Mga Mamamayan ng Galilea
Noong nasa lupa ang Tagapagligtas, nagturo at naglingkod Siya sa marami. Narito ang ilan sa mga tao na pinaglingkuran ni Jesucristo sa Galilea. Ano kaya ang maaaring sabihin ng mga taong ito kung maibabahagi nila ang kanilang sariling kuwento na matatagpuan sa mga banal na kasulatan? Narito ang ilang ideya.
Bata: Nakatayo ako nang malapit kay Jesucristo at sa Kanyang mga Apostol. May pinagtatalunan ang mga Apostol, at tinanong sila ni Jesucristo tungkol dito. Biglang tumahimik ang mga Apostol, at walang nagsalita dahil nagtatalo sila tungkol sa kung sino sa kanila ang magiging pinakadakila sa kaharian sa langit. At pagkatapos nito ang Tagapagligtas ay bumaling sa akin. Nakatayo ako sa gitna nila, at niyakap Niya ako. Sinabi Niya na sinuman ang mapagpakumbabang gaya ng isang munting bata ay ang pinakadakila sa kaharian ng langit. (Tingnan sa Marcos 9:33–37; Mateo 18:1–5.)
Binatilyo: Narinig ko ang tungkol kay Jesucristo at sa mga milagrong ginawa niya para sa maysakit. Kung kaya noong nagtungo Siya sa Tiberias, sumama ako sa maraming taong sumusunod sa Kanya. Marami kami, mga humigit-kumulang 5,000 katao. Mayroon akong limang tinapay ng sebada at dalawang isda. Kinuha ni Jesucristo ang mga ito at binasbasan. Mahimala, lahat ay nakakain mula sa pagkaing tangan ko. Subalit hindi ito natapos doon. Nang nabusog na ang lahat, tinipon ng mga apostol ang mga natira. Nakapuno sila ng 12 basket. (Tingnan sa Juan 6:5–14.)
Lalaki: Lumpo ako, kung kaya’t hindi ako makagalaw. At bukod pa rito, bigla na lang akong nangingisay. Nakapangingilabot ito. Narinig ng mga kaibigan ko na nagtuturo si Jesucristo sa isang bahay. Alam nilang matutulungan Niya ako, kung kaya’t sinubukan nila akong dalhin sa Kanya. Puno ng tao ang bahay, kaya nagdesisyon silang ibaba ako mula sa bubungan. Tinuklap nila ang bubong at ibinaba ako sa harap ni Jesucristo. Nang makita Niya ako, sinabi Niyang pinatawad na ang mga kasalanan ko. Sinabi Niya sa akin na tumindig at buhatin ang aking higaan at lumakad. Kaya ginawa ko ito—at namangha ang lahat! (Tingnan sa Marcos 2:1–12.)
Taong Maharlika: Nasa Cana ako noong panahong iyon. At ang anak kong lalaki, na nasa Capernaum, ay naghihingalo na. Narinig kong nasa malapit na lugar si Jesus, kung kaya’t nagpunta ako sa Kanya. Nang nagawa ko ito, hiniling ko sa Kanyang magpunta sa Capernaum upang pagalingin ang anak ko. Sinabi Niya sa aking umuwi dahil buhay ang anak ko. Pinaniwalaan ko Siya. Pagdating ko sa bahay, lumabas ang mga kasambahay ko upang batiin ako. Sinabi nila sa akin na buhay ang anak ko. Tinanong ko sila kung kailan nagsimulang bumuti ang kalagayan niya. Sinabi nilang kahapon noong ikapitong oras. Iyon ang oras kung kailan sinabi sa akin ni Cristo na buhay ang anak ko! (Tingnan sa Juan 4:46–53.)
Maria Magdalena: Pinalayas ni Jesucristo ang pitong demonyo mula sa akin. Sumunod ako sa Kanya habang naglalakbay Siya sa maraming nayon upang ipangaral ang ebanghelyo. (Tingnan sa Lucas 8:1–3.) Nang ipinako sa krus si Cristo, naroroon ako (tingnan sa Juan 19:25). Binisita ko ang libingan kung saan nakahimlay ang Kanyang labi. Ako ang unang taong nakakita sa Kanya matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Noong una ay inakala kong Siya ang hardinero, ngunit nang tinawag Niya ang pangalan ko, alam kong iyon ang aking Tagapagligtas. (Tingnan sa Juan 20:11–16.)
