2019
Ang Pangarap Kong Maging Missionary ay Natupad sa Wakas
Hunyo 2019


Ang Pangarap Kong Maging Missionary ay Natupad sa Wakas

Jean Daniel Daroy

Ontario, Canada

woman on computer

Paglalarawan ni Katy Dockrill

Maraming taon ko nang pangarap na magmisyon. Ngunit nang umuwi ako sa bahay pagkatapos ng graduation sa unibersidad, nakita ko na kailangang-kailangan ako ng pamilya ko. Hindi mabuti ang kalusugan ng aking ama, at kailangan ng pamilya ang pinansiyal na tulong. Bilang panganay sa apat na anak, nadama ko na dapat akong manatili at tumulong. Biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng magandang trabaho. Bagama’t hindi malaki ang suweldo, sapat na ito para makaraos.

Kapag tinatanong ako tungkol sa pagmimisyon, sumasagot ako na magmimisyon ako. Gayunman, sa tuwing sinasabi ko ito, sumusulyap sa akin ang nanay ko na may halong saya at lungkot sa kanyang mga mata. Alam ko na kung hihilingin kong umalis, sasabihin niyang oo at sasarilinin ang pag-aalala na mawawalan ng kita ang pamilya.

Lumipas ang ilang taon, at isang karapat-karapat na priesthood holder ang nag-alok sa akin ng kasal sa templo. Sumagot ako ng oo, at kalaunan ay nabiyayaan kami ng tatlong anak—dalawang babae at isang lalaki. Ang isa sa pinakamalaking kagalakan namin ay nang magmisyon ang aming anak na lalaki. Napuno ng kapanatagan at kapayapaan ang aming tahanan. Para sa akin tila natupad ang isang bahagi ng hangarin kong magmisyon.

Masaya ako nang sabihin ng panganay kong anak na gusto niyang magmisyon. Tuwing linggo sa misyon, nagpapadala siya ng mga kuwento tungkol sa kanyang gawain. Ang kanyang patotoo ay nagbigay ng inspirasyon sa akin at napuspos ako ng diwa ng gawaing misyonero. Nanalangin ako para sa mga pagkakataon na magawa ang gawaing misyonero sa araw-araw.

Isang araw, nadama ko ang inspirasyon na itanong sa isang kaibigan sa pamamagitan ng private message sa social media kung magiging interesado siya na makausap ang mga missionary. Sinabi niyang, “Oo!” Pinunan ko ang isang online referral form sa LDS.org, at kaagad siyang sinimulang turuan ng mga missionary. Makaraan ang tatlong buwan sumapi siya sa Simbahan. Ang kanyang mga anak ay sumapi rin makalipas ang ilang buwan kalaunan. Sa patnubay ng Espiritu, inanyayahan ko ang iba pang mga kaibigan na makinig sa mga missionary. Nang umuwi ang anak ko galing sa misyon, tila nadama ko rin na natapos ko ang 18 buwang pagmimisyon.

Alam ng Ama sa Langit ang mga hangarin ng puso ko at kung ano ang pinakamabuti sa aking pamilya at sa akin. Nagpapasalamat ako na ipinagkaloob Niya ang hangarin ko na maglingkod bilang missionary, na nasa puso ko na noon pa man.