Paghahanda sa Buhay
Pagtatakda ng mga Makabuluhan at Makatotohanang Mithiin na Matutupad Ninyo
Gusto ba ninyong umunlad? mas humusay sa isang kakayahan? matutuhan ang isang bagong bagay? Malamang na kailangan ninyong magtakda ng ilang mithiin para makamtan ito.
Kung minsan nagsusulat tayo ng mahabang listahan ng mga mithiin at talagang nagsisikap na makamtan ang mga ito, ngunit pagkatapos ay kinakalimutan o sinusukuan natin ang mga ito. Pamilyar ba ito sa inyo? Bakit kung kailan nais nating magbago at magpakabuti, ay hindi natin naisasakatuparan kung minsan ang mga mithiing itinakda natin? Matutupad ito kung makabuluhan at makatotohanan ang ating mga mithiin at kung pagsisikapan natin itong makamtan!
Narito ang ilang tip kung paano magtatakda ng mga makabuluhan at makatotohanang mithiin:
-
Magtakda ng mga mithiin na magpapahusay sa pagkatao ninyo. Magtuon sa pagpapalakas sa maraming aspeto ng inyong buhay, hindi lang sa isa. Ang Tagapagligtas ay nagpakita ng perpektong halimbawa: “[Lumaki] si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52). Ibig sabihin, Siya ay umunlad sa aspetong mental, pisikal, sosyal, at espirituwal. Makapagtatakda kayo ng mga mithiin na gawin ang gayon ding mga bagay. Dahil alam ninyo na makatutulong ang mga mithiin sa inyo na maging mas mabuting tao kayo, mahihimok kayo nito na patuloy na pagsikapan na matupad ang mga ito.
-
Isulat ang inyong mga mithiin. Ilagay ang isinulat na mga mithiin sa isang lugar kung saan ninyo ito makikita araw-araw! Nakapaskil man ito sa bulletin board sa inyong silid, sa inyong locker sa eskwelahan, o maging sa inyong phone, tingnan ito nang madalas. Kapag mas napapaalalahanan kayo sa mga mithiing itinakda ninyo, mas malamang na pagsisikapan ninyong matupad ang mga ito.
-
Maging partikular. Kung natuto kayo ng “isang bagay na bago” sa listahan ng inyong mga mithiin, talagang makabuluhan at makatotohanang mithiin ito, ngunit hindi ito partikular. Anong uri ng mga bagay ang gusto ninyong matutuhan? Isang bagong instrumento? Isang bagong resipe? Marahil isang bagong libangan? Maging partikular tungkol sa mga bagay na gusto ninyong maisakatuparan!
-
Magtakda ng mga mithiin na madaling maisakatuparan. Maaari kayong magtakda ng malaking mithiin para sa inyong sarili, ngunit para makamtan ang mithiing iyan, kinakailangan mo munang matupad ang maliliit na mithiin. Una sa lahat, kailangan ninyo ng plano. Halimbawa, kunwari ay gusto ninyong tumakbo sa marathon sa taong ito. Upang makapag-ensayo para makatakbo sa 26 na milya (42 km), kinakailangan ninyong magsimula sa maliit na mithiin. Magtakda ng mithiin na tumakbo nang ilang milya kada linggo, at dahan-dahang dagdagan ang distansiyang tinatakbo ninyo kada linggo. Kapag gumagawa tayo ng plano na makamit ang ating mga mithiin, tutulungan tayo ng Diyos na makamtan ang mga ito (tingnan sa Mga Kawikaan 16:9).
-
Mag-ukol ng panahon para sa inyong mga mithiin. Dahil napakaabala ng buhay, madaling makaligtaan ang inyong mga mithiin sa mga gawain sa paaralan, trabaho, mga kaibigan, pamilya. Ngunit kung maglalaan kayo ng partikular na oras na magawa ang inyong mithiin sa bawat araw, bawat linggo, o gaano man kadalas na gustuhin ninyo, malamang na patuloy ninyo itong pagsisikapan na makamit.
-
Huwag magtakda ng napakaraming mithiin. Huwag magtakda ng napakaraming mithiin na halos hindi na ninyo maalala ang lahat ng bagay na pinlano ninyong gawin. Kung magsisimula kayo sa ilang mahahalagang mithiin sa halip na magsimula agad sa 40, hindi kayo gaanong mahihirapan at magiging mas kumpiyansa sa inyong pagsisikap na makamit ang mga ito. Kinakailangan nating gawin ang mga bagay “sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas” (Mosias 4:27). At kapag nakamtan ninyo ang isang mithiin, malamang na makamit ninyo ang iba pa! Ang maliliit na bagay ay humahantong sa malalaking bagay.