Mga Alituntunin ng Ministering
Ang Ministering ay ang Tingnan ang Iba na Tulad ng Pagtingin ng Tagapagligtas
Nag-ukol ng maraming oras si Jesus sa mga tao noon na itinuturing na naiiba; nakita Niya ang kanilang banal na potensyal.
Sa pag-minister o paglilingkod natin na katulad ng Tagapagligtas, maaaring italaga tayo na magminister o maglingkod sa isang taong naiiba sa atin. Nagbibigay ito sa atin ng oportunidad na matuto at umunlad.
Dahil sa edukasyon, lahi, kabuhayan, edad, pag-uugali noon o ngayon, o iba pang mga pagkakaiba, madali nating hinuhusgahan ang isang tao bago pa man natin siya makilala. Ang paghusgang ito sa tao bago pa man malaman ang kanyang sitwasyon ay nakakaimpluwensya nang malaki sa maling palagay sa iba, at nagbabala ang Tagapagligtas laban dito (tingnan sa I Samuel 16:7; Juan 7:24).
Maaari bang huwag na lang nating pansinin ang mga pagkakaiba at sa halip ay tingnan ang iba tulad ng pagtingin ng Tagapagligtas? Paano natin matututuhang mahalin ang iba batay sa kung sino sila ngayon at sa kung ano ang maaari nilang kahinatnan?
Pagtitig at Paggiliw
May kuwento sa Biblia tungkol sa mayamang binata na nagtanong kung paano magkaroon ng buhay na walang hanggan: “At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya, at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Marcos 10:21).
Nang pag-aralan ni Elder S. Mark Palmer ng Pitumpu ang banal na kasulatang ito ilang taon na ang nakalipas, may bagong bahagi sa kuwento ang biglang umagaw ng kanyang pansin.
“‘At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya.’
“Nang marinig ko ang mga salitang ito, pumasok sa isipan ko ang isang malinaw na larawan ng Panginoon na huminto sandali at tumitig sa binatang ito. Ang pagtitig—na tulad ng pagtingin na tumatagos sa kanyang kaluluwa, nalalaman ang kanyang kabutihan at gayon din ang kanyang potensyal, pati na rin ang kanyang pinakamatinding pangangailangan.
“Na sinundan ng mga simpleng salita—giniliw siya ni Jesus. Nakadama Siya ng matinding pagmamahal at pagkahabag sa mabuting binatang ito, at dahil sa pagmamahal na ito, at taglay ang pagmamahal na ito, ay nag-utos pa si Jesus sa kanya. Inisip ko kung ano kaya ang naramdaman ng binatang ito nang mapuspos siya ng pagmamahal na iyon kahit na napakahirap ng ipinagagawa sa kanya na ipagbili ang lahat ng kanyang pag-aari at ibigay ang mga ito sa mga dukha. …
“[Tinanong ko ang aking sarili] ‘Paano ako mapupuspos ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo, upang madama ng [iba] ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ko at maghangad na magbago?’ Paano ko tititigan [ang mga tao sa aking paligid] tulad ng pagtitig ng Panginoon sa mayamang binata, na nakikita kung sino talaga sila at kung sino ang maaari nilang kahinatnan, sa halip na ang nakikita lamang ay ang ginagawa nila o ang hindi nila ginagawa? Paano ako magiging higit na katulad ng Tagapagligtas?”1
Matutuhan kung Paano Tingnan ang Iba
Ang tingnan ang iba na tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas ay nagdudulot ng mga makabuluhang gantimpala. Narito ang ilang mungkahi na makatutulong sa atin habang pinagsisikapan nating makamit ang mithiing ito.
