2019
Marta at Maria
Hunyo 2019


Mga Aral mula sa Bagong Tipan

Marta at Maria

Anuman ang paraan natin ng paglilingkod, mahalagang tanggapin at sundin si Cristo nang buong puso’t isipan natin.

Sa panahon na maraming tao sa Jerusalem ang nalilito sa identidad ng Tagapagligtas, itinuro ni Jesus, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo” (Juan 7:17). Kung nais nating higitan pa ang pag-aaral ng doktrina at mas kilalanin si Jesucristo at maging Kanyang disipulo, dapat nating ipakita sa gawa ang ating pananampalataya. Ang kuwento tungkol kina Marta at Maria ay nagpapakita na hindi lamang sa isang paraan natin mapaglilingkuran ang Tagapagligtas sa ating buhay.

Ilang sandali pa matapos ang sermong ito, si Jesus at ilan sa Kanyang mga disipulo ay nagpunta sa tahanan ni Marta sa Betania para ituro ang ebanghelyo. Kaagad na magiliw na inasikaso ni Marta ang kanyang mga panauhin, marahil ipinaghanda sila ng pagkain at matutuluyan, samantalang ang kanyang kapatid, si Maria, ay naupo sa paanan ni Jesus at nakinig sa sasabihin Niya. (Tingnan sa Lucas 10:38–42.) Ang magkaibang pamamaraan ng magkapatid sa paglilingkod sa Tagapagligtas ay nagtuturo sa atin na igalang at parangalan ang mga taong nagpapakita ng pagkadisipulo sa iba’t ibang paraan. Ang mga turo ni Jesus sa kuwentong ito ay nagpapakita rin ng Kanyang pananaw na ang kababaihan ay malayang magpasiya kung paano sila maglilingkod at magpapakita ng pagkadisipulo, tulad din ng kalalakihan.

Paglilingkod sa Pamamagitan ng Pagbibigay

Bago ipakilala ni Lucas sina Marta at Maria, itinala niya ang talinghaga ng mabuting Samaritano. Sa kuwentong ito, itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano magpakita ng awa sa iba, tulad ng pagpapakain, pagkanlong, at pagkalinga sa mga nangangailangan (tingnan sa Lucas 10:30–37). Ang paggawa ni Marta ng “maraming paglilingkod” (Lucas 10:40) ay nagpapahiwatig ng kanyang pagtanggap at pagkaunawa sa alituntuning ito nang ipakita niya sa gawa ang kanyang pananampalataya.

Para mailarawan ang itinuro Niya na ang pinakadakila ang naglilingkod sa iba (tingnan sa Mateo 20:26–28; Lucas 22:26–27), ginugol ni Jesus ang Kanyang buhay sa paglilingkod. Tumugon si Marta nang may pagnanais na paglingkuran Siya. Ang kuwento tungkol kina Marta at Maria ay nagpapakita ng dalawang babae na nagpakita ng halimbawa ng tunay na paniniwala at pagkadisipulo sa pamamagitan ng paglilingkod at pagnanais na matuto. Tulad ni Marta na nagpakita ng kanyang pagmamahal kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod, mapaglilingkuran din natin ang mga nakapaligid sa atin nang nakatuon sa ating pagmamahal sa Tagapagligtas at sa ating kahandaang matutuhan at sundin ang Kanyang ebanghelyo.

Sa ating paglilingkod, dapat nating alalahanin na may iba pang mga paraan para makapaglingkod at hindi natin dapat hatulan ang mga nagsisigawa niyon. Nang si Marta ay “[naligalig] sa maraming paglilingkod” (Lucas 10:40), ang reaksyon niyang ito ay nagdulot ng pagtatalo at nakaapekto sa masayang pagbisita ng Tagapagligtas.

Bagama’t maasikaso at responsable, naligalig at napagod din si Marta sa dami ng kanyang ginagawa. Nagreklamo siya kay Jesus, “Panginoon, wala bagang anoman sa iyo, na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa? iutos mo nga sa kaniya na ako’y tulungan niya” (Lucas 10:40). Ipinahiwatig din sa pagreklamo niya na sa kanyang pakiramdam, siya lamang ang naglilingkod. Hindi niya nakita ang iba-ibang halimbawa ng paglilingkod na ginagawa ng iba sa pagkakataong iyon, kabilang na si Maria at ang Tagapagligtas Mismo. Inilarawan ni Marta ang alituntunin ng pagbibigay nang may saloobin na hindi kaaya-aya sa Espiritu. Sa ating buhay ngayon, maipapakita rin natin ang ating pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng ating mga kilos at saloobin.

Paglilingkod sa Pamamagitan ng Pagtanggap

Sa mahinahong tinig, kinilala ni Jesus ang mga pagsisikap ni Marta na maglingkod at ang sumunod na paghihinanakit nito: “Marta, Marta naliligalig ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay” (Lucas 10:41). Ang sinabi ng Tagapagligtas ay hindi nangangahulugan na winalang-halaga Niya ang piniling paraan ni Marta ng paglilingkod kundi kinilala Niya ang karapatan ni Maria na maglingkod sa pamamagitan ng pakikinig at pagnanais na matuto. Ipinakita ni Maria sa kanyang ginawa kung ano ang mahalaga para sa lahat ng nagnanais na sumunod sa Kanya anuman ang kanilang piniling paraan ng paglilingkod.

Tinulutan ng Tagapagligtas si Maria na paglingkuran Siya sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang salita. Ipinakita ng Kanyang halimbawa na makapagpapahayag tayo ng pagmamahal sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-upo sa Kanyang paanan at matuto at umunlad sa Espiritu.

Isang Bagay ang Kinakailangan

Ang sagot sa problema ni Marta ay kilalanin na “isang bagay ang kinakailangan” (Lucas 10:42). Ang malalim na bisa ng kasimplihan ay ipinahiwatig, ngunit ang simple ay maaaring iba ang ibig sabihin sa bawat isa sa atin. Ang pamantayan ng “kinakailangan” ay matatagpuan sa ating mga layunin hindi sa ating ginagawa. Anuman ang piliin nating paraan ng paglilingkod, ang mahalaga ay tinatanggap at sinusunod natin si Cristo nang buong puso’t isipan.

Ang paglilingkod “sa paraan ni Marta” ay maaaring siyang pinakaakma sa ilang pagkakataon, samantalang sa ibang pagkakataon naman ay pinakamainam ang “tugon ni Maria”—o maaaring isang paraan ng paglilingkod na hindi akma sa dalawang kategoryang iyan. Maaari nating tularan ang mga halimbawa nina Marta at Maria at hingin ang gabay ng Espiritu na makapaglingkod sa pinakamainam na paraan.

Alamin nating mabuti ang ating saloobin sa pinili nating paraan, na inaalala na ang pananalig nating sumunod sa Kanya ang siyang pinakamahalaga. Nawa’y matagpuan natin palagi ang ating mga sarili sa paanan ng Tagapagligtas.