2019
Mga Tuko, Kuliglig, at Oras sa mga Anak
Hunyo 2019


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Mga Tuko, Kuliglig, at Oras sa mga Anak

Ang awtor ay naninirahan sa Maine, USA.

Hindi ko kailanman naisip na ang mga reptilya ay magkakaroon ng matagalang epekto sa ugnayan namin ng anak ko.

geckos

Paglalarawan ni David Green

Gustung-gusto ng anak kong si Dallin ang mga reptilya. Ngunit, hindi ko naman kailanman nagustuhan ang mga ito. Pinayagan siyang mag-alaga ng reptilya sa kundisyong anuman ang piliin niya ay kailangang magkasya sa hose ng vacuum, sakali mang makatakas ito sa kulungan habang siya ay nasa eskwelahan. May ilan kaming pinagpilian, mula sa mga palaka hanggang sa mga iguana, bago napili ang dalawang dark-colored na leopard gecko o tuko na pinangalanang Fuzz at Diane.

Ang bagong mga alaga ni Dallin ay nakasama ng aming pamilya noong siya ay pitong taong gulang. Ang isang bagay na hindi ko inasahan sa pag-aalaga ng mga tuko ay kinakailangang pakainin ang mga ito ng mga kuliglig—buhay na mga kuliglig—isang beses sa isang linggo. Sa loob ng maraming taon magkasama kami ni Dallin sa “pagbili ng mga kuliglig.” Hindi ito madali, kadalasang nangyayari ito sa gabi habang hinahabol ang oras na bukas pa ang pet store.

Nabuhay lamang si Diane nang tatlong taon, ngunit si Fuzz ay nabuhay nang maraming taon, na malusog at masaya. Sa pagtatapos ng senior year ni Dallin sa high school, naatasan siyang magbigay ng demonstrasyon para sa kanyang public speaking class. Humingi siya sa aming mag-asawa ng mga ideya. Iminungkahi namin na talakayin niya ang mga leopard gecko dahil marami na siyang alam tungkol sa mga ito at dalhin si Fuzz para maipakita sa klase. Sinabi ni Dallin sa amin na namatay na si Fuzz.

“Seryoso ka ba? Kailan siya namatay?” tanong ko na hindi makapaniwala.

Sinabi ni Dallin sa amin na namatay si Fuzz noong isang linggo pa.

“Nasa silid ko po siya, pero huwag po kayong mag-alala. Hindi siya mangangamoy. Dinoble ko po ang pagbalot sa kanya.”

Pagkatapos makita ang pagkabigla namin, ipinaliwanag ni Dallin, “Nag-eeksperimento po ako—gusto ko pong obserbahan ang pagkabulok nito.”

Ang eksperimento ni Dallin ay naging higit pa sa pag-oobserba ng pagkabulok nito. Pahihintuin niya ang pagkabulok ni Fuzz sa paglalagay nito sa freezer nang dalawang linggo at pagkatapos ay ilalabas ito para lumambot at pabulukin pa.

Makalipas ang isang taon, nang nasa misyon na si Dallin, nililinis ko ang freezer at nakita si Fuzz sa likod, na doble pa rin ang pagkabalot. Dahil naghahanda ako ng package na ipapadala kay Dallin, naisip ko na masaya siguro kung ipapadala ko ang munti niyang eksperimento. Maingat kong inilagay si Fuzz sa isang kahon, ibinalot ito nang papel na may itim at puting polka-dot, at inilagay ito nang maayos sa package ni Dallin na may nakasulat na “Mayroong sorpresa sa iyong package.” Pagkatapos ay sabik kong hinintay ang kanyang sagot.

“Naisip ko po ang tungkol sa tuko na iyon mula nang ipadala ninyo ito sa akin,” pagsulat niya. “Hindi po gaano tungkol sa mismong tuko, kundi tungkol sa oras na ginugol natin na magkasama sa sasakyan kada linggo para bumili ng mga kuliglig at gawin ang iba pang mga gawain, pakikinig sa inyong mga ideya, kuwento, at patotoo habang nasa sasakyan. Maganda pong dahilan ang pag-alis para bumili at makausap kayo (hindi dahil sa makuwento ako, pero nakinig po ako).”

Pagbili ng mga kuliglig. Sinong makakaalam niyon? Bilang mga magulang hindi natin palaging mapaplano kung kailan tayo makakaimpluwensya sa kanila. Madalas na nangyayari na lamang ito. Maaaring kapag pinatutulog natin ang ating mga anak sa gabi, pagsakay sa ski lift nang magkasama, o pagbili gamit ang sasakyan. Kailangang mag-ukol tayo ng oras na makasama ang ating mga anak.

Naipakita ng Tagapagligtas ang pinakadakilang halimbawa ng pag-uukol ng oras sa mga bata. Pagkatapos ng maghapong pagtuturo sa mga Nephita, iniutos ni Cristo sa mga tao na dalhin ang kanilang maliliit na anak sa Kanya. Lumuhod Siya kasama ang maliliit na bata at nanalangin. Pagkatapos Niyang manalangin, Siya ay tumangis. At pagkatapos “kinuha [niya] ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila” (3 Nephi 17:21).

Alam ng mga batang ito na mahal sila ni Jesus. Handa Siyang mag-ukol ng oras para sa kanila. Siya ay nakinig sa kanila, nanalangin para sa kanila, at binasbasan sila. Ang mga nakasaksi nito ay napuspos ng matinding kapangyarihan kung kaya’t nakasaad sa tala, “Kailanman ay hindi pa nakita ng mata, ni narinig ng tainga, ang gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay na aming nakita at narinig na winika ni Jesus sa Ama” (3 Nephi 17:16).

Ang impluwensya ni Jesucristo sa mga batang iyon ay umabot sa maraming henerasyon. Kapag pinag-ukulan natin ng pansin at oras ang ating mga anak, kahit bibili lang tayo ng kuliglig na kasama sila, sana ay umabot din ang impluwensya natin sa maraming henerasyon.