Ang Aming 30-Taong Paglalakbay Papunta sa Templo
Francisco W. Fierro
Lima, Peru
Ilang buwan pagkatapos ng aking binyag, ang aking nakababatang kapatid na si Oswaldo ay sumapi sa ibang simbahan at aktibong nakibahagi sa kongregasyon nito. Ngunit nais kong malaman ni Oswaldo ang alam kong totoo. Ninais ko lalo na, na malaman niya ang mga salita ng mga propeta.
Kada buwan, kapag natanggap ko ang magasin na Liahona, ibinabahagi ko ito kay Oswaldo. Iminungkahi ko na makatutulong sa kanya ang ilan sa mga paksa sa magasin sa paghahanda niya para sa mga pulong sa kanyang simbahan. Natuwa ako nang tanggapin niya ang mungkahi ko. Gayunpaman, maraming taon ang lumipas at nalungkot ako na hindi tinatanggap ng kapatid ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Isang umaga, sinabi ni Oswaldo sa aming pamilya na plano niyang umalis sa aming tahanan sa Ecuador at pumunta sa Switzerland. Tinanggap niya ang basbas ko sa araw ding iyon na umalis siya. Ito ay nakaaantig na sandali para sa akin dahil ibinulong ng Espiritu sa aking puso na ang paglalakbay na ito ay mas maglalapit kay Oswaldo sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan.
Sa Switzerland, nakilala ni Oswaldo ang mga missionary at kalaunan ay inanyayahan sila sa kanyang tahanan. Pagkaraan ng ilang panahon naging malapit niyang kaibigan ang mga ito. Ngunit sinabi niya sa akin na kung babanggitin ng mga missionary ang tungkol sa binyag, hindi na niya tatanggapin sila. Isipin na lang ninyo ang pagkabigla at kagalakan ko nang makatanggap ako ng email mula sa kanya na nagsasabing bibinyagan na siya. Sumapi ako sa Simbahan noong 1981. Si Oswaldo ay nabinyagan makaraan ang 20 taon, noong Mayo 2001. Natanggap niya ang kanyang endowment noong Hulyo 2002, at nabuklod sa kanyang asawa noong Pebrero 2003.
Nang bumalik si Oswaldo sa Ecuador, nagpatotoo siya sa isang sacrament meeting. Nang may luha sa mga mata, sinabi niya, “Ibinahagi sa akin ng kapatid ko ang mga salita ng mga propeta. Ang mga salitang iyon ay nagbigay-inspirasyon sa akin habang naghahanda ako sa mga pulong sa simbahan na dinaluhan ko noon, at maraming napasigla sa paraang ito. Ang mga salita ng mga propeta ay nagpabago ng aking buhay. Sa pamamagitan nila, nalaman ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik muli sa lupa sa kabuuan nito, nang may kapangyarihan at awtoridad.”
Noong Pebrero 2011, kami ni Oswaldo ay nabuklod sa aming mga magulang sa Guayaquil Ecuador Temple. Napagpala ng mga salita ng mga propeta ang aming pamilya nang walang hanggan.