2019
Pinagpala sa Pagkakaroon ng mga Anak
Hunyo 2019


Mga Young Adult

Pinagpala sa Pagkakaroon ng mga Anak

Ang awtor ay naninirahan sa Managua, Nicaragua.

Kinuwestiyon kami ng mga tao sa pagkakaroon ng maraming anak, ngunit dahil sa aming mga anak, mas naunawaan namin ang pagmamahal ng Ama sa Langit at mas napaunlad ang aming banal na potensyal.

family and data-posterity

Paglalarawan ni Tausha Coates

Ito na ba ang huling anak ninyo?” Nang magdalang-tao ako sa aking pangatlong anak, at ang dalawang ko pang anak ay wala pang limang taong gulang, tila madalas na mayroong opinyon ang mga tao tungkol sa aming mga anak. “Ito na ba ang huli?” “Hindi kaya masyado kayong nagmamadali?” “Ano ang gagawin mo sa tatlo mong anak?” ang mga tanong na karaniwan kong naririnig. Bagama’t naunawaan ko, dahil karaniwang may isa o dalawang anak ang mga tao sa aming bansa dahil sa mga problemang pang-ekonomiya, ang hindi alam ng mga tao ay noong nagdedeyt pa lang kami ng asawa ko, napag-usapan na namin kung ilan ang gusto naming anak at kung kailan kami mag-aanak. Ang pagpaplano ng pamilya ay mahalaga at seryosong desisyon sa amin, kaya’t kailangang gawin namin ito nang magkasama, na palaging hinihingi ang patnubay ng Diyos. Nakinig kami sa Espiritu sa halip na sa mga tao sa paligid namin, at napagpala kami sa pagkakaroon ng mga anak.

Nang makipagtipan ang Panginoon kay Abraham, nangako Siya sa kanya ng maraming inapo (tingnan sa Genesis 17:5–6; 22:17). Mula sa talatang iyan ng banal na kasulatan, naunawaan natin na sa ating Ama sa Langit, ang pagkakaroon ng mga anak ay isa sa mga pinakamagandang pagpapala na matatanggap natin. Sa pamamagitan ng ating mga anak o inapo, mas naunawaan natin ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit, at mas napapaunlad ang ating banal at walang hanggang potensyal. Kapag nagkaroon kayo ng mga anak, hindi lamang ninyo tinutulungan ang mga espiritu na nasa premortal na buhay na makapunta rito sa mundo at magkaroon ng katawan, kundi mayroon din kayong pribilehiyo na turuan sila ng ebanghelyo. Naniniwala ako na kakaunti ang mga bagay sa buhay na mas naghahanda sa atin para sa buhay na walang hanggan kasunod ng pagkakaroon ng mga anak. Sa pamilya natin pinakamahusay na natututuhan na tularan ang mga katangian ng Panginoon. Ngayong isa na akong ina, araw-araw akong napapaalalahanan kung gaano kahalaga ang manatiling malapit sa aking Ama sa Langit. Nagdarasal ako sa lahat ng oras, humihingi ng patnubay, lakas, at tiyaga at nagpapasalamat sa Kanya para sa maraming pagpapala na dulot ng pagkakaroon ng mga anak.

Ang pagiging magulang ay isang karanasang nagpapabago ng buhay na mayroong ilang pagsubok o problema ngunit maraming kagalakan. Tuwing pinakikinggan ko ang aking panganay na anak na kumakanta ng awit sa Primary, o minamasdan ang aking dalawang taong gulang na anak na sinisikap na mapanatiling nakapikit ang kanyang mga mata habang nagdarasal ang pamilya, o sa tuwing karga ko ang aking sanggol na anak, dama ko sa aking puso ang hindi maipaliwanag na kagalakan. Ang mga anak namin ang motibasyon namin na patuloy na magtiis hanggang wakas, marami mang pagsubok ang maranasan namin sa buhay. Lubos akong nagpapasalamat sa aking Ama sa Langit sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na maging ina ng aking mga anak.

Alam ko na mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Nadama ko ang Kanyang pagmamahal sa masasayang sandaling iyon na puno ng tunay na walang hanggang kaligayahan at gayon din sa panahon ng mga pagsubok. Isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang ipakita sa atin ang daan pabalik sa ating tahanan sa langit. Mahal ko ang aking pamilya, at alam ko na ang mga pamilya ay magsasama-sama magpakailanman.