Ministering sa mas Banal na Pamamaraan
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Mas Banal na Pamamaraan sa Ministering,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Abril 10, 2018.
Ipinapangako ko na kapag minahal ninyo ang Diyos nang buong puso at idinalangin na gawin kayong kasangkapan sa Kanyang mga kamay, ilalagay ng Panginoon ang Kanyang mga natatanging anak na lalaki at babae sa inyong landas.
Ang aklat na may pamagat na The Narcissism Epidemic ay nagsimula sa pinagrabeng halimbawa ng makabagong kultura ng mga Amerikano:
“Sa isang reality TV show, plano ng isang dalagita na sa kanyang ika-16 na kaarawan ay paharangan ang malaking lansangan para makadaan ang mga musikero na tutugtog bago siya pumasok at lumakad sa pulang karpet o alpombra. Isang aklat na may pamagat na My Beautiful Mommy ang nagpapaliwanag tungkol sa plastic surgery sa mga anak na may mga ina na nagpapaopera para makisabay sa nauusong ‘Mommy Makeover.’ Posible na ngayon na umupa ng mga pekeng paparazzi na susunud-sunod sa iyo at kukunan ka ng mga litrato kapag lumabas ka sa gabi—pwede na ring magkaroon ng pekeng celebrity magazine cover na tampok ang mga litrato mo. Sabi sa isang sikat na kanta, na walang bahid ng pang-uuyam, ‘‘Naniniwala ako na sa akin dapat umiikot ang mundo!’ … Ang mga sanggol ay nakasuot ng babero na may burdang ‘Supermodel’ … at sumisipsip sa ‘mamahalin at mapalamuting’ pacifier habang binabasa ng kanilang mga magulang ang makabagong nursery rhyme mula sa This Little Piggy Went to Prada [Ang Biik na Ito ay Nagpunta sa Prada.]”1
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, labis nating tinututulan ang paniniwala na ang buhay natin ay tungkol lang sa ating sarili. Sa halip, sinusunod natin ang Tagapagligtas na nagsabing:
“Sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo;
“At sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo:
“… Ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami” (Mateo 20:26–28).
Pinahahalagahan natin ang Kanyang mga salita:
“Kayo’y mangagibigan sa isa’t isa; na kung paanong iniibig ko kayo” (Juan 13:34; tingnan din sa Juan 15:12).
“Pakanin mo ang aking mga kordero. … Alagaan mo ang aking mga tupa” (Juan 21:15, 16).
“Kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32).
“Tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (Doktrina at mga Tipan 81:5).
Narito ang halimbawa ng uri ng ministering na tulad ng kay Cristo na nangyayari sa mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon. Isang estudyante sa Brigham Young University ang nagsulat kamakailan:
“Talagang ang hirap ng pinagdadaanan ko. Isang araw halos maiyak na ako sa hirap. Nagsumamo ako at tahimik na nagdasal para magkaroon ng lakas na magpatuloy. Sa mismong sandaling iyon, pinadalhan ako ng text message ng roommate ko para iparamdam sa akin na mahal niya ako. Nagbahagi siya ng banal na kasulatan at patotoo. Nagbigay ito sa akin ng matinding lakas at kapanatagan at pag-asa sa sandaling iyon ng kalungkutan.”
Hayaan ninyong magbahagi ako ng ilang bagay na sana ay magpapatibay pang lalo sa mahusay nang paglilingkod at pangangalaga ninyo sa isa’t isa. Ang unang payo ko ay ito: Alalahanin ang unang utos bago ninyo gawin ang pangalawa. Isang binata ang lumapit sa Tagapagligtas at tinanong Siya:
“Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?
“Sinabi [ni Jesus] sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:36–39).
Ang inyong kakayahan na gawing mas banal ang pamamaraan ninyo ng pagmamahal sa inyong kapwa, pangangalaga at paglilingkod sa iba, ay nakasalalay sa kung gaano ninyo kaigting na nasusunod ang unang utos.
Isa pang Uri ng Ministering
May kakaiba at dakilang kaloob ng ministering na maaaring dumating sa isang tao na nagmamahal sa Diyos nang kanyang buong puso; na matatag ang katayuan, mapagkumbaba, matibay, at hindi natitinag sa pananampalataya kay Jesucristo at sa ipinanumbalik na ebanghelyo (tingnan sa Mga Taga Efeso 3:17; Mga Taga Colosas 1:23; 1 Nephi 2:10; Mosias 5:15; Alma 1:25; 3 Nephi 6:14); at sumusunod sa mga utos nang may kahustuhan.
Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng konteksto ng nalalaman na ninyo. Sa buong mundo, ang nakababatang henerasyon ay nawawalan ng pananampalataya, lalo na sa paniniwala nila sa isang partikular na relihiyon. Nang magtapos ako sa BYU noong 1975, ang bilang ng mga young adult (mga edad 18 hanggang 24) na may kinasasapiang relihiyon ay halos 90 porsyento. Ngayon ay nasa 66 porsyento ito. “Ang 1/3 ng mga young adult ay hindi kabilang sa anumang organisadong relihiyon.”2
Noong 2001, ang isang dalubhasa sa relihiyon na si Robert C. Fuller ay sumulat ng aklat na may pamagat na Spiritual, But Not Religious [Espirituwal, Pero Hindi Relihiyoso].3 Ang tendensiya ng pagiging espirituwal kahit walang relihiyong kinasasapian ay maaaring totoo 20 taon na ang nakararaan, ngunit hindi na ito gaanong totoo ngayon. Ang mga young adult sa Estados Unidos ay hindi na gaanong nagdarasal, hindi na gaanong naniniwala sa Diyos, hindi na gaanong naniniwala sa Biblia, at hindi na gaanong naniniwala sa mga kautusan.4 Isang kawalang-muwang ang maniwalang hindi nakaiimpluwensya ang mundo sa ating lahat—maging sa mga hinirang.
Ang pangangalaga sa iba, pisikal at emosyonal man, ay nangangailangan ng puso na sensitibo at di-makasarili. Ang pangangalagang ito ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo. Ito ay ginagawa sa loob at labas ng Simbahan ng mabubuting tao, nananampalataya man o hindi. Napakaraming kahang-hangang mga tao, mababait na tao sa buong mundo, at may matututuhan tayo sa kanila.
Gayunman, ang naiibang ginagawa ng isang na-convert na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isa pang uri ng ministering. Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, may mga oportunidad tayo na nakatutulong na mapalakas ang nanghihinang pananampalataya ng isang kaibigan, na nagpapaalala sa roommate sa magiliw na paraan na ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw ay talagang nagdudulot ng mga himala, at nagpapakita sa isang miyembro ng ward na ang mga pamatayan ng Simbahan ay hindi lamang mga patakaran kundi sa halip ay isang paraan para mapalapit tayo sa Diyos at magdulot sa atin ng kaligayahan.
Ang isang taong may mabuting puso ay tutulong sa isang tao na mag-ayos ng gulong, sasamahan ang isang kapitbahay sa pagpunta sa doktor, kakain ng tanghalian kasama ang isang taong nalulungkot, o ngingiti at mangungumusta upang mapasaya ang araw ng iba. Ngunit ang sumusunod sa unang utos ay likas na magdaragdag sa mahahalagang paglilingkod na ito, na naghihikayat sa tao na patuloy na sumunod sa mga utos at nagbibigay ng mabuting payo sa isang pinanghihinaan ng pananampalataya o sa isang kailangan ng tulong para makabalik muli sa mabuting pamumuhay.
Hinihikayat ko kayo na pag-ibayuhin ang inyong pagsisikap na espirituwal na paglingkuran ang isa’t isa. Ang espirituwal na paglilingkod o ministering ay maaaring magsimula sa paggawa ng cookies o paglalaro ng basketbol. Ngunit kalaunan, ang mas banal na pamamaraang ito ng ministering ay mangangailangan ng pagbubukas ng inyong puso at pananampalataya, tapang na hikayatin pa na pag-ibayuhin ang pag-unlad na nakikita ninyo sa isang kaibigan, at pagsasabi na ikinababahala ninyo ang mga bagay na nakikita at nadarama ninyo na hindi akma sa pagiging disipulo.
Huwag nating isiping mas mabuti tayo sa iba, kundi sa halip ay maging espirituwal na matapang sa pagsasagawa ng ministering sa mas banal na paraan, lalo na sa pagpapalakas ng pananampalataya ng iba. Upang mapukaw ang pag-iisip ninyo, isipin ang mga posibleng sitwasyong ito:
-
Napansin ninyo na nag-uukol ng maraming oras ang kaibigan ninyo sa paglalaro ng games sa kanyang smartphone at bihirang sumali sa usapan kapag may kinalaman na sa ebanghelyo ang mga paksa.
-
Pakiramdam ninyo ay naaapektuhan ng pornograpiya ang isang miyembro ng ward.
-
Maraming oras ang ginugugol ng mga kaibigan ninyo sa pagkuha at pag-post ng mga larawan ng kanilang sarili na tila may kahalayan na.
