Mga Larawan ng Pananampalataya
Rodrigo Quintanilla
Valparaíso, Chile
Mula nang maaksidente sa konstruksyon at hindi na makalakad, hindi na makapagtrabaho si Rodrigo Quintanilla bilang tagahinang—o makagawa ng iba pang bagay. Pero ipinasiya niyang magpatuloy nang may pananampalataya, nagtitiwala sa plano ng Ama sa Langit para sa kanya at sa kanyang pamilya.
Leslie Nilsson, photographer
Kapag may napakasamang nangyari sa atin, maaaring isa sa dalawang ito ang maging reaksyon natin. Magalit sa Diyos at iwan ang Simbahan, at hindi na magkaroon ng anupamang kaugnayan dito. O maaari tayong lumuhod, magdasal, at patuloy na umunlad.
Hindi ako nawalan ng pananampalataya, ni tinanong sa aking sarili, “Bakit ito nangyari sa akin?” Ayokong maging ganyan ang reaksyon ko.
Kapag may pagsubok na dumarating sa atin, alam ko na maglalaan ang Ama sa Langit ng paraan sa pamamagitan ng pagsubok na iyan. Habang nagpapagaling ako, mahalaga ang paggabay ng Espiritu Santo. Kailangan kong mag-iba ng propesyon, kaya ipinagdasal ko na gabayan ako ng Espiritu. Sinagot ako ng Diyos.
Ang unang taon mula nang maaksidente ako ay ginugol ko sa pagpapagaling at pagpapalakas na muli. Ang pangalawang taon ay ginugol ko sa pagpapasiya ng kung ano ang dapat kong gawin. Kailangan kong kumita kahit man lang para sa mga pangunahing pangangailangan ng aking pamilya—isang bagay na hindi kailangan ng maraming lakas at maaari kong gawin habang nasa wheelchair.
Sa tulong ng aking asawang si Paola, ng aking mga anak, sina Ricardo at Nico, sinimulan ako ang isang in-home business. Nagsimula kami sa pag-aalok ng key-copying service. Unti-unti pa kaming nagdagdag ng iba pang mga serbisyo. Inalam ko ang pasikut-sikot ng bagong trabaho. Nagsanay ako para matuto. Ngayon, makalipas ang siyam na taon, may negosyo na kami na locksmith shop at copy center na may printing at laminating service.
Bago ako maaksidente, akala namin ay mawawala na sa amin ang aming bahay. Gusto na itong ibenta ng mga miyembro ng pamilya namin na may-ari ng bahay, pero ayaw naming lumipat. Mahal namin ang aming ward.
Pagkatapos ng aksidente, sinabi ng lola ko, “Ibibigay ko sa iyo ang parte ko sa bahay.” Ganoon din ang ginawa ng tatay ko. Isa sa mga tiyahin ko at marami sa aking mga kapatid ang nagbigay din ng karapatan sa akin sa parte nila sa bahay. Sabi nila, “Maaari kang mamalagi rito hanggang gusto mo.” Ito ay isang pagpapala mula sa ating Ama sa Langit.
Sa mga nahihirapan dahil sa aksidente o pangyayaring nagpabago ng kanilang buhay, ito ang sasabihin ko, “Maaaring maging mahirap ang mga bagay-bagay, pero manatili kayo sa Simbahan. Manatili kayo sa ebanghelyo. Mas mahirap ang buhay kung wala ito. Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya, at ang Ama sa Langit na ang bahala sa iba.”