2019
Kapag Hindi Nagsisimba ang Isa o Parehong mga Magulang
Hunyo 2019


Pagtuturo sa mga Tinedyer at mga Bata

Kapag Hindi Nagsisimba ang Isa o Parehong mga Magulang

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

boy walking into church alone

Si Pangulong Russell M. Nelson ay lumaki sa isang mapagmahal na pamilya na may mga magulang na mahal na mahal niya. Pero noong bata pa siya nagsimba siya nang hindi kasama ang kanyang ina o ama, at inasam niyang mabuklod ang kanyang pamilya sa templo.1 Ngunit walang bata na kailangang maglakad nang mag-isa sa landas ng tipan. Ang pagmamahal at pagmamalasakit ng pamilya at mga miyembro ng ward ay makatutulong sa mga batang maaaring walang suporta ng ebanghelyo sa tahanan. Ang mabuting pagtuturo ng ebanghelyo at magagandang karanasan sa tahanan at simbahan ay makatutulong sa lahat ng bata na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit.

Para sa mga Magulang na Nagsisimba nang Hindi Kasama ang Asawa

  1. Ibahagi ang mga pagpapala ng pamumuhay ng ebanghelyo. Tulungan ang inyong mga anak na maunawaan na ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagdudulot ng kapayapaan—at nagpapagaan ng mga pasanin. Ipaliwanag kung bakit pinili ninyong makilahok sa Simbahan, nang hindi nagsasalita nang masama tungkol sa magulang na piniling hindi magsimba. Ibahagi ang inyong nadarama tungkol sa kung paano nagbibigay sa inyo ng kapanatagan at patnubay ang pagtupad sa inyong tipan sa binyag.

  2. Magkaroon ng positibong pananaw. Tulungan ang mga anak na makita ang kabutihan sa kanilang pamilya. Matutulungan din ninyo sila na makita ang kabutihan ng kanilang mga titser, lider sa Simbahan, at miyembro ng ward. Pag-usapan ang natutuhan ng inyong mga anak sa simbahan. Huwag pag-usapan ang mga kahinaan o hindi magandang puna ng iba. Sa halip, magsalita nang positibo at magpakita ng kahandaang matuto mula sa iba.

  3. Daigin ang mga negatibong emosyon. Tulungan ang mga anak na maunawaan ang mga negatibong emosyon tulad ng takot, kalungkutan, pagkabigo, at galit. Pagkatapos ay matutulungan ninyo sila na mapaglabanan ang kanilang mga emosyon sa pamamagitan ng pagdodrowing, paglalaro, o pakikipag-usap. Kung kinakailangan, maaari din kayong humingi ng tulong na propesyonal. Ang pagpapahilom ng sugatang puso ay tutulong sa lahat na maging mas madaling makahiwatig sa mga damdaming espirituwal at magkaroon ng mas magagandang karanasan sa simbahan.

  4. Humingi ng tulong kapag kailangan. Kung kailangan ninyo ng tulong, huwag maghintay na may mag-alok ng tulong. Kung minsan maaaring hindi napapansin ng mga lider ng Simbahan at mga miyembro ng ward ang isang pangangailangan, o maaaring nag-aalangan silang tumulong nang walang paanyaya. Kung nangangailangan ng basbas ang anak, pag-isipan nang may panalangin kung sino ang maaaring tumulong at pagkatapos ay hilingin ito. Pag-isipan din kung sino ang maaari ninyong matulungan.

Para sa Lahat ng Young Adult

  1. Pansinin at mahalin ang mga batang nagsisimba na walang kasamang isa o parehong mga magulang. Alamin ang kanilang mga pangalan at batiin sila nang may pagmamahal at kabaitan. Huwag silang husgahan dahil sa kanilang mga sitwasyon, at huwag magtanong kung bakit wala ang kanilang mga magulang. Kapag nadama ng mga bata ang taos-pusong pagmamahal mula sa mga miyembro ng Simbahan, mas malamang na sila ay mapanatag, matuto, at madama ang Espiritu.

  2. Maging sensitibo sa mga espesyal na pangangailangan. Kapag ang mga bata ay nagsisimba nang hindi kasama ang isa o parehong mga magulang, isipin kung paano makakaapekto sa kanila ang mga partikular na turo o aktibidad. Sa lesson tungkol sa mga pagpapala ng priesthood, ituro na maaaring makamtan ng lahat ang mga pagpapalang ito. Kung kasama sa isang aktibidad ang mga magulang, isama ang lahat ng magulang. Laging isaisip ang mga bata na maaaring sensitibo sa mga espesyal na araw tulad ng Father’s Day o Mother’s Day.

  3. Tulungan sila na mahalin at palakasin ang kanilang pamilya. Ituro sa mga bata na ang pamilya ay inorden ng Diyos.2 Hikayatin sila na pahalagahan ang kabutihan ng kanilang pamilya. Ang family history ay makatutulong sa mga bata na maunawaan na nagsimula ang kanilang pamilya bago pa sila isinilang. At ang paggawa ng family history ay lalo pang magdudulot “ng higit na pagkakalapit at kagalakan sa [kanilang] pamilya.”3

  4. Turuan sila ng totoong doktrina. Ang kalayaang pumili ay mahalagang doktrina sa plano ng kaligtasan, at ang mga anak ay hindi responsable sa mga pinili at kasalanan ng kanilang mga magulang (tingnan sa Moises 6:54). Ang mga problema ng mga magulang ay hindi kasalanan ng kanilang mga anak o responsibilidad na ayusin ito ng kanilang mga anak. Ang mabatid ang bagay na ito ay makatutulong sa mga anak na hindi gaanong mag-alala sa mga bagay na hindi nila mababago at magpasalamat sa maraming pagpapala ng pamilya sa araw-araw.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Nasasabik ang ating Ama sa Langit na tipunin at pagpalain ang Kanyang buong pamilya. Binibigyan ng Kanyang plano ang bawat anak Niya ng pagkakataong tanggapin o tanggihan ang Kanyang paanyaya. At ang mga pamilya ang pinakamahalaga sa planong ito.”4

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 93–96.

  2. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  3. Quentin L. Cook, “Ang Galak sa Paggawa ng Family History,” Liahona, Peb. 2016, 27.

  4. Henry B. Eyring, “Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Liahona, Mayo 2017, 20–21.