Ang Huling Salita
“Huwag Matakot, Ako’y Sumasaiyo”
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii noong Disyembre 15, 2012.
Isang kilalang pinunong militar ang mariing nagsabi: “Huwag tumanggap ng payo [mula] sa iyong mga pangamba o takot.”1
Habang pinagninilayan natin ang mga bagay na nagaganap sa paligid natin ngayon, maaari nating makita ang maraming dahilan upang matakot, mag-alinlangan, at mag-isip kung ang mga bagay sa buhay natin ay tunay ngang magiging tulad ng matagal nating inaasam.
Ang ilan sa inyo ay maaaring may tanong o kulang sa kumpiyansa sa sarili ninyong kakayahan na magtagumpay sa temporal at espirituwal. Marahil ay iniisip ninyo kung ang mga pangako ng Panginoon ng suporta at paggabay—na napapansin at nakikilala sa mga buhay ng napakaraming ibang tao—ay magiging malinaw din sa inyong buhay. Maaaring hindi kayo sigurado kung dapat kayong makipagsapalaran sa isang oportunidad dahil hindi ninyo nakikita ang lahat ng mga detalye tungkol sa kung ano ang kalalabasan ng mga bagay, at sa gayon ay atubili kayong magsimula at gawin ang mga unang hakbang sa daang iyon. O kaya naman ay maaaring masyado kayong nag-aalala na makagawa ng mali na mabibigo kayong kumilos nang may pananampalataya at magpatuloy at sa gayon ay palakasin ang posibilidad ng mismong pagkabigo na kinatatakutan ninyo.
Ang hindi pagsunod sa payo mula sa ating mga pangamba o takot ay nangangahulugan lamang na hindi natin papayagang diktahan ng takot at kawalan ng kasiguruhan ang ating patutunguhan sa buhay, na negatibong maapektuhan ang ating mga pag-uugali at pagkilos, na hindi wastong maimpluwensiyahan ang ating mahahalagang desisyon, o ilihis o lituhin tayo mula sa lahat sa mundong ito na marangal, kaaya-aya, o magandang balita. Ang ibig sabihin ng huwag tumanggap ng payo mula sa ating mga pangamba o takot ay mangingibabaw ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo laban sa ating mga takot at magpatuloy sa paglakad nang may katatagan sa Kanya. Ang hindi pagsunod sa ating takot ay nangangahulugang nagtitiwala tayo sa gabay ng Diyos, sa Kanyang kasiguruhan at pagtatakda ng tamang oras sa ating buhay. Nangangako ako na bawat isa sa atin ay makakaya at mabibiyayaan ng direksyon, proteksyon, at nagtatagal na kaligayahan habang pinag-aaralan nating huwag tumanggap ng payo mula sa ating mga pangamba o takot.
Habang ipinamumuhay natin ang pananampalataya kay Cristo at tiwala sa Kanyang mga pangako, magagawa nating maglakad sa dilim nang may tiyak na kasiguraduhan na ang daraanan natin ay maiilawan—na aabot upang gawin ang susunod na hakbang—at pagkatapos ay ang susunod na hakbang—at ang susunod pa.
Sinabi ni Joseph Smith, “Wala tayong dapat ikatakot kung tayo ay mananampalataya.”2
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Huwag matakot. Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”3
Habang hinaharap ninyo ang inyong kinabukasan nang may pananampalataya, ang Tagapagligtas ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang Kanyang Espiritu ay papasainyong mga puso (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:88) sa lahat ng inyong mga makatwirang gawain at sa kabuuan ng lahat ng mga araw sa inyong buhay.