Mga Martir at ang Aking Patotoo
Sunju Kim Muir
Maryland, USA
Nag-alinlangan ako nang ituro sa akin ng mga missionary ang tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon. Ang unang naisip ko ay maaaring si Joseph Smith, tulad ng iba pang tinaguriang “mga propeta,” ay naglabas ng isang huwad o hindi totoong aklat sa mundo sa hangaring maging mayaman, bantog, o bayani.
Wala akong intensyon na basahin ang Aklat ni Mormon. Ngunit sa pagdaan ng panahon ang kabaitan ng mga missionary at ang kasiglahan nila sa ebanghelyo ang nagpatindi ng pag-uusisa ko sa kanilang mensahe.
Nang basahin ko ang mga talata sa Aklat ni Mormon na ibinigay ng mga missionary, nakita ko ang paanyaya ni Moroni na magtanong sa Diyos nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, at pananampalataya kay Cristo kung ang Aklat ni Mormon ay totoo (tingnan sa Moroni 10:4–5). Inisip ko, “Sinong tao, na nalalamang hindi totoo ang aklat, ang magkakalakas ng loob na hamunin tayo na magtanong sa Diyos nang may tunay na hangarin at matapat na puso kung ang Aklat ni Mormon ay totoo?”
Pagkatapos isang araw ay ipinaliwanag ng mga missionary na si Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum ay pinaslang dahil sa kanilang patotoo. Bigla ay naisip ko na hindi nila ibubuwis ang kanilang buhay para sa isang bagay na alam nila na hindi totoo. Sa sandaling iyon, isang mainit na pakiramdam, na parang nagliliyab na apoy, ang pumuspos sa akin. Iyon ay patotoo ng Banal na Espiritu na nagpapatunay sa aking puso na si Joseph Smith ay totoong propeta. Dahil sa patotoong ito, ako ay nabinyagan at nakumpirma.
Naalala ko ang karanasang ito makalipas ang 25 taon nang mabasa ko ang isang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa mensaheng ito, itinanong ni Elder Holland kung, sa kritikal na sandali ng kamatayan nila bilang mga martir, ay patuloy na gagawa ng kalapastanganan sina Joseph at Hyrum sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aayon ng kanilang buhay, karangalan, at walang hanggang kaligtasan sa isang aklat na alam nilang hindi totoo.
“Hindi nila gagawin iyan!” sabi ni Elder Holland. “Pinili nilang mamatay sa halip na itatwa ang banal na pinagmulan at walang hanggang katotohanan ng Aklat ni Mormon.”1
Ang mga sinabi ni Elder Holland ay naging lubos na makahulugan sa akin at lalo pang nagpalakas sa aking patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon.
Nagpapasalamat ako para kay Propetang Joseph Smith. Inilabas niya ang Aklat ni Mormon at handang ibigay ang kanyang buhay upang maging saksi ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon, nalaman ko na buhay ang Diyos at mahal Niya ako.