Mga Pagpapala ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan
Mga Bulaklak at Pinansyal na Seguridad
Ang awtor ay naninirahan sa Arkansas, USA.
Dinagdagan ng Panginoon ang aking kapasidad, pinalawak ang aking mga kakayahan, at pinag-ibayo ang aking mga katangian nang higit sa kaya kong gawin nang mag-isa lamang.
Ikinabalisa ko noon pa man na hindi ako nakatapos ng kolehiyo. Alam ko na kung may mangyari man sa aking asawa, hindi ako handa na itaguyod ang aming pamilya.
At nangyari nga ang hindi inaasahan. Nakatanggap ako ng nakabibiglang tawag sa telepono na nagpabago ng buhay ko.
“Tumawag ka sa 911!” ang sigaw ng asawa ko na balisang-balisa. “Nadaganan ako ng traktora!”
Tumawag ako ng tulong at mabilis na pumunta sa lote na hinahawan niya, at nadaanan ang mahabang pila ng mga nakaparadang emergency vehicle sa mabatong daan papunta sa aming lote sa Pea Ridge, Arkansas, USA. Buhay si Barry, pero nakadagan sa kanya ang makina ng tumaob na traktora.
Gamit ang mga hydraulic rescue tool, iniangat ng mga rumisponde ang traktora at hinila palabas si Barry. Ang mga binti niya, na nababad sa diesel, ay parang bali-bali. Itinakbo siya sa trauma center, kung saan siya binigyan ng priesthood blessing bago isinalang sa X-ray ang kanyang mga binti.
Nagulat kami na wala ni isang buto ang nabali, pero ang likod ng mga binti ni Barry ay matinding nasunog ng diesel. Dahil sa pinsala sa pagkakadagan, nalason ang kanyang mga bato. Nanganib ang buhay niya.
Pagkalipas ng limang araw sa ospital, nagsimulang mabawasan ang toxin o lason sa loob ng katawan niya. Sumunod dito ang ilang buwan na paglilinis ng sugat, pagsasagawa ng skin grafting, operasyon, at hyperbaric oxygen therapy. Nang umayos na ang kanyang pakiramdam, ipinagpatuloy ni Barry sa bahay ang trabaho niya bilang salesman.
“Walang Tatanggap sa Akin sa Trabaho”
Dahil sa karanasang ito natanto namin na marami kaming kailangang baguhin. Nang sumunod na ilang taon, habang pinag-iisipan ko ang puwede kong gawin sakaling mawala sa akin si Barry, nagboluntaryo ako sa ilang proyekto, dumalo ng mga workshop, at ilang beses na nag-aplay na magtrabaho nang part-time. Pero wala ako ng mga kasanayan na kailangan sa trabaho at walang gustong tumanggap sa akin.
Nakatira kami sa bukid, may pastulan para sa iilang hayop, kaya sinimulan kong magsaliksik kung paano gagawing hanapbuhay ang pagsasaka. Isang araw may naisip akong ideya: mga bulaklak. Matapos magsaliksik tungkol sa pagtatanim ng bulaklak, nagpasiya akong subukan ito. Pumunta ako sa kumperensya para sa mga nagtatanim ng bulaklak at naghanda na gawing taniman ang pastulan. Pagkatapos, noong Nobyembre 2016, nag-sign-up ako sa Self-Reliance Services class na nagtuturo kung paano magsimula at magpaunlad ng sarili kong negosyo.
Ang Aming Sariling Tindahan ng mga Bulaklak
Ang 12-linggong kurso ang eksaktong kailangan ko. May plano na ako sa negosyo at maraming nakatutuwang ideya, pero hindi ko alam mag-organisa. Maraming ideya ang iminungkahi sa klase na hindi ko naisip noon. Ginawa ko ang bawat isa sa mga ito. Sa unang taon ko ng pagtatanim at pagtitinda ng bulaklak, nagamit ko nang husto ang mga mungkahi at alituntunin na natutuhan ko sa klase:
-
Nakahanap ako ng nagpapautang sa negosyo na mababa ang interes.
-
Idinagdag ko sa pinagbebentahan ng bulaklak ang mga palengke at tindahan ng bulaklak.
-
Pinaupahan ko ang aming bukid sa ilang okasyon bilang karagdagan sa inaalok kong serbisyo.
Noong mga huling buwan ng 2017, pagkatapos ng unang taon ko sa pagtatanim, nakita ko na maraming oras ang nauubos sa pagbebenta sa mga tindahan ng bulaklak. “Ano kaya kung magbukas ako ng sarili kong tindahan ng mga bulaklak?” naisip ko. Nagsara na ang tindahan ng mga bulaklak sa lugar namin, at hindi na maganda ang itsura ng gusali. Kaya binili namin ito ng aking asawa, at nagbukas ng tindahan ng mga bulaklak na nagtitinda rin ng mga gawang sining at handicraft na gawa sa aming bayan. Bukod pa riyan, nagbukas din ako ng negosyo na plant rental at interior plant design.
Ibinenta ko ang aking mga bulaklak sa aming tindahan at sa mga coffee shop, boutique, at kiosk sa paliparan ng bayan. Bawat araw, inaani ko ang kailangan ko.
Nagmamalasakit ang Panginoon
May patotoo ako na may malasakit ang Panginoon sa aking negosyo. Tinulungan Niya akong magkaroon ng pinansyal na seguridad para sa aking sarili at part-time na trabaho para sa ilang kababaihan na gustong magtrabaho sa oras na komportable sila at sa mga estudyante na nagpapaaral sa kanilang sarili. Isa sa aming mga anak na babae ang namamahala sa taniman ng mga bulaklak, at dalawa sa aming anak na lalaki ang gumagawa sa bukid, at tumulong sa pagtatayo ng greenhouse. Tumutulong si Barry sa gabi at tuwing katapusan ng linggo, para sa mabibigat na bubuhatin.
Sinusuportahan namin ang isa’t isa at nagtutulungan sa trabaho. Malaking biyaya ito sa lahat ng nakikibahagi rito. Abala ako ngunit may oras pa rin sa pamilya, mga tungkulin sa Simbahan, gawain sa ministering, at pagboboluntaryo.
Ang pagtatanim ng binhi o bulb hanggang sa maging bulaklak ito na maipagbibili ko na sa kostumer ay nagbibigay sa akin ng napakalaking kasiyahan. Wala akong pagdududa na pinalawak ng Panginoon ang aking kakayahan at pinag-ibayo ang aking mga katangian nang higit sa kaya kong gawin nang mag-isa lamang.