-
Napapansin ninyo ang isang tao na dating masayang nagkukuwento tungkol sa Aklat ni Mormon ang hindi na ito binabanggit ngayon.
-
Napapansin ninyo na may kapamilya kayo na dating mahilig pumunta sa templo ang hindi na nagpupunta ngayon.
-
Napapansin ninyo ang isang kaibigan na dating naniniwala sa payo ng propeta ang mapagpuna na ngayon sa propeta.
-
May kilala kayong returned missionary na hindi na seryoso sa pagsusuot ng mga damit na sumasalamin sa mga tipan sa templo.
-
Napapansin ninyo ang isang miyembro ng ward na humahanap ng dahilan na pumunta sa ibang lugar tuwing Linggo sa halip na pumunta sa simbahan.
-
Napapansin ninyo na nagsisimula nang magsinungaling ang kaibigan ninyo sa maliliit na bagay.
-
May kilala kayo na nagniningning sa liwanag ang mga mata pagkauwi sa misyon, ngunit ngayon ay tila malamlam na ang liwanag na iyon.
-
May kaibigan kayo na ginagawang biro pati mga sagradong bagay.
-
May kaibigan kayo na walang nakikipagdeyt o naidedeyt ang nagsasabing “hindi ako mahal ng Diyos.”
-
Nakikita ninyong naaapektuhan ang pananampalataya ng kaibigan ninyo dahil sa nakompromisong pagiging karapat-dapat at ng pangangailangang magsisi.
Nawawari ba ninyo ang mga sitwasyong ito o iba pang mga katulad nito? May partikular na mga pangalan na ba kayong naisip? Sinabi ni Apostol Pablo, “Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan” (Mga Taga Efeso 6:12). Isa sa pinakamalalaking pangangailangan ng mundo ay magkaroon ng mas malakas na pananampalataya sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak, si Jesucristo, at magkaroon ng ibayong kahandaan na sundin ang mga kautusan.
Ministering o Paglilingkod sa Indibiduwal
Kung tutularan natin ang huwaran ng Tagapagligtas, ang ating ministering ay madalas na sa paisa-isang indibiduwal. Sa babaeng taga Samaria sa tabi ng balon, sinabi ng Tagapagligtas:
“Ang bawa’t uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw:
“Sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man. …
“Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako’y huwag mauhaw. …
“[Pagkatapos ay sinabi niya,] Nalalaman ko na paririto ang Mesias (ang tinatawag na Cristo): na pagparito niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga” (tingnan sa Juan 4:13–15, 25–26).
Maging sa paghahayag ng Kanyang pagka-diyos, si Jesucristo ay nagminister o naglingkod sa bawat indibiduwal.
Hindi katulad ng pagpapalit ng nabutas na gulong, ang minsanang paggawa ng ministering ay bihirang makalutas ng problema sa espirituwal. Kailangan nito ng panahon, mga pag-uusap, at nakapanghihikayat na mga karanasan na makatutulong na mapatatag muli ang pananampalataya. Mas dumarating ito na tulad ng hamog mula sa langit kaysa sa minsanang buga ng tubig. Kailangan ninyong muli’t muling magminister sa pagtulong sa isang tao na bumalik sa Diyos at muling umasa sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
Sa ministering na ayon sa pamamaraan ng Panginoon, kailangan natin ang tulong ng Espiritu Santo. Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang paksang ito sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2018: “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”5
Idinagdag pa ni Pangulong Nelson, “Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”6 Pinayuhan niya tayo na magdasal, makinig, isulat ang naiisip natin, at kumilos.
Maiaangkop ba natin ito sa ministering o paglilingkod sa mas banal na pamamaraan? Halina’t magdasal, makinig, isulat ang ating iniisip, at kumilos para sa ating mga pinaglilingkuran at pinangangalagaan.
Ipagdasal na mabigyan ng mga pagkakataong mapalakas ang pananampalataya ng iba. Hindi lahat ng tutulungan ninyo ay mga taong kilala ninyo. Nang magminister o maglingkod si Jesus sa bao [balo] ng Nain, papunta Siya noon sa lungsod. Subalit, nakita Niya ang balo, nahabag dito, at binuhay mula sa patay ang anak na lalaki nito. Nabago ang buhay nito dahil sa Kanyang paglilingkod (tingnan sa Lucas 7:11–15).
Ipagdasal na dumating sa inyo ang mga pagkakataong makagawa ng ministering, makinig, isulat ang mga naiisip ninyo, at maghandang kumilos kapag inilagay sa landas ninyo ang mga tao.
