2019
Ang Bahaging para sa Atin
Hunyo 2019


Ang Bahaging para sa Atin

Takbo!

boy running

Isang gabi, naglalakad ako pauwi. Ilang kanto lamang ang layo mula sa kung saan kami nagkita ng mga kaibigan ko kanina, ngunit ngayon ay napakadilim na talaga. Halos hindi ko makita kung saan ako naglalakad.

Napansin ko na may tatlong binatang sumusunod sa akin. Sinimulan kong bilisan ang paglalakad para mapalayo sa kanila, pero patuloy nila akong sinusundan. Nakadama ako ng pagkabahala. Pagkatapos ay may malinaw akong naisip: takbo! Nagsimula akong tumakbo paakyat ng burol. Matarik talaga ang burol, pero nakadama ako ng lakas na hindi sa akin. Higit na lakas iyon kaysa sa kaya ng sarili ko.

Ngayon ang mga lalaki ay tumatakbo na rin at nahahabol na ako. Hindi ko na alam pa kung ano ang susunod na gagawin. Muli, isang malinaw na kaisipan ang nagsabi sa akin na magpunta sa isang makipot na daanan. Nang ginawa ko iyon, laking gulat ko nang nakakita ako ng pulis. Pagod mula sa pagtakbo sa mga kanto at habol ang hininga, humingi ako sa kanya ng tulong. Nang nakita ako ng mga binata na nakikipag-usap sa pulis, tumigil sila sa paghabol sa akin at naglakad na lang palayo. Upang masigurong ligtas ako, inihatid ako ng pulis pauwi.

Noong gabing iyon ay walang tigil kong iniisip ang mga pahiwatig na natanggap ko. Napanatag akong mabatid na tinulungan ako ng Ama sa Langit. Sinambit ko ang isang panalangin ng pasasalamat sa Kanyang patnubay. Alam ko na kung susundin natin ang tinig ng Espiritu, magiging ligtas tayo.

Martín S., Puerto Madryn, Argentina

Tungkulin Ko ang Pagbangon Ko

girl waking up

Kapag Linggo ay karaniwan akong ginigising ng inay ko para maghanda sa pagpunta sa simbahan at dumating doon bago magsimula ang mga miting. Ngunit isang araw ng Linggo ay hindi ako ginising ng inay ko. Mag-isa akong gumising at napansin ko na hindi ko naririnig ang karaniwang ingay ng pamilya ko kapag naghahandang pumunta sa simbahan. Kinakabahan akong tumingin sa relo at natanto kong kalahating oras na akong huli sa simbahan. Hindi na ako umabot sa sacrament. Tiyak na hindi rin ako aabot sa Sunday School.

Nalito ako at pakiramdam ko ay pinabayaan ako. Bakit hindi ako ginising ng inay ko ngayong umaga? Lagi niya akong ginigising. Pero napagtanto ko: Hindi tungkulin ng inay ko na gisingin ako upang umabot sa simbahan sa wastong oras—tungkulin ko ito. Gumawa ako ng sarili kong mga tipan sa Ama sa Langit, at responsibilidad kong tuparin ang mga ito.

Kalaunan ng araw na iyon ay kinausap ako ng inay ko tungkol sa hindi niya paggising sa akin para magsimba. Sinabi niya na hindi na niya ako gigisinging muli. Sinabi niya sa akin na dapat akong magsikap sa sarili ko at magkaroon ng sarili kong patotoo.

Noong linggong iyon, nakita ko ang sarili kong nag-iisip kung paano ako hindi habambuhay na aasa sa mga patotoo ng mga magulang ko at kung paano ko mas sisikaping palakasin ang sarili kong patotoo. Mula noon, masigasig akong nagsikap na gumising nang maaga tuwing Linggo upang wasto sa oras akong darating sa simbahan at tanggapin ang sacrament. Natututo akong magkaroon ng sarili kong patotoo.

Lia Alves, Ceará, Brazil

Mula sa Sinisipa ay Naging Mabait

boy kicking womans heel

Nakapila ako kasama ng aking inay para magbayad ng aming pinamiling grocery. Siksikan ang linya, may isang maliit na bata sa harap ni inay kaya kinailangan niyang dumukwang sa harap namin para mabili ang kailangan namin. Nagsimula siyang sipain ng batang lalaki. Nang pangalawang beses siyang sinipa nito, umatras siya at sinabing, “Puwede bang huwag kang manipa?”

Pumihit ang ina ng bata at sinabi sa inay ko na kasalanan niya kaya siya sinipa. Sinabi niya ang napakaraming nakakainsultong bagay sa amin. Pinandilatan ko siya noong tumalikod na siya at naging bastos rin siya sa kahera! Kalmado akong kumilos, ngunit sa loob ay galit ako. Nainis ako. Alam kong ang nangyari ay hindi ko kasalanan o ng inay ko, ngunit nasaktan pa rin ako.

Nang nakauwi kami, nagtungo ako sa silid ko at inilabas ang aking mga banal na kasulatan. Matapos magbasa nang isang minuto, nadama kong kailangan kong magdasal. Wala akong gana, ngunit lumuhod ako at nagsimulang manalangin. Kalaunan, natagpuan ko ang sarili kong nagdarasal para sa babaeng ito na masamang nakitungo sa amin. Nadama ko ang isang napakakalmadong pakiramdam na noon ko pa lamang nadama. Wala nang puwang sa puso ko na magalit pa sa kanya. Nakadama ako ng pagmamahal.

Teresa G., Idaho, USA