi ko na matatanggap kailanman ang mga pagpapalang naghihintay sa akin doon.

Nang mawalan na ako talaga ng pag-asang mabisita ang templo, nagkatotoo ang mga pangarap ko nang mag-temple trip ang mga young single adult ng Barbados Bridgetown Mission sa Dominican Republic. Paghahanda ang mahalaga. Ang pagpasok sa templo ay hindi isang maliit o walang-halagang gawain, kaya sa simula ng taon, nagsikap akong gumawa ng mga pagbabago para maragdagan ang espirituwalidad ko. Tumanggap ako ng sakramento nang mas taimtim, nagsimula akong mas makinig sa oras ng sacrament meeting, nagpatotoo ako tuwing may pagkakataon, at hindi na ako nagpagambala sa mga teknolohiya at nagpasiya akong ilaan ang mga oras ng pagsisimba ko sa paghahanap ng iba pang mga paraan para madama nang mas sagana ang Espiritu.

Sa wakas …

Ang pagiging espirituwal na handa at pagkamarapat bago pumasok sa templo ay tumitiyak na tatanggapin natin ang mga pagpapala ng Ama sa Langit na naghihintay sa atin. Pagkaraan ng ilang buwan ng mga paghihirap, pagsubok, at maging ng pagkamatay ng aking pinakamamahal na lola, mahirap ipaliwanag ang nadama ko noong una akong humakbang papasok sa bakuran ng Dominican Republic Temple. Habang luhaan akong nakatayo roon, nadama ko ang Espiritu na kailanma’y hindi ko nadama.

Sa maraming pagbisita ko sa templo sa paglalakbay na iyon, lagi kong binubuksan ang aking Aklat ni Mormon sa isang partikular na talata. Iyon ang madalas kong basahin sa lola ko, kahit hindi siya miyembro ng Simbahan bago siya namatay. Mula iyon sa 1 Nephi 3:7, na nagsasabing “At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap sa aking ama: Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.”

Alam ko nang buong katiyakan na naghanda ng daan ang Ama sa Langit para makarating ako sa templo at na sa banal na pamamagitan Niya ay nakarating ako roon sa wakas. Kung saan may oposisyon o mga sagabal sa ating daan, gagawa ng paraan ang Ama sa Langit para makasulong tayo, kahit tila madilim ang ating landas. Ang templo ay tunay na isang sagradong lugar kung saan madarama ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit dito sa lupa.