Laging naaantig ang puso ko sa hinaing ng Mang-aawit: “Tumingin ka sa aking kanan, … sapagka’t walang tao na nakakakilala sa akin: kanlungan ay kulang ako; walang taong lumilingap sa aking kaluluwa” (Mga Awit 142:4). Tulungan natin ang mga nakadarama ng ganito.
Maglaan ng Oras para sa Espiritu
Para matamo ang tulong ng Espiritu Santo, dapat nating ihanda ang ating mga puso’t isipan. Sa ating henerasyon, kailangan natin ang disiplina at pagpipigil sa paggamit ng teknolohiya. Si Adam Alter, sa kanyang aklat na Irresistible, ay nagsalita tungkol sa pagkalulong sa teknolohiya at social media. Binanggit niya si Greg Hochmuth, isa sa mga inhinyerong nagtatag ng Instagram na nagsabing, “Laging may bagong hashtag na iki-klik. Kasunod nito parang may sariling buhay na ito, parang organismo, na maaaring ikalulong ng mga tao.”7
Idinagdag pa ni G. Alter: “Ang Instagram, tulad ng maraming iba pang social media, ay tila walang katapusan. Ang Facebook ay walang katapusan ang feed; ang Netflix ay awtomatikong lumilipat sa mga susunod na serye; ang Tinder ay naghihikayat sa mga gumagamit na patuloy na mag-swipe para makahanap ng mas magandang opsyon. … Ayon kay Tristan Harris, isang ‘design ethicist,’ hindi problema ang kakulangan ng tao ng displina sa sarili; kundi ang ‘napakaraming tao sa kabilang panig ng screen na ang trabaho ay sirain ang disiplina sa sarili na mayroon ka.’”8
Patuloy ni G. Alter: “Ang isang like sa Facebook at Instagram ay nagdudulot ng kakaibang saya, gayundin ang pagkumpleto ng misyon sa World of Warcraft, o makita na maraming nag-share ng mga tweet mo sa Twitter. Ang mga tao na lumilikha at nagpapaganda ng teknolohiya, laro, at interaksyon online ay napakahusay sa trabahong ito. Nagsasagawa sila ng napakaraming test sa milyun-milyong user para malaman kung aling pagbabago ang epektibo at kung alin ang hindi—aling kulay ng background, font, at audio tones ang pinakagugustuhin at makakabawas ng pagkadismaya. Habang patuloy na nagbabago ang isang karanasan online, nagiging mas nakalululong at mas mabisang bersyon ito ng orihinal. Noong 2004, masayang mag-Facebook; [ngayon,] nakalululong na ito.”9
Para mapasaatin ang tulong ng Espiritu, kailangan nating maglaan ng panahon at lugar. Matuto kayong ibaba ang inyong mga smartphone. Mag-iskedyul ng panahon na sadyang hindi ninyo magagamit ang teknolohiya ninyo.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2018, sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Tumatayong Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Napakaraming tao ang halos nakadepende ang buhay sa Internet sa kanilang mga smart device—mga screen na nag-iilaw sa kanilang mukha gabi’t araw at mga earbuds (o earplug) sa kanilang tainga na humahadlang sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Kung hindi tayo magbibigay ng panahon na iwaksi ang mga electronic device, baka tayo lagpasan ng mga pagkakataong marinig ang tinig Niya na nagsabing, ‘Magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios’ [Mga Awit 46:10]. Hindi masamang gamitin ang mga kaunlaran sa teknolohiya na binigyang-inspirasyon ng Panginoon, ngunit maging matalino tayo sa paggamit nito.”10
Palakasin ang Isa’t Isa
Noong ako ay undergraduate pa sa BYU, maliban pa sa aking asawang si Kathy, na hindi masusukat ang walang hanggang impluwensya, dalawang roommate ko—isa na nakasama ko bago ako magmisyon at isa pagkauwi ko—ang humubog nang lubos sa aking espirituwal na pundasyon. Isa rito si Reid Robison, na propesor na ngayon sa BYU sa kursong organizational behavior. Nakilala ko siya habang nasa misyon ako, at naging roommates kami pagkatapos nito. Ang ganap na pagsunod ni Reid sa mga utos, kanyang pagmamahal sa propeta, at matibay na patotoo sa Tagapagligtas ay nagpalakas sa akin at sa lahat ng nakapalibot sa kanya. At patuloy siyang naging halimbawa sa akin sa nakalipas na 45 taon.
