2019
Nagbigay sa Akin ng Kapayapaan ang Pag-unawa sa Plano ng Kaligtasan
Hunyo 2019


Nagbigay sa Akin ng Kapayapaan ang Pag-unawa sa Plano ng Kaligtasan

Ang awtor ay naninirahan sa Pilipinas.

Nang masuri ang inay ko na may terminal cancer, kalungkutan lamang ang naiisip ko sa aking kinabukasan. At pagkatapos ay ibinahagi niya ang kanyang patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan.

earth and dove

Ilang taon na ang nakakaraan, noong araw ng anibersaryo ng kasal ng mga magulang ko, nasuri ang inay ko na mayroon siyang stage 4 pancreatic cancer. Ang resulta ng kanyang CT scan ay nagpapakita na ang kanyang kanser ay malubha at bumabagsak na ang kanyang katawan. Noon ko nalaman na hindi na magtatagal ang buhay ng inay ko.

Hindi ako handa para roon. Nakinita ko ang buhay ko na wala ang aking inay. Lahat ay madilim, mapanglaw, at malungkot. Wala nang kaligayahan o pagtawa—at wala nang maiinit na yakap mula sa aking inay na siyang aalo sa akin. Parang walang masyadong buhay ang buhay kung gayon.

Ilang buwan ang lumipas at patuloy na bumagsak ang kalusugan ng inay ko. Ngunit ang lubhang nagpamangha sa akin ay ang kanyang kagustuhang pumunta sa simbahan, makilahok sa pang-araw-araw na pag-aaral ng pamilya namin ng mga banal na kasulatan, magbigay ng mga lesson sa aming family home evening, at maging tumawa kasama namin.

Isang araw, tinanong ko siya, “Hindi ninyo po ba tinanong ang Ama sa Langit kung bakit Niya hinayaang mangyari ito? Hindi ninyo po ba naisip kung bakit kayo dapat magkaroon ng kanser?” Ngumiti ang aking inay at ibinahagi ang kanyang patotoo tungkol sa plano ng kaligtasan. Sinabi niya sa akin na kailangan kong maunawaan ang plano ng kaligtasan upang madama ang tunay na kaligayahan na ibinibigay nito. Sinabi niya na kung nauunawaan ko kung saan tayo nagmula, kung ano ang ating layon sa buhay na ito, at kung saan tayo patungo, mauunawaan ko na kami ay laging magkakasama, na hindi siya talaga mawawala sa akin. Hinikayat niya akong patuloy na maghanda para sa misyon at magbahagi sa iba ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng plano ng kaligtasan upang makatanggap sila ng mga pagpapala ng kapanatagan at kaligayahan rin.

Napagtanto ko na tama ang inay ko. Bakit ako matatakot na mawawala siya rito sa mundo kung alam ko na kung tutuparin ko ang aking mga tipan at tatapusin ang nais ng Ama ay makikita ko siya sa kabilang-buhay? Nakadama ako ng kapayapaan.

Makalipas ang ilang panahon, pumanaw ang aking inay. Noong burol ng inay ko—isang pagdiriwang ng kanyang buhay bago ang kanyang libing—bagamat mahirap ito at malungkot ako, lahat ay tila payapa, at nadarama ko pa rin ang presensya ng aking inay. Kahit na ang mga tao sa paligid ko ay tila napasigla. Alam ko na nadarama ko ang tunay na pagpapala ng pag-unawa sa banal na plano ng Diyos.

Pagkatapos, nang oras na upang dalhin sa sementeryo ang aking inay, isang batang lalaki ang lumapit sa akin at tinanong kung bakit hindi ako umiiyak. Naalala ko kung ano noon ang pananaw ko sa kamatayan ng aking inay at kung paano ko lamang nakita ang kalungkutan at pighati. Ngumiti ako at yumuko upang maging pantay kami. Sinabi ko sa kanya, “Alam ko na muli kong makikita ang aking inay kung patuloy kong susundin ang mga kautusan ng Diyos.” Ngumiti rin ang batang lalaki, at nalaman ko na nadarama rin niya ang parehong kapayapaan na nadarama ko.

Wala na ang inay ko, ngunit ang kadiliman, kapanglawan, at kalungkutan na akala kong pupuno sa buhay ko ay hindi nagpakita. Nagpaalam ako sa kanya at sinabi sa kanya na muli kaming magkikita sa kabilang-buhay. Nakadama ako ng kapanatagan sa kabila ng aming kawalan. Ito ay pagpapala na nagmumula sa pag-unawa sa plano ng kaligtasan.