2019
Isang Bagong Kabanata
Hunyo 2019


Isang Bagong Kabanata

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

“Dama ko sa maraming pagpapalang ito na magpasalamat na ganito ako” (Children’s Songbook, 11).

A New Chapter

Nagliligpit ng inempakeng gamit sa kahon si Sarah nang pumasok ang kanyang Inay.

“Maaari ba nating pinturahan ng dilaw ang dingding?” tanong niya kay Inay.

Kalilipat lamang nila ng bahay. Nagawang pumili ni Sarah ng kumot at mga kurtina para sa kanyang kuwarto!

“Siguro,” sabi ni Inay. “Masayang kulay ang dilaw.”

Naglagay ng ilang libro si Sarah sa maliit na patungan ng gamit sa tabi ng kanyang kama. Hindi palaging masaya si Inay noong mga nakaraang araw, mula nang pumanaw sa isang aksidente si Itay. Maingat na inilagay ni Sarah ang paborito niyang larawan ni Itay sa tabi ng mga aklat, kung saan niya ito makikita tuwing umaga paggising niya.

Nakarinig siya ng singhot at nakita niya ang mga luha sa gilid ng mga mata ni Inay.

“Mahal kita, Inay,” sabi ni Sarah, na yumakap sa baywang ni Inay at mahigpit itong niyakap.

“Mas mahal kita.”

Noong Sabado bago nagsimula ang klase, nagsuot ng lumang damit sina Inay at Sarah, inusog ang mga muwebles sa gitna ng silid ni Sarah, at maingat na nagpagulong ng mga paint roller sa mga tray ng dilaw na pintura. Matapos ang ilang oras, ang mga dingding ay natatakpan na ng dilaw—at maging ang kanilang mga mukha at damit!

“Mukha kang nabuhusan ng sikat ng araw,” natatawang sabi ni Inay.

Napatawa si Sarah. “At mukha pong may saging na sumabog sa tabi ninyo!”

Nagtatawanan pa rin sila habang naglilinis sila. Ngunit napawi ang ngiti ni Sarah nang naisip na dadalo siya sa Primary kinabukasan at sa paaralan sa susunod na araw.

“Nag-aalala ako sa simbahan at sa bago kong paaralan,” sinabi niya kay Inay habang hinuhugasan nila ang mga paintbrush sa lababo. “Wala po akong kilala sa mga guro o sa mga bata o kahit sino.”

Pinatay ni Inay ang tubig ay hinila si Sarah para yakapin.

“Magkakaroon ka ng mga kaibigan. Mayroon kang mabuting puso na aakit sa iba na lumapit sa iyo. Ipakita mo ang kabutihan mo, at lalapit ang mga kaibigan sa iyo.”

Mas gumanda ang pakiramdam ni Sarah, ngunit kinakabahan pa rin siya.

“Sana ay naririto si Itay para bigyan niya ako ng basbas,” sabi niya. “Tulad ng ginagawa niya lagi noon bago ako pumasok sa paaralan.”

Saglit na natahimik si Inay. “Kung si Tito Wyatt mo kaya?” sabi niya. “Sigurado akong matutuwa siyang bigyan ka ng basbas.”

Tumango si Sarah. Marahil ay makakatulong ang isang basbas.

Nang gabing iyon ipinatong ng tiyuhin ni Sarah ang mga kamay nito sa kanyang ulo at binigyan siya ng basbas.

“Binabasbasan kita upang malaman na iniisip ka ng Tagapagligtas sa pagsisimula mo ng bagong kabanatang ito sa buhay,” sabi niya. “Hindi ka Niya iiwang mag-isa.”

Binigyan ni Sarah ng karagdagang pansin ang mga salitang bagong kabanata. Mahilig siyang magbasa at laging sabik na magsimula ng bagong kabanata sa isang libro.

Kinabukasan ay nagsimba sina Sarah at Inay. Matapos ang sacrament meeting tinulungan ni Inay si Sarah na hanapin ang silid ng Primary. Isang batang babae sa loob ang ngumiti sa kanya at nagsabi ng hello.

“Maaari kang maupo rito kung gusto mo,” sabi nito, tinatapik ang bakanteng upuan sa kanyang tabi.

“Salamat,” sabi ni Sarah. “Sarah ang pangalan ko. Bago ako rito.”

“Ako si Melody. Bago rin ako rito! Ikalawang linggo ko pa lang.”

Hindi nagtagal ay nakikipag-usap na sa iba pang mga bata sa Primary sina Melody at Sarah. Napakabait ng kanilang guro.

“Sana ay magiging ganito kaayos sa paaralan!” naisip ni Sarah habang naghahanda na siyang matulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, sumakay ng bus si Sarah papasok sa kanyang bagong paaralan. Nasasabik siyang makakita ng ilang mga bata mula sa Primary sa kanyang klase sa ikatlong baitang.

“Maraming salamat po, Ama sa Langit,” tahimik na panalangin ni Sarah habang kumakain siya ng tanghalian kasama ang kanyang mga bagong kaibigan. “Siguro nga magiging magandang kabanata ito.”