Pamumuhay ng mga Pamantayan Ko
“Tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon” (Mosias 18:9).
Ang ama ko ay nasa army, kaya madalas kaming lumipat noong bata pa ako. Isa sa pinakamahirap na bagay tungkol sa paglipat ay ang iwan ang mga kaibigan ko. Nahihirapan akong magkaroon ng mga bagong kaibigan dahil mahiyain ako. Mabuti na lamang, ang mga tao ay laging palakaibigan sa paaralan at Primary. Sa simbahan ay walang halaga kung naiiba man kami. Lahat kami ay magkakaibigan lang.
Isang paraan kung paano ko napagtagumpayan ang pagiging mahiyain ay sa pamamagitan ng pagtulong ko sa simbahan. Nagsimula ito sa Primary. Nagbahagi ako ng isang talata ng banal na kasulatan sa oras ng pagbabahagi. Malakas akong nagbasa sa klase. Unti-unti, nadama kong lumalakas ang loob ko. Tinulungan ako nitong panindigan ang mga paniniwalaan ko.
Noong nasa ikaapat o ikalimang baitang ako, tumira ang pamilya ko sa Maryland, USA. Hindi ganoon karami ang mga miyembro ng Simbahan sa paaralan ko. May mga kaibigan ako na miyembro ng Simbahan at mga kaibigan na hindi miyembro.
Noong tinedyer ako, ilan sa mga kaibigan ko ang gumawa ng mga bagay na salungat sa mga pamantayan ko. Ngunit hindi naman nila sinubukang ipagawa sa akin ang mga ito. Nagpapasalamat ako na iginalang ng mga kaibigan ko ang aking mga paniniwala. Minsan pakiramdam ko ay napag-iiwanan ako dahil hindi ko magawa ang lahat ng ginagawa ng mga kaibigan ko sa paaralan. Subalit palaging maganda ang pakiramdam ko sa pagsunod ko sa mga pamantayan ko. Nagdesisyon ako na ipamumuhay ko ang ebanghelyo, anuman ang mangyari. Ang patotoo ko ay lumakas sa Primary at sa family home evening. Nalaman ko na ako ay anak ng Diyos.
Makalipas ang ilang taon, nalaman ko na dalawa sa mga kaibigan ko sa paaralan ang nabinyagan sa Simbahan. Napakasaya ko! Sinabi nila sa akin na ang pagmamasid sa akin na ipinamumuhay ang ebanghelyo noong bata ako ay nakatulong sa kanilang magpasiyang makinig sa mga missionary.
Mahal kong mga batang kaibigan, kayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit. Kapag inaalaala ninyo ang mahalagang katotohanang ito araw-araw, ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagiging mas madali.