Salome: Ako ang asawa ni Zebedeo at ang ina nina Santiago at Juan, na dalawa sa mga Apostol ni Jesucristo. Sumunod ako at naglingkod sa Kanya habang nasa Galilea Siya. Nasa Golgota ako noong ipinako Siya sa krus. (Tingnan sa Marcos 15:37–41.) Nagdala ako ng mga pabango sa Kanyang libingan upang ipahid sa Kanyang katawan, ngunit pagdating ko, wala Siya roon. Sa halip, nakita ko ang isang lalaking nakasuot ng mahabang puting damit. Noong una, natakot ako ngunit sinabi niyang huwag akong matakot. Sinabi niya na nabuhay na mag-uli si Jesucristo at dapat kong sabihin ito sa mga Apostol. (Tingnan sa Marcos 16:1–8.)
Biyenang babae ni Simon Pedro: Lubhang mataas ang lagnat ko noon. Noong narinig ni Jesucristo ang tungkol dito, nagpunta Siya sa akin. Hinawakan Niya ang kamay ko at pinatayo ako. Agad na nawala ang lagnat ko. Lubos na gumanda ang pakiramdam ko na nagawa kong maglingkod sa mga nasa paligid ko. (Tingnan sa Marcos 1:29–31.)
Balo ng Nain: Kamamatay lamang ng anak kong lalaki. Nauna nang pumanaw ang asawa ko. Lubha akong nagdadalamhati. Bagama’t maraming tao sa paligid ko, hindi ko mapigilang tumangis. Habang binubuhat namin ang bangkay ng anak ko palabas sa pintuan ng bayan, may lumapit na lalaki sa akin. Iyon ay si Jesucristo. Nahabag siya sa akin at sinabi sa aking huwag umiyak. Pagkatapos ay nagtungo Siya sa anak ko. Napatigil ang mga taong bumubuhat sa kanya. Sinabi ni Jesucristo sa anak ko na bumangon. At ginawa nga niya iyon! Bumangon siya at nagsimulang magsalita at lumapit sa akin. Buhay siya! Lahat kami ay nagbigay-puri sa Diyos at batid na may dakilang propeta kaming kasama. (Tingnan sa Lucas 7:11–17.)
Maria: Narinig ko ang tungkol sa Mesiyas na darating. Hindi ko lamang inasahang maging bahagi nito. Nakatakda akong ikasal kay Jose nang may isang anghel na nagsabi sa akin na ipagdadalantao ko ang magiging Anak ng Diyos at pangangalanan Siyang Jesus. (Tingnan sa Lucas 1:26–38.) At dumating nga ang Mesiyas. Ipinanganak ko Siya sa isang sabsaban. Binisita Siya ng mga pastol at Tatlong Pantas at nagbigay sa Kanya ng mga regalo. (Tingnan sa Mateo 2:1–12; Lucas 2:1–20.) Pinalaki namin Siya ni Jose, ngunit lagi Niya kaming pinamamangha. Minsan ay nawala Siya nang tatlong araw. Sa huli ay natagpuan namin Siya sa templo. Nakikinig ang mga guro sa Kanya at nagtatanong sa Kanya. (Tingnan sa Lucas 2:40–52.)
Felipe: Isa ako sa mga Apostol ni Cristo. Isinugo Niya kami upang ipangaral ang Kanyang ebanghelyo. Sinabi Niya sa aming tumutok sa nawawalang tupa ng Israel. Ibinigay rin Niya sa amin ang kapangyarihang magpagaling ng maysakit, linisin ang mga may ketong, buhayin ang mga patay, at magpalayas ng mga demonyo. Sinabi Niya sa amin na huwag magdala ng salapi o damit, ngunit binalaan Niya kami na uusigin kami. Subalit nagtiwala kami sa Kanya dahil alam namin na kapag nagtiis kami hanggang sa katapusan ay maliligtas kami. (Tingnan sa Mateo 10:1–10, 17–18, 22–23.)
Tadeo Judas: Ako ay Apostol ni Jesucristo. Isang araw, habang tinuturuan Niya kami—madalas Niyang gawin ito—sinabi Niya sa amin na hindi na Siya magtatagal sa mundo. Sinabi Niya na kung susundin namin ang Kanyang mga kautusan at mamahalin Siya, babalik Siya at ipapakita ang Kanyang sarili sa amin. Sinabi Niya na ipadadala Niya ang Espiritu Santo para matulungan kaming alalahanin ang itinuro Niya sa amin. (Tingnan sa Juan 14:19–27.)