Ang isa pang roommate na binanggit ko ay si Terrel Bird, na nakatira na ngayon sa St. George, Utah, USA. Nakilala ko si Terrel nang magkasama kaming nag-high school sa Pocatello, Idaho, USA. Bagama’t magkasama kaming naglalaro noon ng basketbol, naging magkaibigan kami nang naobserbahan ko na napakataas ng kanyang espirituwalidad. Nagbabahagi siya ng mga espirituwal na ideya na nalalaman niya at ng mga alituntunin sa buhay na nababasa at natututuhan niya. Namangha ako na marinig ang mga bagay na ito sa isang 17-taong gulang. Ipinasiya namin na maging roommate sa BYU.
Noong mga panahong iyon, wala pa kaming mga computer; makinilya ang gamit namin noon. Kinokopya ni Terrel ang mga banal na kasulatan na makabuluhan sa kanya at mga quotation o sipi na nagkikintal ng kabutihan sa pagkatao, minamakinilya ang mga ito, at pagkatapos ay iniimbak sa maliit na kahon para matingnan niya ang mga ito nang madalas. Pangkaraniwan na sa kanya ang magkaroon ng mahigit isang libong tala ng banal na kasulatan at mga quotation, na karamihan ay isinasaulo niya. Kahit may trabaho ako—naglilinis ng library tuwing umaga mula alas 4:00 hanggang alas 7:00—at full time na estudyante, nagsimula akong gumawa ng sarili kong file box dahil sa naobserbahan ko kay Terrel.
Narito ang isa sa mga quotation na naaalala ko mahigit 50 taon na ngayon:
Ang Isip ay Dalubhasang humuhubog, bumubuo,
At Isip ay Tao, ginagawa ang anumang gusto
Ang Isipa’y may paraang lumikha ng anuman,
Isang libo mang tuwa, o isang libong kalungkutan:—
Lihim siyang nag-iisip, at ito ay nagaganap:
Laman ng kanyang isipan sa paligid nababanaag.11
Naaalala ko rin, mangyari pa, ang nakaaantig na talata ng banal na kasulatan na tulad nito:
“Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya:
“At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man” (Juan 11:25–26).
Tinulungan ako ni Terrel na ikintal sa isipan ko bilang freshman sa BYU ang mga banal na kasulatan at mga salita ng karunungan na nakaimpluwensya sa buong buhay ko. Pinasasalamatan ko sina Reid Robison at Terrel Bird dahil sa pagmamalasakit sa akin sa espirituwal sa panahong malaki ang nagawa nitong kaibhan.
Narito ang munting tulang isinulat ng kapitbahay ko na si Thomas L. Kay:
Salamat sa Diyos sa mga matulungin
sa nagmamalasakit nang taimtim
Na sa mahihina ay umaalalay
at ipinagdarasal silang tunay
Salamat sa Diyos sa mga nakikinig sa puso
at sa mga salitang inuusal
Batid na ang magiliw na tingin o haplos
ang halaga’y lubus-lubos
Salamat sa Diyos sa mga nagtataas ng mga kamay na nakababa
at nagpapalakas sa mga tuhod na nanghihina
Na sa mga kaluluwa ay sumasagip
sa paglilingkod nang tahimik.12
Mahal kong mga kaibigan at kapwa disipulo, ibinibigay ko ang aking tiyak na patotoo na alam kong buhay ang Tagapagligtas. Siya ay nabuhay na muli. Siya ang gumagabay sa banal na gawaing ito. Si Pangulong Nelson ang Kanyang itinalagang propeta sa mundo. Ang panahon natin sa mundo ay walang hanggan ang kahalagahan.
Ipinapangako ko na kapag minahal ninyo ang Diyos nang buong puso at idinalangin na gawin kayong kasangkapan sa Kanyang mga kamay, naglingkod at nangalaga sa bawat indibiduwal, pinag-ibayo ang kakayahan ninyong tumanggap ng paghahayag, at nagtiwala sa impluwensya ng Espiritu Santo, ilalagay ng Panginoon ang Kanyang mga natatanging anak na lalaki at babae sa inyong landas at kayo ang kanilang magiging mga anghel na naglilingkod at nangangalaga, pinagpapala ang kanilang buhay nang walang hanggan. Kayo ay maglilingkod at mangangalaga sa mas banal na pamamaraan.
Dalangin ko na ito ay isang bagay na magiging mahalaga sa inyo habang patuloy kayong tumatahak sa pinakamahalagang landas ng ating mortalidad. Ibinabahagi ko sa inyo ang aking matibay at tiyak na patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa inyong walang hanggang kahalagahan sa Kanya. Nagpapatotoo ako na Siya ay paparitong muli at tatanggapin tayo bilang Kanyang mga anak na lalaki at babae, bilang Kanyang mga disipulo.