-
Kilalanin Sila
Sikaping kilalanin ang mga tao nang higit pa sa mababaw na pag-uusap. Kilalanin na kailangan ng panahon at tapat na pagsisikap para mabuo ang isang relasyon. (Tingnan ang Agosto 2018 na artikulo tungkol sa mga Alituntunin ng Paglilingkod na “Pagbubuo ng mga Makabuluhang Relasyon” para matulungan.) -
Suriin ang Sarili
Pansinin ang mga panghuhusga na nagagawa mo nang sinasadya o hindi sinasadya. Tingnan ang mga opinyon na ibinibigay mo tungkol sa ibang tao at sikapin mong alamin kung bakit ganoon ang nararamdaman mo sa kanila. -
Huwag Humusga
Unawain na hindi nasusukat ang halaga ng isang tao sa kanyang mga kalagayan. Ilagay ang sarili ninyo sa sitwasyon nila at isipin kung paano ninyo gustong tingnan kayo ng isang tao kung kayo ang nasa mga sitwasyong iyon. Makatutulong sa atin na makita ang mga tao kung paano sila nakikita ng Tagapagligtas kung ihihiwalay natin ang mga pagpapasiya at pag-uugali nila sa kanilang likas na katangian at banal na potensyal. -
Ipagdasal na Matutuhan Silang Mahalin
Ipagdasal sila palagi nang binabanggit ang kanilang pangalan at hilingin na matiyaga kayong makapaghintay na maging tunay ninyo silang kaibigan. Ngayon mapanalanging suriin ang inyong paglilingkod. May kaibhan ba ang ginagawa ninyo sa talagang kailangan nila?
Nag-ukol ng Kanyang panahon si Jesus sa mga tao na magkakaiba ang katayuan sa buhay: mayaman, mahirap, pinuno, at mga pangkaraniwang tao. Madalas na Siya ay biktima ng maling paghusga ng iba batay sa nakikita nila sa Kanya at sa Kanyang karalitaan o katayuan na walang halaga sa kanila. “Pagka ating minamasdan siya ay walang kagandahan na mananais tayo sa kaniya. … Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao” (Isaias 53:2–3).
Pagturing sa Iba nang Tulad ni Cristo
Isang kapatid na babae sa Simbahan ang nagkuwento tungkol sa kung paano niya natutuhang unawain ang kanyang kapitbahay nang tulad ni Cristo:
“Magkapitbahay kami ni Julia (binago ang pangalan) at napansin ko na parang wala siyang mga kaibigan. Lagi siyang mukhang balisa at galit. Kahit ganoon, ipinasiya kong kaibiganin siya. Hindi lang basta kaibigan kundi tunay na kaibigan. Lagi ko siyang kinakausap sa tuwing makikita ko siya at ipinakita ko na interesado ako sa anumang ginagawa niya. Unti-unti, naging magkaibigan kami, na nagpasaya sa puso ko.
“Isang araw, binisita ko si Julia at itinanong ko sa kanya kung bakit hindi siya nagsisimba.
“Nalaman ko na wala siyang kapamilya o kamag-anak na malapit sa tinitirhan niya. Nakatira sa malayong lugar ang kapatid niyang lalaki, na nag-iisang kapatid niya, at nakakausap lamang niya sa telepono isang beses sa isang taon. Habang pinakikingan ko ang pagbubuhos niya ng hinanakit, galit, at pagkabigo tungkol sa kanyang pamilya at sa Simbahan, kaagad akong nakadama ng matinding habag at pagmamahal sa kapatid na ito. Nadama ko ang hinagpis at kabiguang dinaranas niya. Nakita ko kung gaano kalungkot ang buhay niya. Parang ibinulong sa akin ang mga katagang ito: ‘Mahalin ko rin siya. Mahalin at igalang mo siya.’
“Naupo ako at nakinig hanggang sa wala na siyang sinabi pa. Nakadama ako ng pagmamahal at habag sa kanya. Heto ang isang kapatid na hindi nakaramdam ng pagmamahal. Kagyat kong naunawaan siya nang mas malalim. Pinasalamatan ko siya sa pagpayag na makabisita ako sa kanya, at niyakap siya at nag-iwan ng pagmamahal at paggalang bago ako umalis. Hindi niya alam kung gaano niya ako naantig sa pagbisitang iyon. Binuksan ng Ama sa Langit ang aking mga mata at itinuro sa akin na kaya kong magmahal nang may ibayong pagkahabag. Determinado na ako sa aking desisyon na ituring siya hindi lamang bilang isang kaibigan kundi bilang isang kapamilya.”
Sagradong bagay ang matulutang maging bahagi ng buhay ng isang tao. Sa pamamagitan ng panalangin, tiyaga, at tulong mula sa Espiritu, matututuhan nating magawa ito nang may pananaw na tulad ng kay Cristo.