Ang Ating Paniniwala
Naniniwala Kami sa Pagiging Ganap—kay Cristo
Sa Kanyang Sermon sa Bundok, binigyan tayo ni Cristo ng mahirap na utos na maging sakdal o ganap (tingnan sa Mateo 5:48). Ngunit dahil lahat tayo ay nagkakamali, paano inaasahan ng Diyos na masusunod natin ang utos na ito? Sa pagkakaroon ng tamang pagkaunawa sa inaasahan sa atin ng Diyos, mauunawaan natin ang ibig sabihin ng propetang si Moroni nang sabihin niya na maaari tayong maging “ganap kay Cristo” (tingnan sa Moroni 10:32–33).
Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Ganap?
“Ang salitang Griyego para sa salitang sakdal ay maaaring isalin bilang ‘ganap, lubos, husto’ (sa Mateo 5:48, footnote b). Inuutusan tayo ng ating Tagapagligtas na maging ganap, lubos, husto—maging sakdal sa kabanalan at mga katangiang ipinakita Niya at ng ating Ama sa Langit.”1
“Ang pagiging sakdal o ganap na nakikinita ng Tagapagligtas para sa atin ay higit pa sa hindi paggawa nang mali. Ito ay walang-hanggang pag-asam tulad ng ipinahayag ng Panginoon sa kanyang dakilang panalangin ng pamamagitan sa kanyang Ama—na tayo ay maaaring maging ganap at makasama sila sa kawalang-hanggan.”2
“Kaya’t naniniwala ako na ibinigay ni Jesus ang Kanyang sermon tungkol sa paksang ito hindi upang kundenahin tayo sa ating mga pagkukulang. Naniniwala ako na ang layunin Niya rito ay kilalanin kung sino at kung ano ang Diyos ang Amang Walang Hanggan at ano ang matatamo natin sa kawalang-hanggan sa piling Niya.”3
“Ang pag-unawa sa nagbabayad-salang pagmamahal na buong [pusong] ibinigay ng Tagapagligtas ay magpapalaya sa atin mula sa pinagpipilitan, mali, at di-makatotohanang mga inaasahan tungkol sa kahulugan ng pagiging ganap o perpekto.”
Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pagiging Ganap kay Cristo,” Liahona, Hulyo 2014, 42.