2019
Pagbabago ng Puso, Pagbabago ng mga Kaibigan
Hunyo 2019


Pagbabago ng Puso, Pagbabago ng mga Kaibigan

Hindi ibinigay ang pangalan

California, USA

boy at party

Paglalarawan ni Greg Stevenson

Noong tinedyer ako, napakarebelde ko, at gumawa ng mga bagay na salungat sa mga itinuro sa aking paglaki. Nagsimula akong uminom ng alak noong 13 taong gulang ako, at noong nasa senior year na ako sa high school, umiinom ako tuwing Sabado’t Linggo.

Paminsan-minsan nagsisimba ako para mabawasan ang pakikipagtalo sa aking mga magulang, pero natutulog ako sa buong sacrament meeting at pagkatapos ay pumupunta sa beach bago mag-Sunday School. Di na kailangang sabihin pa na nalungkot ang mga magulang ko dahil sa mga ginagawa ko. Ang mabuting ginawa nila, iginalang nila ang kalayaan kong pumili habang patuloy akong hinihikayat na ipamuhay ang ebanghelyo. Gayunpaman, wala akong intensyon na manatiling aktibo sa Simbahan, at hindi ko kailanman inisip na magmisyon.

Nang makatapos ng high school, nag-aral ako sa kolehiyo at nagpatuloy sa maling gawain ko. Ngunit isang hating-gabi, naalala ko na nakahiga ako sa sopa at iniisip ang kinabukasan ko. Anong klase ng babae ang pakakasalan ko? Kung tatalikuran ko ang Panginoon, mahahanap ko pa ba ang daan pabalik? Bagama’t mahalaga ang mga desisyong ito, hindi ako nahikayat na magbago.

Makaraan ang maikling panahon, dumalo ako sa backyard party ng isang kaibigan na may inuman at nagliliyab na bonfire. Pagkatapos makipagbiruan sa aking mga kaibigan, lumayo ako sandali at ipinikit ang aking mga mata.

Nang muli kong buksan ang aking mga mata, malinaw kong naunawaan ang aking sitwasyon. Minasdan ko ang kalokohan ng mga kaibigan ko at hindi ko na nais pang mapabilang sa grupong iyon. Umalis ako at nagpasiyang tumigil sa pag-inom at pagpunta sa mga party. Ibig sabihin, kinakailangan kong magbago ng mga kaibigan, na hindi madaling gawin. Ngunit nagawa ko ito.

Ang mga pasiyang iyon ay nagpala sa aking buhay. Kalaunan ay nagmisyon ako at ginampanan ang maraming tungkulin. Higit sa lahat, pinakasalan ko ang isang kahanga-hangang babae sa templo. Humantong ito sa pinakamagagandang pagpapala sa aking buhay.

Kamakailan ay nabasa ko ang tungkol sa pagbabalik-loob ni Alma at ng mga anak ni Mosias (tingnan sa Mosias 27) at kung paano sila dumanas ng malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Alma 5:12–14), na isa sa mga dahilan nito ay ang taimtim na mga panalangin ng ama ni Alma. At naisip ko ang aking mga magulang at natanto, sa nakalipas na 30 taon, na ang malinaw na pag-iisip ko noon sa party na iyon ay dahil sa kanilang mga panalangin.

Ngayon, bilang magulang ng isang batang nagsusumikap, natagpuan ko ang aking sarili sa sitwasyong katulad ng sa ama ni Alma at ng aking mga magulang. Ngunit sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan sa aking sarili, nananampalataya at umaasa ako na balang-araw ay mararanasan din ng aking anak ang pagbabago ng puso.